Dahil HR ang Babaeng Ito sa Opisinang Pinapasukan ay Labis na Lamang ang Kanyang Pang-aapi sa Ibang Empleyado, Mabuti na Lamang ay Nagising Siya Bago Mahuli ang Lahat
Aminado naman si Mariane na die hard fan siya ni Duterte kaya nga kapag may post siyang nakikita na nilalait ang kaniyang manok ay agad na umiinit ang dugo niya ay talagang nakikipagbakbakan sa Facebook.
Kaya noong Sabado ay nagpost na naman nga ang dalaga ng tungkol sa presidente at laking gulat niyang may nag-koment dito.
“Aba! Ang lakas ng loob nitong si Carlo!” bulong ng babae sa sarili sabay nireplyan niya ang koment ng lalaki.
“Wala kang pakialam sa post ko! Sa wall ko! Dahil lahat ng sinasabi ko tungkol sa butihin nating presidente ay totoo! Gumising ka at wag magbingi-bingihan dahil siya ang pag-asa natin! At isa pa, ‘wag ka ngang magcomment! Kung ayaw mo ng post ko ay iunfollow mo ako o iunfriend!” at pinindot na ng babae ang REPLY. Wala pa mang isang minuto ay nakita niya agad na nagrereply ang lalaki.
“Okay! Wall mo ito kaya ikaw ang bahala! HAHAHA,” saad ng lalaki sa comment.
Labis na uminit ang dugo ni Mariane kay Carlo at pihadong babawian niya ito kaagad.
“Kabago-bago mo pa lang, ako agad ang binangga mo?! Puwes gagawin nating impyerno ang bubay mo sa opisina!” wika ng dalaga sa kaniyang sarili habang inaayos niya ang kaniyang damit.
HR si Mariane sa pinapasukang opisina at kilala rin ito na sobrang lakas kung mag power trip o di kaya naman ay mang-api ng ibang empleyado.
Pagpasok niya ng Lunes ay agad siyang nag-ikot sa ibang departamento. Tiyempong nakita niya si Carlo, na hanggang ngayon ay mainit pa rin sa kaniyang mga mata, kaya agad niyang sinita ito.
“Bawal ‘yang gupit mo! Mukha kang masamang tao! Mukha kang hindi gagawa ng mabuti! Mememohan kita kaagad!” nakataas ang kilay ng babae at alam niyang titiklop agad ang binata dahil halos lahat naman ng nasa kanilang opisina ay tumitiklop sa kaniya.
“Sige ho ma’am, kukunin ko na lang sa taas mamaya ang memo at alam ko rin namang first violation ko ito kaya tatandaan ko,” nakangiting sagot ni Carlo dito na labis ikinainit ng ulo ni Mariane. Siya lamang ang kauna-unahang empleyadong hindi nagmakaawa sa kaniya tungkol sa paglalabas ng memo.
Kaagad na umalis ang babae at ibinuntong ang galit niya sa lahat ng nakikitang tao.
“Beastmode na naman si Madam Mariane! Mukhang nakahanap sya ng katapat e! Nabasa ko ang sagutan nila ni Carlo sa Facebook pare! Astig! King*na gusto ko nga mag comment ng SIGE PA!” wika ng isang empleyado sa pantry habang kumakain sila ng tanghalian.
“Para talagang gusto kong manampal bigla e!”sigaw naman ni Mariane na biglang pumasok para lang kumuha ng tubig. Nagsipagyuko ang ibang empleyado at hindi na muling nag-usap.
Bumalik si Mariane sa kaniyang opisina at nag-isip ng kung ano ang pwede niyang gawin para matanggal agad ang lalaki. Dahil sa bwisit niya ay pinaremote ng HR ang mga computer para makita kung sino ang gumagamit ng Facebook habang oras ng trabaho. Sakto namang nagfe-Facebook ang binatilyo at agad niya itong pinatawag sa kaniyang opisina.
“Nagfe-Facebook ka habang oras ng trabaho kaya naman tanggal ka na, Hijo!” saad ng babae kay Carlo.
“Marketing assistant ho ang trabaho ko ma’am, at isa sa mga gawain ko ay ang bantayan ang galaw ng ating mga social media accounts,” sagot ng lalaki.
“Ay hindi, hindi! Personal account mo yun at hindi sa kumpanya kaya ‘wag kang nagdadahilan! Tanggal ka na! Lumayas ka!” sigaw ni Mariane sa lalaki sabay bukas ng pinto at isinigaw sa buong opisinang sisante na nga ang binatilyo sa trabaho.
“At sa mga babastos at sasagasa sa akin ay ganyan din ang mapapala niyo!” malakas na sigaw ng babae at narinig iyon sa buong palapag ng gusali.
Labis ang tuwa ni Mariane dahil alam niyang naibangon niya ang sariling nalugmok dahil sa comment ni Carlo at ngayon ay kinakatakutan na siyang muli.
Ngunit laking gulat niya nang ipatawag siya ni Clara, ang bise presidente ng kanilang kumpanya.
“Nabalitaan ko ang ginawa mong pagsisisante at mali iyon Mariane! Wala kang sapat na dahilan para gawin iyon sa tao. Isa pa, marami nang nakakarating sa aking balita tungkol sa pamamalakad mo! Hindi ko na iyon gusto kaya ako na mismo ang magsisisante sa’yo! IKAW ANG LUMAYAS SA KUMPANYA NAMIN!” saad ng babae kay Mariane at laking gulat niya dito.
Hindi siya nakapagsalita at umuwi na lang kaagad dahil sa labis na kahihiyang sinapit. Pagkarating niya sa kanilang bahay ay nakita naman niyang naghahalikan ang kaniyang asawa at ang kumare nito, samantalang ang anak niya ay humihithit ng sigarilyo at tinignan lamang siya sa malayo.
Napaluhod ang ale sa pinto at umiyak “Ito na ba ang karma ko?!” sigaw ni Mariane.
“Hoy gising!” pahayag ni Melchor ang asawa ng ale sabay yugyog nito sa kaniyang balikat.
“Binabangungot ka kanina pa! At nagsisisigaw ng karma, ano’ng napanaginipan mo?” tanong ng kaniyang mister.
“Ano’ng araw na?! Ilang oras na akong natutulog? Nasaan ang anak natin!” tanong naman ni Mariane.
“Sabado pa rin mahal at sampung minuto ka pa lang yata natutulog at binabangungot ka na,” saad ng lalaki. Mabuti na lamang at panaginip lamang pala ang lahat ng nangyari kay Mariane. Dali-dali niyang binuksan ang kaniyang telepono at binura ang comment niya at maging ang kaniyang post.
Simula noon ay nagbago ang babae sa kanyang trabaho, naging mas masipag at mas mabait ito sa mga empleyado at hindi na siya nananakot pang magpapaulan ng memo. Baka kasi magkatotoo ang panaginip niya at balikan siya ng karma, madamay pa ang buo niyang pamilya.