Inday TrendingInday Trending
Bulagsak sa Pera at Matapobre ang Dalaga, Ngunit Lahat ay Nagbago nang Matanggal ang Magulang Niyang OFW sa Trabaho

Bulagsak sa Pera at Matapobre ang Dalaga, Ngunit Lahat ay Nagbago nang Matanggal ang Magulang Niyang OFW sa Trabaho

“Maggie! Nako, hija. Anong oras ka na naman nakauwi kagabi? Hinintay kita ng hanggang alas onse ng gabi pero wala ka pa. Lagot ako nito sa mama at papa mo,” pag-aalala ng kasambahay na si Aling Rita.

“Ah, kumain lang kami ng mga kaibigan ko. Nako, huwag mo na akong isumbong ha?” paglalambing ng dalagang si Maggie dito.

“Hindi naman pupwedeng palagi, ha? At saka tinatanong pala ako kung bakit hindi ka na raw tumatawag sa mama at papa mo.”

“Ako na ang bahala sa kanila. Kakausapin ko na lang mamaya. O, sige na. Papasok na ako sa eskwela,” paalam ng dalaga.

Napabuntong-hininga na lamang si Aling Rita. Alam niyang hindi siya pakikinggan ng dalaga kapag pinagsabihan niya ito.

Ang akala ni Aling Rita ay sa eskwela ang diretso ng dalaga, ngunit hindi nila alam na magbubulakbol lang pala ito kasama ang mga kaibigan.

“O, tara na! Dito na tayo kumain. Masarap dito!” pagyaya ni Maggie sa mga kaibigan.

“Ano ka ba? Mahal d’yan!” sagot naman ng kaibigan si Claire.

“Sus! Ano naman kung mahal? Ako na ang bahala. Kunyari pa kayo,” pagmamayabang ni Maggie. Kung makagasta ito ay para bang siya ang kumakayod sa ibang bansa.

“Naks naman! Ang yaman talaga!” pangangantyaw ni Ericka.

Nang makaupo na ang magbabarkada, agad napansin ni Maggie ang isang dalaga na nagbebenta ng mga pastillas at yema sa loob mismo ng mamahaling restawran.

“Uy! Tingnan niyo. Bakit nakapasok ‘yan dito? Kadiri naman ‘yong binebenta. Guard! Palabasin niyo nga ang basahan na ‘yan!” utos ng matapobreng dalaga.

“Ay, Ma’am. Pasensiya na po. Pero pinayagan po kasi siya ng may-ari ng restawran na ito. Maawain po kasi si sir sa mahihirap. Hindi naman po namamalimos, nagbebenta lang po,” malumanay na paliwanag ng gwardiya.

“Ano?! Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Nandidiri ako! Amoy araw siya! Nakakawalang-gana kumain. Palabasin niyo ‘yan. Kung hindi, ipapahiya ko kayo sa Facebook! At saka hindi mo ba alam? Customer is always right!” pagmamataas ng dalaga. Lahat ng iba pang kumakain ay nakatingin na sa kanila.

Wala nang nagawa ang gwardiya. Tahimik na lamang niyang pinalabas ang kawawang tindera.

Tuwang-tuwa naman si Maggie. Iniisip niya na kaya niyang paikutin ang mundo dahil marami siyang pera.

Isang umaga, nagising si Maggie sa paulit-ulit na tawag ng kanyang mga magulang. Inis na inis naman ito dahil sa tunog nang tunog ang kanyang cell phone.

“Tsk! Aga-aga naman,” bulong ni Maggie sa sarili habang inaabot ang mamahaling cell phone.

“Bakit, mama? Maaga pa po,” inis na sagot ng dalaga sa kanyang ina.

Napadilat ang kanina’y inaantok na mga mata ni Maggie nang marinig ang sinabi ng ina. Pauwi na raw ito kasama ang kanyang ama dahil natanggal ito sa trabaho. Dahil daw ito sa matinding krisis sa Saudi. Agad namang naisip ni Maggie ang sarili.

“Ha?! E paano ako?! Mababawasan ba ang baon ko? Paano na lang yung mga pinapabili ko? Mama naman!” reklamo ng makasariling dalaga.

“Talaga? Imbis na tanungin mo kami kung kamusta kami, ‘yan pa ang una mong naitanong?” nagsimula na ring mainis ang dati pa nagtitimping ina.

Kinabukasan, maagang nakarating sa kanilang bahay ang mag-asawa. Agad nilang hinanap ang anak na si Maggie.

“Anak? Kamusta? Ang laki na ng itinangkad mo,” bati ng tuwang-tuwang ama. Makalipas ang dalawang taon ay ngayon na lamang uli sila nagkita.

Imbis na ipakita ang pagkasabik sa mga magulang, agad na nagreklamo ang dalaga.

“Ano na? Paano na ‘yan? Saan tayo kukuha ng pera? Maghihirap na ba tayo?!” pambungad na bati nito.

Napahawak na lamang ang ina sa kanyang ulo.

“Oo. Pasensiya ka na kung biglaang nangyari ito. Sana alam mong hindi namin ito ginusto. Pero sigurado naman kaming makakatapos ka ng pag-aaral dahil sa ipon natin. Hindi mo naman ginalaw ang savings account mo sa bangko, ‘di ba?” tanong ng kanyang ama.

“Ha? Uh… Eh… Hindi ko naman alam na para yun sa pag-aaral ko!” palaban pa kung sumagot si Maggie.

“Bakit?! Nagastos mo na bang lahat?” halos himatayin ang inang si Marie.

Panandaliang nabalot ng katahimikan ang kanilang pamamahay.

“ANO?! SUMAGOT KA! SAAN MO GINASTOS?!”

“Hindi ko nga kasi alam! Siyempre akala ko panggastos ko ‘yon! Edi pinambili ko ng kung ano-anong kailangan ko.”

Tuluyan na ngang hinimatay si Marie. Agad naman itong sinapo ng asawang si Edwin. Wala silang kaalam-alam na ganito na pala ang kanilang kaisa-isang anak.

Matapos mahimasmasan, agad kinausap ng mag-asawa ang kanilang dalaga. Dahil sa ginawang kabulagsakan, kailangan nitong magtrabaho para sa kaniyang pag-aaral.

“Ha?! Ayoko! Ano na lang sasabihin ng mga kaibigan ko? Saka pwede namang hindi na ako mag-aral,” sagot ni Maggie.

“Subukan mong gawin ‘yan, at ako ang makakalaban mo.” seryosong sabi ni Edwin. Agad namang kinabahan si Maggie dahil alam niyang kapag ganito na ang boses ng ama’y makakatikim talaga siya.

Wala nang nagawa pa si Maggie. Kinabukasan ay agad siyang naghanap ng mapapasukang trabaho. Ngunit makalipas ang mahigit sa anim na oras na paghahanap, bigla na lamang nanlambot ang dalaga. Wala ni isang gustong tumanggap sa kanya.

“Ang hirap naman! Lahat na lang sila gusto e yung nakapagtapos! ‘Yong mga tumatanggap naman ng hindi, ayaw pa rin sa’kin,” inis na bulong nito sa sarili. Talagang sinubukan na niya ang lahat ng pwede niyang pasukan, ngunit ni isa ay walang nagpakita nang interes na tanggapin siya.

Habang naglalakad sa Alabang, isang babae ang lumapit sa kanya at nag-aalok ng trabaho. Magbebenta lamang daw ng mga produktong pampaganda sa loob ng isang mall. Dahil naging desperada na sa ilang oras na paghahanap, agad tinanggap ng dalaga ang trabaho. Kinabukasan ay agad na itong nagsimula.

“I-alok mo lang. Kapag may nakita kang naglalakad na mukhang bibili ng produkto natin, lapitan mo lang.” utos ng kanyang kasamahang si Remy.

“Ha? Hindi ba nakakainis yung ganon? Sa ‘kin kasi ayoko ng ginaganon e. Nakakairita!” sagot ni Maggie.

“Nakakairita? E kung tanggalin na kaya kita, baka mas lalo kang mairita?” palabang sagot naman ng Remy.

“Oo na. Eto na, gagawin na nga.”

“Ayos-ayusin mo ang tabas ng dila mo, ha? Hindi ikaw ang boss dito.”

Dahil kailangan ang trabaho, napa-buntong hininga na lamang si Maggie at nagsimula sa pag-aalok ng kanilang produkto. Marami ang halatang naiinis kapag sinusubukan niyang mang-alok, ang iba ay nangbubunggo pa para lamang umalis ka sa dadaanan nila. Bigla niyang naalala ang mga masamang pag-uugali niya noon.

Ikalawang linggo na ni Maggie sa trabaho. Habang nakahiga sa kanyang kama, napagtanto niya kung gaano siya ka-swerte noon. Dati kasi ay hindi niya alam ang hirap ng pagbabanat ng buto kaya naman kung makapaglabas siya ng pera ay parang wala nang bukas. Ngayong siya na ang kumikita ng sarili niyang panggastos, nakita na niya ang tunay na halaga ng pera. Pinagsisihan niya rin ang pagiging matapobre at mapagmataas noong siya’y nakaka-angat pa, dahil ngayon ay ramdam na niya kung paano ang pakiramdam ng ikaw ang nasa ibaba.

Kinabukasan, biglang tinawag si Maggie ng kanyang ama’t ina bago siya pumasok ng trabaho. Nagtataka siya dahil ang laki ng mga ngiti nito.

“Bakit po? Ano pong nangyayari?” tanong ng nagtatakang dalaga.

“Dahil nakikita ko na ang malaking pagbabago sa’yo, panahon na siguro para malaman mo,” wika ni Edwin.

“Ang alin po?”

“Ang katunayan, hindi totoo na nawalan kami ng mama mo ng trabaho. Nagsumbong na kasi sa aming ang Yaya Rita mo, kung paano ka gumastos at makisalamuha sa mga mahihirap. Kaya naman ginawa namin ang lahat ng ito upang maturuan ka ng leksyon,” paliwanag ng natatawang ama.

“Grabe! Totoo po ba?!” hindi maipaliwanag ni Maggie ang kanyang nararamdaman.

“Oo. Sa katunayan ay isang buwan na lamang at babalik na kami muli ng mama mo doon. Sana naman ay tuluyan ka na ngang nagbago, anak. Lahat ito ay para sa ikabubuti mo.”

Nagyakapan ang tatlo. Imbis na magalit ay nagpasalamat si Maggie sa ginawa ng kanyang mga magulang. Kung hindi kasi nila ito ginawa, malamang ay bulagsak pa rin sa pera at matapobre ang dalaga.

Magmula noon ay tunay ngang napabago ang pag-uugali ni Maggie. Huminto na sa pagta-trabaho ang dalaga para maipagpatuloy ang pag-aaral. Mapayapa na ring nakaalis muli ng bansa ang mag-asawa, dahil alam nilang naideretso na nila ang baluktot na pag-uugali ng nag-iisang anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement