Inday TrendingInday Trending
Pinagkakasya ng Magkasintahan ang Isang Lata ng Sardinas Buong Araw, Lahat ng Paghihirap Nila’y May Matamis na Kapalit

Pinagkakasya ng Magkasintahan ang Isang Lata ng Sardinas Buong Araw, Lahat ng Paghihirap Nila’y May Matamis na Kapalit

Ikatlong taon pa lamang ni Warren at Julianna sa kolehiyo nang unang magtagpo ang landas nila. Maituturing na love at first sight ang nangyari sa dalawa dahil makalipas lamang ang dalawang buwan ay naging opisyal na silang magkasintahan.

Nakaluluwag sa buhay ang pamilya ni Julianna, habang isang kahid isang tukang pamumuhay naman ang mayroon ang pamilya ni Warren. Kaya’t ganoon na lamang ang pagtutol ng ama’t ina ng dalaga nang ipakilala niya ang mahal na kasintahan.

“Ipagpipilitan mo, Julianna?! Lumayas ka! Lumayas ka sa pamamahay ko. Walang puwang dito ang mga taong hindi nakikinig sa akin,” malupit na sigaw ng ina ni Julianna na si Karen.

“Mama! Mahal na mahal po namin ang isa’t isa. Masipag pong estudyante si Warren. Hindi po niya kasalanan na ipanganak na mahirap,” paliwanag ng humahagulgol na si Julianna.

“Mahal, huwag mong ipagpalit ang magandang kinabukasan mo para sa akin. Pangako kong babalikan kita kapag matatanggap na ako ng iyong pamilya,” wika ng lumuluhang si Warren habang nasa harap ng magulang ng dalaga.

“Ano?! May panga-pangako ka pang nalalaman? O, sige! Magsama kayo! Yaya, kunin mo na ang lahat ng mga gamit nitong suwail na batang ito. LUMAYAS KA, JULIANNA!” patuloy na pagtataboy ng ina sa kanyang anak.

Wala nang nagawa si Julianna. Tinulungan siya ni Warren na kunin ang mga gamit niya at napagdesisyunang tumira muna kasama ang pamilya ng binata. Mabuti na lamang at kahit mahirap ay malugod siyang tinanggap ng mga ito.

“Hija, pasensiya ka na ha? Banig lang ang mayroon kami rito. Malayo sa malambot na kama na nakasanayan mo,” nahihiyang sabi ng ina ni Warren na si Remedios.

“Hala, tita. Wala pong problema. Napaka-laki nga po ng pasasalamat po at tinanggap niyo ako dito,” sagot ng mapagkumbabang dalaga.

At dahil isang taon pa ang bubunuin ng magkasintahan, napagdesisyunan nilang parehong magtrabaho upang makatapos ng pag-aaral. Labis din na nahihiya si Julianna sa pamilya ni Warren kaya naman nagbanat siya ng buto upang makapag-abot kahit papaano ng paminsang pambili ng ulam at pambayad sa mga bayarin sa bahay.

Ngunit tila pinaglalaruan ang dalawa ng tadhana. Isa sa mga kapatid ni Warren ay bigla na lamang nagkaroon ng nakakahawang sakit. At bilang pagsunod sa payo ng doktor, kinailangan ni Julianna na lumipat ng matitirhan. Dahil ayaw namang pabayaan ni Warren na mag-isa ang dalaga, sinamahan niya ito sa isang maliit na kwarto na kanilang naupahan.

Lalong lumaki ang gastos ng dalawa. Kung dati ay nag-aabot lamang sila ng pera upang makatulong sa gastusin, ngayon ay sila na lamang talaga ang magbabayad ng lahat-lahat.

“Mahal? Ayos ka lang ba? Baka inaantok ka na. Magpahinga ka muna,” malambing na wika ni Warren sa kasintahan.

“Nako, mahal. Hindi pa pwede. Kailangan kong makapasa sa eksam namin bukas. Kaunti na lang, Warren. Makakaraos din tayo,” naluluhang sabi ni Julianna habang nakahawak sa kanyang sikmura.

Para mapagkasya ang pera sa lahat ng kanilang bayarin, isang lata lamang ng sardinas ang kaya nilang bilhin na dapat pang pagkasyahin sa buong araw. Kaya naman palagi na lamang sumasakit ang sikmura ng hindi sanay sa hirap na dalaga. Halatang-halata na nga rin ang malaking pagkabawas sa kanilang mga timbang.

“Kaunti na lang. Mahal na mahal kita, Julianna. Wala akong pinagsisisihan na ikaw ang napili kong mahalin,” niyakap ng mahigpit ni Warren ang pagod na kasintahan.

“Mahal na mahal din kita. Ikaw lang, Warren. Hanggang sa dulo.”

Tila napawi naman ang lahat ng gutom at pagod ng dalawa sa tuwing sila ay magkaka-yakap. Para sa kanila, sapat na ang init ng kanilang pagmamahalan. Sabayan lamang nila ito ng sipag at tiyaga ay sigurado silang magbubunga ito ng maganda.

Sa loob ng siyam na buwan, walang ibang laman ang sikmura ng magkasintahan kung hindi kanin at sardinas. Ito na kasi ang pinaka-murang kaya nilang mabili sa kanilang napakaliit na pinagsamang kita. Sa totoo lamang ay sinubukan ni Julianna na humingi ng tulong sa kanyang mga magulang at kapatid, ngunit labis siya nitong ipinagtabuyan. Hindi naman na nila sinubukan pang humingi ng tulong sa pamilya ni Warren dahil alam nilang naghihikahos itong lalo dahil sa pagpapagamot sa batang kapatid ng lalaki.

Sa wakas ay dumating na ang araw na pinakahihintay ng dalawa, ang kanilang pagtatapos sa kolehiyo. Pareho pa silang dalawa na may karangalang iuuwi. Si Warren bilang Summa Cum Laude, at si Julianne bilang isang Cum Laude. Kaya naman bilang parte ng seremonya, magbibigay ng mensahe si Warren sa harap ng maraming tao.

“Magandang umaga po sa inyong lahat. Ikinararangal ko po ang tumayo sa harap ninyo bilang kaisa-isang Summa Cum Laude ng taong ito. Nais ko pong magpasalamat sa Diyos, sa aking pamilya, at lalong-lalo na sa aking kasintahan na si Julianna.” tumigil saglit si Warren at tiningnan sa mata ang lumuluhang kasintahan.

“Alam niyo po ba, na ako na ata ang pinaka-masayang tao sa araw na ito? Napaka-tinding paghihirap po kasi ang aming pinagdaanan ni Julianna para lamang makarating dito. Halos magkaroon na po kami ng palikpik dahil sa pagkain ng sardinas araw-araw…” agad namang nagtawanan ang mga estudyante at magulang. Ngunit ramdam nila ang labis na ligaya sa puso ng binata.

Natapos ang mensahe ni Warren, at agad itong sinalubong ng yakap ng kanyang pamilya. Matapos ay nilapitan niya agad ang kasintahan.

“Mahal! Eto na ‘yon! Eto na talaga,” masayang-masayang sambit ni Warren habang binuhat pa sa tuwa ang kasintahan.

Labis ang ligaya sa puso ng dalawa. Ngunit simula pa lamang iyon ng pag-ani nila ng kanilang mga itinanim. Dahil mataas ang karangalang nakuha sa eskwela, agad namang nagkaroon ng trabaho ang dalawa. Malaki kaagad ang sweldo na inalok sa kanila, kaya naman mabilis silang nakapag-ipon.

Inuna ng dalawa na ipagamot ang matinding sakit sa balat ng kapatid ni Warren. Matapos ay ipinagpatayo nila ng maayos na bahay ang pamilya ng lalaki. Ilang taon pa ang lumipas at sabay silang inalok ng trabaho sa bansang Australia. Hindi naman nagdalawang-isip ang magkasintahan at agad tinanggap ang trabaho.

Walang kamalay-malay si Julianna na doon na pala plano ni Warren na alukin siya ng kasal.

“Julianna? Sa totoo lamang ay matagal na kitang gustong pakasalan. Pero alam naman nating may mga bagay na mas dapat unahin. Ngayon, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Mahal na mahal kita, at pangakong ikaw lamang hanggang huli. Kaya itatanong ko na sa’yo, pwede ba kitang pakasalan?” nakaluhod na tanong ni Warren habang hawak ang singsing na may malaking diyamante.

Hindi na rin nagpaligoy-ligoy pa ang dalaga. Agad itong pumayag sa alok ng kasintahan. Matapos ang ilang buwan ay umuwi sila ng Pilipinas upang magpakasal. Inimbita nila ang lahat ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak.

Hindi inaasahan ni Julianna na dadalo ang kanyang pamilya, kaya naman nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang mga kanyang ina na naglalakad papasok ng simbahan.

“Julianna! Ang kapal din ng mukha mo, ano? Matapos mong maglayas, talagang inuna mo pa ang pamilya ng dukhang lalaki na ‘yan kaysa ang sarili mong pamilya! Ngayon, magpapakasal ka pa. Iba ka talaga!”

Sa wakas ay napuno na si Julianna.

“Una sa lahat, pinalayas ninyo ako. Ang tanging tumulong at sumuporta sa akin ay ang pamilya ni Warren. Kahit pa mamatay na ako sa gutom noon ay wala kayong pakialam. Pangalawa, nasa pamamahay tayo ng Diyos kaya utang na loob at huwag kang mag-eskandalo rito. Kung ganyan lang ang sasabihin mo, mas mabuting umalis ka na rito. Huwag mong sirain ang perpekto kong araw.”

“Ang kapal ng mukha mo! Sumasagot ka na. Porket matagumpay ka na ay nagagawa mo na akong ganyanin!”

Hahablutin na sana ng walang-hiyang ina ang buhok ng kanyang anak nang bigla itong sinunggaban ng ina ni Warren.

“Wala man kaming pinag-aralan, pero alam naming hindi dapat mambastos lalo na kapag nasa loob ka ng pamamahay ng Diyos. Patawarin nawa ako ng Panginoon sa gagawin kong ito!”

Sinabunutan ng ina ni Warren ang ina ni Julianna at kinaladkad ito palabas ng simbahan. Dahil sa labis na pagkapahiya ay tumakbo na ito palayo.

Makalipas ang ilang taon, nagkaroon na ng sariling anak ang dalawa. Siniguro ni Julianna na mapalalaki niya ang anak na mapagkumbaba at hindi matapobre. Ipinangako niya sa sarili na kailanma’y hindi magagaya ang kanyang anak sa pag-uugali ng kanyang ina. Paminsan-minsa’y nag-uulam pa rin sila ng sardinas bilang pag-alala sa kanilang mapagkumbabang simula.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement