Humingi ng Tulong ang Mag-Asawa sa Isang Albularyo Upang Magkaroon ng Anak, Isang Malaking Kabayaran ang Naging Kapalit Nito
Limang taon matapos ikasal si Nestor at Delia ay hindi pa rin sila nabibiyayaan ng supling. Ilang ulit na silang nagpatingin sa mga espesyalista ngunit sa huli ay nabibigo sila. Kung ano-anong pamahiin na ang kanilang sinunod at palagian din silang dumadalaw sa Quiapo upang manalangin, ngunit tila hindi pa rin dinidinig ng langit ang kanilang hiling.
“Sa tingin ko ay hindi talaga para sa atin ang pagkakaroon ng anak Delia, huwag na nating ipilit dahil nakikita ko lamang na nalulungkot ka sa tuwing nabibigo tayo.” wika ni Nestor.
“Patawad Nestor, alam kong matagal mo nang gusto ang magkaroon ng anak, pero binigo kita.” malungkot na sagot ni Delia habang lumuluha.
“Hindi mo ito kasalanan, pareho naman nating gusto ang magkaanak, sadyang mailap lang satin ang tadhana.”
“Mayroon pa kong nais na subukan bago tayo sumuko, ang alam ko ay may kakilala si nanay na albularyo sa aming probinsya na maaring makatulong sa atin. Desperado na ako Nestor, puntahan natin at baka ito na lamang ang tanging solusyon.”
Nagaatubili man ay nakikita ni Nestor ang pagnanais ng misis na pagkonsulta sa albularyo. Ni minsan ay hindi siya naniwala sa mga ito ngunit para kay Delia ay pumayag na rin siya. Nang sumunod na linggo ay nagtungo na sila na probinsya at masaya silang sinalubong ng nanay nito.
“Delia anak! Ang tagal nating hindi nagkita, hindi ko naman kayo madalaw at alam mo naman kailangan kong bantayan ang mga alaga kong baboy.” salubong sa kanila ng kaniyang ina.
“Okay lang yun nay, naiintindihan ko naman, siya nga pala, nakausap niyo na ba yung albularyo? Gusto ko sana ay puntahan na natin bukas.” sagot naman niya.
“Oo ang bilin niya ay pagisipan niyo ito ng mabuti, dahil isang malaking hiling ang pagkakaroon ng supling. Hindi daw magiging madali ang kapalit nito kung sakali. Pero kung gusto niyo talaga ay maari na tayong magtungo bukas ng umaga.”
Nagkatinginan na lamang ang mag-asawa at tumango si Nestor. Hindi na nila naisip ang kung ano mang kapalit ang tinutukoy ng kaniyang ina. Ang alam lamang nila ay magbabayad sila sa albularyo at hihintayin ang kaniyang pagbubuntis. Maagang bumangon si Delia, sabik na sabik na siyang umalis, pakiramdam niya ay nalalapit na ang katuparan ng kaniyang hiling. Pagka-almusal ay agad na silang nagtungo sa albularyo.
“Magandang umaga sa inyo, pasok kayo.” paanyaya ng albularyo pagdating nila. “Ano bang maipaglilingkod ko sa inyo?”
“Ah, eh diba naikwento ko sayo nung nakaraang araw na etong anak ko at asawa niya ay matagal ng nagnanais na magkaanak, matutulungan mo ba sila?” sagot ng kaniyang ina.
Huminga ito ng malalim at sumagot, “Maari ko kayong tulungan, ngunit hindi ko alam kung ano ang maaring maging kapalit ng buhay na ipagkakaloob sa inyo, sigurado ba kayo?” huling tanong nito.
Sumangayon si Nestor at Delia at inumpisahan na ng albularyo ang ritwal, isang manikang maliit ang inilagay nito sa tiyan ni Delia at mga kandila sa kaniyang paligid. Nagdasal ito sa wikang hindi nila maintidihan at pinainom si Delia ng isang mapait na inumin, binasbasan din nito si Nestor bago tinapos ang ritwal. Pagkatapos nito ay diretso na silang umuwi sa bahay ng ina at namalagi doon ng tatlong araw bago bumalik sa kanilang tahanan.
Makalipas ang tatlong buwan ay laking gulat nila nang malamang nagdadalang tao na si Delia. Maliban pa dito ay kambal ang kaniyang ipinagbubuntis!
Masayang-masaya sila at naging mas maalaga pa si Nestor sa asawa. Araw-araw niya itong pinapasalubungan ng mga pagkain hanggang sa sumapit na ang kabuwanan ng panganganak ni Delia.
“AHHHHHH! Nestor masakit na, dalhin mo na ako sa ospital, manganganak na ako.” biglang sigaw ni Delia habang nakaupo sa sala.
Agad naman siyang dinala ni Nestor sa ospital at doon ay iniluwal ang kanilang kambal na supling. Dalawang lalaki ang kanilang anak ngunit malungkot na ibinalita ng doktor na isa sa mga ito ay may mahinang baga, kailangan nitong manatili sa ospital upang mabantayan.
Malungkot na umuwi ang mag-asawa kasama ang isang anak. Araw-araw nilang pinupuntahan ang naiwang sanggol sa ospital ngunit sa paglipas ng mga linggo ay lalo lamang itong humihina.
“Kailangan niyo nang ihanda ang inyong sarili, ginagawa namin ang aming makakaya ngunit sadyang mahina ang kaniyang katawan.” bilin ng doktor sa kanila minsan.
“Ano ba ng naging pagkukulang natin Nestor, naging maingat ako sa aking pagkain, bakit naging mahina ang anak natin?” wika ni Delia habang umiiyak.
“Gagawin natin ang lahat para mailigtas siya Delia, tumahan kana.” sagot ni Nestor.
Minsang dinalaw ng kaniyang ina si Delia upang malaman ang kalagayan nito at ng mga apo.
“Delia, masakit man itong sabihin sa iyo ngunit sa tingin ko ay ito na ang kapalit na sinasabi ng albularyo, hiningi niyo lamang ang buhay ng inyong mga supling at may kabayaran ito.” payo nito sa kaniya.
“Hindi ko lubos maisip na mawawala ang isang anak ko. Masayang-masaya ako nang malaman kong dalawa ang aking pinagbubuntis, hindi ko ata kakayanin na mawala ang isa sa kanila.”
Isang buwan mula ng isilang ang sanggol ay pumanaw ito. Ayon sa doktor ay sumuko na ang katawan nito at hindi na kinaya pang mabuhay.
Labis itong ikinalungkot ng mag-asawa at halos mabaliw si Delia. Pinilit ni Nestor na magpakatatag para sa naiwang anak at asawa. Naging malungkutin din ito ngunit naaalagaan naman nitong mabuti ang anak.
Hindi maipagkakaila na kapag inunahan natin ang plano ng Diyos sa atin ay may kabayaran ito. Natuto ang mag-asawang magtiwala sa Diyos at sa tamang panahon na itinakda nito para sa kanila.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!