Nagsisimula nang Magalit sa Diyos ang Lalaki nang Isang Batang Mukhang Kano ang Lumapit sa Kanya at Nakipag-usap
Isa si Marvin sa mga taong isang kahig isang tuka. Mayroon siyang dalawang anak, ang kanyang misis ay nagtatahi ng mga basahan habang siya naman ang naglalako ng mga ito, isinasabay sa pagba-barker sa mga bumabyaheng bus sa Baclaran. Kapag may puhunan ay nakakapagbenta siya ng mineral water, candy at ilang tsitsirya, swerte na siya kung may maibebenta siyang C2 dahil mahal iyon. Mayroon siyang dalawang anak, 8 taon ang panganay at 4 na taong gulang naman ang bunso. Sinubukang mag-apply ni Marvin ng trabaho, pero hindi regular ang kita sa pagko-construction.
Napakahirap makapasok lalo na at ni hindi niya man lang natapos ang highschool.
“Minyang, wag magtatakbo sa kalsada, baka masagasaan ka. ” sabi niya sa bunsong anak at ginulo ang buhok nito, hinalikan naman siya sa pisngi ng panganay niyang si Merly.
“Nenita, lakad na muna ako!” sigaw niya sa misis na noo’y abalang isanasalansan ang mag retasong nahingi sa kapitbahay. Sa squatter’s area sila nakatira, habang binabaybay ni Marvin ang makipot na daanan palabas ng eskinita ay nagsimula na siyang mamroblema kung paano nanaman lalamnan ang tiyan ng kanyang pamilya, problema niya na iyan paggising palang ng umaga.
Ano’ng pagbabanat na naman ng buto ang kailangan niyag gawin upang di magutom ang mga bata?
Nais niya mang pag-aralin si Merly, na kung tutuusin ay sumobra na ang edad para sa grade 1 ay walang-wala talaga sila. Ayaw niyang matulad ang bata sa kanya, nais niyang kahit ito man lang ay makaahon sa kumunoy na kanilang kinasasadlakan, kahit ang mga anak niya man lang sana.
Pero hanggang kinder lang, wala silang pang uniporme at pangbili ng mga gamit nito. Pagkain nga, wala sila. Notebook pa kaya?
Tanghali na ay trenta pesos palang ang nasa kamay ni Marvin, makakabili na ito ng lutong ulam pero parang kukulangin sila ng kanin.
Magbabakasakali nalang siyang humingi ng kanin lamig sa karinderya, mabait naman sa kanya ang matandang tindera doon.
Tuwing tanghali ay bumabalik siya sa barung-barong nila upang doon mananghalian. Malapit lang naman iyon sa paradahan ng bus sa Baclaran, kaunting lakad lang. Pauwi na siya nang marinig niya ang sigaw ng kanyang misis.
“Minyang, nak! Diyos ko po!” sigaw ng babae na may halong pag-iyak.
Napatakbo si Marvin at nadatnan niyang nagsisimula nang dumami ang mga taong nakasilip sa barung-barong nila. Naabutan niya ang misis na pilit kinakarga ang apat na taong anak na walang malay.
Nangingitim ang paligid ng mga mata ng bata at namumutla ang labi nito. Patakbong binuhat niya ito at dinala agad sa ospital.
Nasa emergency room sila at stable na ang lagay ng bata, kaya lang may sinasabi ang doctor na kailangang operahan ito— hindi niya lang masyadong maintindihan dahil ingles at napaka-teknikal ng mga salitang ginamit. Basta ang alam niya lang ay kakailanganin ng malaking pera para tuluyang gumaling ang anak niya at makalabas sa ospital.
Napatungo nalang si Marvin sa chapel sa ospital, pilit humihingi ng kasagutan kung paano niya matutustusan ang gastusin ngayon, magkahalong takot, pag-aalala, pangamba at pagkalito ang kanyang nararamdaman. Isang ideya ang pumasok sa isip niya, di bale nang magmukhang nakakahiya, kung kinakailangang mamalimos siya para sa anak at gagawin niya.
Bitbit ang mga basahang tinda niya at isang certificate na hiningi niya sa ospital upang magsilbing patunay na nagsasabi siya ng totoo ay umakyat siya sa mga bus.
“Magandang tanghali po sa ating lahat, ako po si Marvin Doinog. Ang anak ko ho ay nasa ospital ngayon at wala po kaming pera. N-nakakahiya man ho, kumakatok po ako sa inyong mga puso, kahit magkano lang ho, walang wala ho talaga kami.” halos maiyak si Marvin sa unahan.
Ilang bus ang inakyat niya, pero wala pang kinse pesos ang hawak niyang pera, dala na rin yata ng mga manloloko na ginagamit ang sakit para makalamang sa kapwa ay di na naniniwala ang mga tao sa tulad niyang nagsasabi ng totoo at kailangan talaga ng tulong.
Magdidilim na, hindi siya pwedeng bumalik sa ospital na walang dala.
Napaupo nalang si Marvin sa gitna ng kalsada, luhaan at nangangatog. Bakit kay lupit ng mundo? Bakit kinalimutan na ang mga tulad nilang nangangailangan ng tulong? Bakit ang anak niya pa, sa napakamurang edad nito ang kailangang magdusa sa lahat?
Bakit walang gustong tumulong?
May ilang kotseng binusinahan siya, nagsisimula nang makaramdam ng galit ang lalaki. Sa mga tao… sa Diyos. Sa kanilang lahat na hindi siya pinakikinggan.
Nagulat nalang siya nang makita ang maliliit na paa sa kanyang harapan, kapansin pansing malinis ang mga iyon.
“Kuya… ayos lang po ‘yan,” nakangiting sabi ng batang lalaki, nakasuot ito ng kulay puti. Blonde at kulot ang buhok nito, nagulat pa nga si Marvin dahil mukha itong kano pero ang tatas magtagalog.
Hindi makasalita si Marvin dahil may kung anong kapayapaan ang biglang naramdaman ng kanyang puso nang matitigan ang nangungusap na mga mata ng bata. Ibubuka palang niya ang bibig nang biglang magsalita ulit ito.
“Mahal kayo ng Diyos, at hinding hindi ka Niya nakakalimutan. Mahal Niya si Minyang,” sabi lang ng bata at tumakbo na palayo. Sinubukang habulin ito ni Marvin pero sobrang bilis nawala, sa sobrang pagkalito ng lalaki ay nakabanggaan niya ang isang ginang na naglalakad, naka-uniporme ito.
Tila ba pinagpapala siya dahil empleyado pala ng DSWD ang ginang at nag-iikot sa lugar na iyon upang mag-anyaya kung sino ang mga nais sumali sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program kung saan may tulong pinansyal na ibinibigay ang gobyerno sa mga hirap na pamilya. Inilapit ni Marvin ang problema niya rito at tinulungan naman siyang ma-enroll sa 4Ps, sinamahan rin siyang humingi ng dagdag na panggamot sa mga opisyal ng gobyerno.
Kung anghel ang bata, hindi niya alam. Basta ang sigurado siya, isa itong sugo ng Diyos upang bigyang lunas ang kanyang problema. Isang paraan upang patunayan sa kanya na kahit kailan man ay di niya ito dapat na pagdudahan.