Sobra ang Pagluha ng Bride sa Kanyang Kasal, Napakasakit Pala ng Kanyang Iniiyakan
Matagal nang magnobyo sina Clarise at Lawrence, kabisado na yata nila pati utot ng isa’t isa. Isang architect si Clarisse at Engineer naman si Lawrence,perfect match ‘ika nga. Excited ang lahat sa magiging bahay nila sakaling ikasal na sila, siguradong maganda iyon dahil pareho silang magaling magplano at magsagawa.
Totoo naman ang inasahan ng lahat, perfect halos ang kanilang ipinagawang bahay. Tamang tama lang din ang pagkagawa nito, eksaktong natapos ito isang linggo bago ang kasal nila. Ang sarap sarap para sa pakiramdam ni Clarise ang isiping may bahay na sila ni Lawrence, ang prince charming niya.
“Anak, ready ka na ba?” naiiyak na sabi ng nanay ni Clarise nang sumilip ito sa kwarto kung saan siya mine-make upan.
“Oo naman po,” sabi niya na naluluha na rin. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya, kung nakikita lang siya ni Lawrence ngayon siguradong matatawa ito dahil para siyang natatae sa sobrang kaba. Paano pa kaya kapag naglalakad na siya mamaya palapit dito?
“Anak, lakasan mo ang loob mo ha? Kapit ka lang sa amin ni Daddy?” sabi nito at nilapitan na siya, inayos ang ilang hibla ng buhok na nalaglag sa kanyang mukha.
Manipis lang ang kanyang make up, simple lang ang wedding gown pero elegante at umaangat ang kanyang ganda.
“Syempre ma, kayo ang maghahatid sa akin eh,” natatawang sabi niya.
Bumuntong hininga ang ginang, marahil ay hindi pa handang pakawalan ang kanilang baby girl. Malungkot ito at masaya sa araw na ito. Si Clarise naman ay nakangiti habang nagbabalik tanaw sa araw kung kailan siya inalok ni Lawrence ng kasal.
“Will you be my wife?” sabi nito habang nakaluhod, Pasko noon at nakaharap lahat ng kamag anak nila. Nagkunwari pa itong nalaglag ang tinidor at kukunin lang pero pagtingala ay may inilabas nang singsing.
Naiiyak naman si Clarise na tumango, “Yes!”
“Clarise ko, you just made me the happiest man on earth,” bulong nito sa kanya bago siya hinalikan.
“Anak? It’s time,” sabi ng kanyang ina na nagpagising sa diwa niya. Tumango si Clarise at tinulungan siya ng ilang kaibigan na maglakad dahil mahaba ang gown niya.
Nakarating na sila sa lugar kung saan gaganapin ang kasal, maaliwalas ang paligid at may mga puting bulaklak na maganda ang pagkakaayos. Malamig ang simoy ng hangin na tila nakikisama sa gaganapin ngayong hapon. Ang mga bisita ay umiiyak at nakangiti nang makita ang bride na bumaba sa kanyang sinasakyan.
“Anak, kapit ka lang kay Daddy,” sabi ng ama ni Clarisse, umabrisiyete siya rito at nagsimula na silang maglakad. Ang higpit higpit ng pagkakahawak niya sa kanyang bouquet.
Ah, ang gwapo ni Lawrence na naghihintay sa dulo. Hindi niya masyadong makita ang mukha nito dahil hilam ang kanyang mata sa luha pero alam niya, napakagwapo nito sa suot na amerikana at long sleeves.
Nakatayo si Clarisse buong seremonya at walang tigil sa pagpatak ang kanyang mga luha.
“Do you, Clarisse, take Lawrence Legaspi as your lawfully wedded husband, to have and to hold, from this day forward, for better, for worse; for richer, for poorer;in sickness and in health; til death do you part?” tanong ng pari.
“I do,” halos pabulong na sabi ni Clarisse.
“I now pronounce you, husband and wife. Ladies and gentlemen, Mr. and Mrs Lawrence Legaspi!” sabi ng pari.
Lalong pumatak ang luha ni Clarisse, sa kabila kasi ng pagkatupad ng mga pangarap niya, ibig sabihin ay kailangan niya nang magpaalam kay Lawrence.
Isang linggo na ang nakalipas nang kunin ito sa kanila ng isang malagim na car accident. Naka-plano na lahat at kasal na lamang ang kulang sa kanilang dalawa, gumuho ang mundo ni Clarisse nang sabihin ng doctor na dead on arrival ang kanyang nobyo.
Sa kabila noon, hindi siya nagpapigil at itinuloy ang kanilang kasal, eksakto kung kailan ililibing na rin ito.
Hindi ito kailanman ang kanyang dream wedding- sa sementeryo na nilagyan lang ng kaunting ayos. Pero tanggap niya na ang lahat, basta makasal lang sila ng kanyang minamahal. Alam niya, na masaya si Lawrence sa langit- ang kanyang mister.
Hinawakan niya ang kamay ni Lawrence sa huling sandali bago takpan ang ataul, “Mahal na mahal kita,” bulong niya na tigib ng luha.
Pagkalibing kay Lawrence ay nahimatay si Clarisse, hindi niya alam kung paano magsisimula ulit. Paggising niya ay liwanag mula sa kisame ng ospital ang kanyang namulatan.
“Anak, kumusta ka?” nag aalalang sabi ng kanyang mga magulang.
“Okay lang po. Ma, Pa.. paano ako magsisimula? hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa buhay ko, pakiramdam ko wala nang dahilan pa. Hindi maalis-alis ang lungkot dito,” sabi niya na umiiyak, itinuturo ang kanyang dibdib.
“Hindi ka iniwang mag isa ni Lawrence anak,” nakangiting sabi ng mommy niya.
Naguguluhan pa si Clarisse nang pumasok ang doctor, “Congratulations Mrs. Legaspi, you are three weeks pregnant!” masayang sabi nito.
Sa kabila ng pagluha ay napangiti si Clarisse, tila kasi nasagot ang tanong niya kung ano pa ang dahilan para mabuhay siya. Ito, ang anak nila ni Lawrence.
Mag isang ipinagbuntis ni Clarisse ang bata pero sa tulong ng pamilya at mga kaibigan ay maayos niyang naisilang si Lawrence Jr, na kamukhang kamukha ng kanyang ama.
“Salamat, mahal na mahal kita. Gabayan mo kami lagi,” sabi niya at iniwan ang bulaklak sa ibabaw ng puntod ng kanyang mister. Limang buwang gulang na si Lawrence Jr., nagulat pa si Clarisse nang biglang humagikgik ang bata at tila naglalaro.
Napangiti rin siya, nawala man ang kanyang nobyo ay binigyan naman siya ng Diyos ng isang napakagandang regalo, ang kanyang anak. Sa piling ni Lawrence Jr, kakayanin niya ang lahat.