Walong taon nang nagsasama sina Agnes at Brenan, isang simpleng may bahay ang babae at nag aalaga sa dalawa nilang anak habang ang mister naman ay nagtatrabaho sa Makati bilang office staff. Maayos naman ang kanilang samahan, sapat lamang ang kinikita ng lalaki para sa kanilang pamilya.
Kung may sumosobra ay nakakapag-mall sila kahit paano at nanonood ng sine kasama ang mga bata.
“Kumusta ka naman dito sa bahay? Bakit parang hindi ka mapakali dyan honey?” sabi ni Brenan sa misis isang gabing naghahapunan sila.
“O-okay naman, sinundo ko ang mga bata kaninang ala una ng hapon. Maaga ang uwian kasi periodic exam lang naman. Pasensya kana, tumawag kasi si Jennelyn. Na-ospital raw ang mama,” malungkot na sagot ni Agnes.
“Hala, kumusta? Bakit raw? Puntahan natin,” sabi ni Brenan, binilisan na ang pagkain at binihisan ang mga anak para dumalaw sa ospital.
Natuklasan nilang na-mild stroke ang nanay ni Agnes, medyo malaking pera ang kailangan dahil sa private na pagamutan ito naka-confine. Kapag may klase ang mga bata ay nakikipagpalitan si Agnes sa mga kapatid niya na magbantay sa kanilang ina.
“Medyo okay na si mama, baka nga sa isang araw ay makalabas na siya.Sine-settle nalang yung bill, lumapit sina Jennylyn sa mga organization kasi kulang ang budget. Huy?” tawag ng babae sa atensyon ng asawa, kanina pa kasi nakatutok sa cellphone ang mister. Kung hindi may kausap, nagte-text naman.
“H-ha? Ah oo, buti naman. Saglit lang ha,” sabi nito at tumayo sa hapag kainan, may kinausap sa cellphone.”Oo na, ano bang kulay ang gusto mo? Ikaw naman, mainit agad ang ulo. Syempre basta ikaw,” narinig niya pang sabi nito bago makalayo.
Napakunot naman ang noo ng babae, bakit parang ang sweet ng mister niya sa kausap? Never niya pa itong narinig na magsalita ng ganoon sa ibang tao, sa kanya lang.
“Sino yun?” tanong niya nang makabalik ito.
“Ah, si pareng Romel,” simpleng sagot nito. Pareng Romel pero sweet? Nagsimula nang kabahan ang babae. Ayaw niya man ay tila naghihinala na siya.
Palagi rin kasing ginagabi ng uwi ang lalaki.
Kinabukasan, nagprisinta ang dalawang pinsan ni Agnes na sila na muna ang bantay sa ospital kaya nakauwi siya ng maaga. Tamang-tama, ipagluluto niya si Brenan.
Kaya lang, alas diyes na ng gabi ay wala pa rin ang lalaki. Dati alas sais palang ay nasa bahay na ito. Ilang oras pa ang hinintay niya, bagsak na ang kanyang balikat nang buksan nito ang gate. Alas dose na.
“Bakit ngayon ka lang?” galit na bungad niya rito.
“Honey, wag ka namang magalit please. Sobra talaga ang pagod ko. Bukas nalang ako magpapaliwanag,” sabi ng lalaki at nagdire-diretso na sa kwarto nila. Pabagsak na inilagay nito ang bag sa sofa bago umakyat.
Hindi na nakatiis ang babae, nang masiguro niyang nasa loob na ang asawa ay kinalkal niya ang bag nito. Malaman-laman niya lang!
Napasinghap siya nang iangat niya ang laman noon, isang pares ng pulang bra at panty! Ang lintik, at may tag pa! Panigurado niyang ire-regalo nito iyon sa babae nito dahil hindi iyon ang size niya. Pipili na rin lang ng ipapalit ay iyon pang mas maliit ang boobs kaysa sa kanya!
“Hayop! Hayop ka Brenan, kung kailan kita kailangang kailangan dahil nasa ospital ang nanay ko ngayon ka pa nagloko!” impit na iyak niya, di niya akalaing sa tagal ng pagsasama nila ay ngayon pa siya lolokohin ng mister. Ni sa panaginip ay di niya maisip na kaya nitong gawin ang ganito sa kanya.
Kinabukasan ay sinadya niyang manatili muna sa eskwelahan pagkahatid sa mga anak upang di sila magkaroon ng pagkakataon na mag usap ng mister. Nakahinga siya ng maluwag nang pag uwi ay wala na ito sa bahay. May iba siyang plano, nag ayos siya ng todo at bumyahe papunta sa opisina nito. Huhulihin niya ito sa akto, maghahalo ang balat sa tinalupan.
Dire-diretso siya sa loob ng building, di naman siya sinita ng guard dahil inunahan niya na ito ng taas ng kilay. Buti nalang, pag nagkukwentuhan sila dati ay nasasabi ni Brenan kung saan banda ito nakaupo. Dahan-dahan siyang naglakad, readyng ready na sa sampalan. Ilalaban niya ang kanya.
Pero napatigil siya sa natunghayan.
Si Brenan.. napapaligiran ng mga babaeng ka-opisina. Nagtatawanan ang mga ito na binobola-bola pa ng kanyang asawa.
Nakalatag sa table nito ang isang malaking maleta na naglalaman ng pares ng panty at bra. Teka..nagbebenta ito?!
“Naku, napaka-swerte ng misis mo at mahal na mahal mo siya. Todo overtime ka na, nagbebenta ka pa para sa hospital bill ng nanay niya. Buti hindi naghihinala?” tanong ng isa.
“Hindi, alam niya namang faithful ako sa kanya. Tsaka, nagkataon kasi na puro babae kayong officemates ko at kayo ang mahilig bumili ng mga ganito. Alangan namang brief ang ibenta ko diba?” tatawa tawang sabi ni Brenan, nagbibilang ng napagbentahan.
“Huy, chika ka ng chika dyan. Asan na yung order ko?” lumapit ang isang may edad nang babae.
“Ay oo nga po pala ano, nadala ko sa bag ko kagabi at naiuwi sa amin. Ito na, 750 lang yan isang pares. Mahal sa mall yan.” inabot ng lalaki ang pares ng bra at panty na nakita niya sa bag nito kagabi.
“Salamat, sana gumaling na ang mom ng misis mo. Tsaka sana malaman niya lahat ng sakripisyo mo para sa kanya,” nakangiting sabi ng babae.
Hindi na napigilan pa ni Agnes ang emosyon, napasigaw na siya, “Honey ko! I’m so sorry!” lumuluhang sabi ng babae.
“A-Agnes? What are you doing here?” sabi ni Brenan, medyo nahihiya pa na nahuli siya ng asawa.
“You don’t have to do this,” sabi ni Agnes, niyakap ang mister.
“I want to, kasi mahal kita. Mahal ko ang pamilya mo..para kay nanay natin ito,” nakangiti na si Brenan.
Nakalabas ng ospital ang nanay ni Agnes, malaking tulong ang pago-overtime ni Brenan at pagbebenta. Lalo pang tumibay ang samahan ng dalawa.
Lalo ring tumindi ang pagmamahal ng babae sa kanyang mister dahil alam niya na tapat ito sa kanya at kailanman ay hindi siya ipagpapalit.