Inday TrendingInday Trending
Karma ang Inabot ng Lalaking Ito nang Talikuran ang Kanyang Pamilya; Huli na ang Lahat nang Balikan niya Sila Dahil may Taning na ang Kanyang Buhay

Karma ang Inabot ng Lalaking Ito nang Talikuran ang Kanyang Pamilya; Huli na ang Lahat nang Balikan niya Sila Dahil may Taning na ang Kanyang Buhay

Simula nang manganak si Eva ay napansin niya ang pagbabago sa ugali ng kaniyang asawang si Gino, hindi na siya nito nilalambing at naging madalang na ang kanilang pagde-date.

“Gagabihin ako mamaya Eva, wag mo na ko hintayin sa hapunan.”

“Ganun ba? Saan ang lakad mo?” Tanong niya.

“Kaarawan ng kumpare ko.”

Sa paglipas pa nga ng mga araw ay mayroon ng hindi magandang kutob si Eva, palagi na lamang kasing nakatutok sa cellphone ang kaniyang mister at nangingiti. Minsan ay nahuhuli niya pa itong may kausap sa telepono sa madaling araw.

“Alas tres pa lang Gino, sino ba yang kausap mo at ang aga mo naman tawagan.” Wika niya.

“Ah wala ito sa trabaho lang emergency, sige na bumalik ka na sa pagtulog.”

Halos araw araw na niyang napapansin ang pagpapagabi ng asawa at kung minsan ay umuuwi pa itong amoy babae. Hindi na kinaya ni Eva ang pagtitimpi at kinompronta ang asawa.

“Sinong babae mo ha? Bakit amoy babae ka Gino? Sino!!”

“Wala akong babae, nanghingi lang ako ng pabango sa ka-opisina ko dahil amoy pawis ako kanina, wag kang praning.”

Noong una ay masaya naman silang namumuhay at napakabait nito sa kaniya. Ngunit ngayon ay parang hindi niya na ito kilala.

Nang makakuha ng pagkakataon ay patago niyang kinuha ang cellphone nito at nabasa ang palitan ng mga text messages ni Gino at ng isang babae.

“Mas maganda ba ako sa asawa mo?”

“Oo naman, mas sexy pa.”

“Ay ganun? Kaya pala palagi kang gigil sa akin eh.”

“Ang taba-taba niya na kasi, nung nanganak siya pinabayaan niya ang sarili niya.”

Naiyak na lamang siya sa mga nabasa at tiningnan ang sarili sa harap ng salamin, hindi maikakaila ang paglaki ng kaniyang bilbil, marka ng kamot sa kanyang tiyan, pati na rin ang pangingitim ng ilang parte ng kaniyang katawan. Nalosyang na siya.

“Sinubukan ko namang magtiis Gino, pero isang taon mo na akong tinatrato na parang wala akong halaga sa bahay na ito.”

“Ano bang gusto mo? Pinapakain naman kita, binibigyan ng pera, kulang pa ba?” sagot nito.

“Hindi lang iyan ang kailangan ko bilang asawa mo, alam kong hindi mo na ako mahal, kaya’t aalis na kami ng anak ko.”

“Mabuti pa nga lumayas ka na, napakadrama mo!”

Hindi siya nag-atubili at iniwan ang asawa kasama ang kaniyang anak. Ipinangako niya sa sarili na kakayanin niyang tumayo sa sariling paa at bubuhaying mag-isa ang bata.

Tatlong taon ang lumipas at ni minsan ay hindi na niya muling kinausap pa ang asawa. Tahimik na namumuhay ang mag-ina, si Eva ay nagtatrabaho bilang isang empleyado ng kompanya habang may yaya na nag-aalaga sa kaniyang anak. Isang araw ay umuwi siya at laking gulat niyang makita si Gino sa kaniyang bahay.

“Ang kapal din naman ng muka mong magpakita sakin,” bungad niya.

“Gusto ko lang makita ang anak ko Eva. Kahit sandali lang.”

“At bakit? Diba pinagpalit mo kami sa babae mo?”

“Maawa ka sakin Eva, may taning na ang buhay ko, matagal na akong iniwan ng babaeng iyon, nung malaman niyang may cancer ako ay agad siyang nag-alsa balutan.”

Natahimik si Eva sa mga sinabi ng asawa. Naawa siya rito ngunit hindi niya pa rin magawang ipagsawalang bahala ang kaniyang galit. Batid niyang maari niyang pagsisihan sa huli kung ipagdadamot niya ang anak kaya’t ipinakilala niya ito sa ama. Madaling kumalat ang cancer sa katawan ni Gino hanggang sa naratay na ito sa ospital, hindi naman matiis ni Eva ang pabyaang nag-iisa ang asawa at walang nag-aalaga.

“Kumain ka, mamaya ay iinom ka nanaman ng gamot, pupunta pala dito ang anak natin mamaya kasama ang yaya niya.” Wika niya.

“Salamat Eva, salamat sa lahat.”

Lahat ng kaniyang oras ay iginugol niya sa pagbabantay sa asawa. Sa kabila ng ginawa nito sa kaniya ay minsan niya rin naman itong inibig.

“Eva, nararamdaman ko na, malapit na akong mawala, gusto ko sanang humingi ng tawad sa lahat ng ginawa ko sa iyo.”

“Wala na yun, matagal ko nang kinalimutan.”

“Karma ko na siguro ito. Sana ay naging mabuting asawa’t ama ako sa inyo.” wika nito habang lumuluha.

“Napatawad na kita Gino, kaya huwag mo ng baunin ang hinanakit na iyan sa dibdib mo. Magpahinga ka na.”

HIndi nagtagal ay binawian na si Gino ng buhay. Malungkot man si Eva sa sinapit ng kaniyang asawa ay magaan ang loob niya dahil nagkapatawaran silang dalawa bago ito pumanaw.

Ang pagpapatawad at pagpaparaya ang isa sa mga pinakabukal na simbolo ng pagmamahal. Ito ang lubusang magpaparaya sa atin sa mapapait na pinagdaanan sa nakaraan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement