Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Matandang Babae ang Isang Estranghero, Di Niya Akalain na Ubod Pala Ito ng Yaman

Tinulungan ng Matandang Babae ang Isang Estranghero, Di Niya Akalain na Ubod Pala Ito ng Yaman

Sa isang maliit na nayon nakatira si Aling Beth, matagal nang pumanaw ang kaniyang asawa at sa kasamaang palad ay hindi sila nabiyayaan ng kahit isang anak kaya’t mag-isa na lamang siya sa buhay. Minsan sa kaniyang paglalakad ay nasalubong niya ang isang binatang naliligaw.

“Magandang hapon po, itatanong ko lang sana kung saang lugar ito?” Wika nito.

“Nandito ka sa aming nayon na San Felicidad iho, ano bang nangyari sa iyo?”

“Ilang araw na ho kasi akong naliligaw, wala namang gustong tumulong sa akin, sa katunayan ay kayo ang unang taong kumausap sa akin.”

Walang pag-aalangan na inimbitahan ni Beth ang binata at pinatuloy sa kaniyang tahanan. Naawa siya sa kalagayan nito dahil naghihina na ito at gutom na gutom. Nagpakilala ito sa pangalang Marco. Hindi naman maiiwasan ang mga matang nagmamasid sa kaniyang pagtulong.

“Ano ba yan si Beth, pinatuloy pa yung gusgusing lalaki, muka pa namang masamang tao iyan.” Wika ng isa.

“Ay sinabi mo pa! Mamaya yan pa ang magdala ng kamalasan dito sa atin.”

Kahit anong pagbababala ng kaniyang mga kapitbahay ay hindi sila pinakinggan ni Beth, sa tatlong araw na pananatili ng estranghero sa kaniyang tahanan ay nakita naman niyang isa itong mabuting tao na nangangailangan lang ng tulong.

“Marami hong salamat sa tulong niyo sa akin Aling Beth. Sa tingin ko ay oras na para ako ay umuwi.”

“Wala iyon Marco, masaya ako na malakas ka na ngayon, eto tanggapin mo itong kakaunting pera ko para may baon ka.”

“Salamat ho talaga, hindi ko ito tatanggihan dahil kailangan ko rin, pero pangakong babayaran ko po ang lahat ng ito.”

Umalis na nga ang lalaki at humayo pauwi, pinabaunan niya rin ito ng pagkain at inumin. Sa mga buwan na lumipas ay hindi na naisip pa ni Beth na muling babalik ang lalaki. Kaya naman ganun na lamang ang gulat niya nang bigla itong sumulpot sa kaniyang bakuran.

“Magandang umaga Aling Beth, natatandaan niyo po ba ako?”

“Aba’y oo naman, halika pasok ka.” Laking taka lamang niya dahil may isang truck at magarang sasakyan ang nakagarahe sa kanyang bakuran. Sa pagpapaliwanang ni Marco ay nalaman niyang isa itong heredero.

“Dalawang araw bago niyo ako makita ay may mga lalaking tumutugis sa akin, kaya ako napadpad dito sa lugar niyo.”

“Bakit ka naman nila hinahabol? Anong kailangan nila sayo?”

“Ang pamana ng namayapa kong ama, natagalan po akong bumalik dito dahil marami akong kailangan ayusin.”

Ayon sa kwento ni Marco ay anak lamang siya sa labas kaya’t hindi matanggap ng kaniyang mga kapatid ang malaking kayamanan na iniwan sa kaniya ng ama. Sa tulong ng mga pinagkakatiwalaang kaibigan ay nakuha niya ang pamanang yaman at walang nagawa ang kaniyang mga kapatid.

“Napakasaklap naman pala ng pinagdaanan mo Marco. Ngunit masaya akong nakuha mo ang dapat ay para sa iyo.”

“Salamat ho, pero naparito ako para suklian ang kabutihan niyo sa akin noon, lumaki akong walang ina kaya malaki ang pagpapasalamat ko sa inyo.”

“Ano ka ba! Hindi na kailangan, bukal sa loob ko ang pagtulong sa iyo.”

Nagpumilit pa rin si Marco at ipinababa ang mga kagamitang pinamili para sa matanda, isang bagong sala set, telebisyon, mga gamit sa kusina, malambot na kama, napakaraming groceries, bagong damit, mamahaling gamit sa bahay gaya ng upuan at mga lamesa.

“Marco, sobra sobra na ito.”

“Aanhin ko naman po ang yaman ko kung hindi ko matutulungan ang taong tumulong sa akin noong ako’y nangangailangan.”

Masaya silang nagkamustahan at paglipas ng mga oras ay nagpaalam na si Marco. Nag-iwan din siya ng isang sobreng pera, batid niyang hindi ito tatanggapin ng matanda kaya’t patago nya itong inilagay sa kwarto nito.

Samantala ay inggit na inggit naman ang mga kapitbahay ni Aling Beth, sa isip nila ay kung sana sila ang tumulong sa lalaki ay sila ang mabibiyayaan ng mga mamahaling kagamitan.

“Yun yung gusgusing lalaki noon, tingnan mo at napakayaman pala.”

“Oo nga, ang swerte naman ni Beth.”

Paminsan-minsan ay dinadalaw ni Marco si Aling Beth upang kamustahin, sa pagtagal ay itinuring na niya itong parang ina at ganun din naman sa kaniya ang matanda. Laking pasasalamat nila sa dahil nakatagpo sila ng pamilya sa isa’t isa dahil lamang sa maliit na pagtulong.

Ang taong matulungin sa kapwa ay ginagantimpalaan kahit hindi man niya ito asahan, at ang taong marunong magsukli ng kabutihan ay nakakatagpo ng kapayapaan sa kanilang puso.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement