Sa Wakas ay Nakahanap ng Pag-Ibig ang Dalagang Puno ng Nunal ang Mukha, Niloloko lang Pala Siya ng Sinungaling Niyang Nobyo
“Ang ganda-ganda talaga ng girlfriend ko.”
Napangiti si Olyn nang marinig iyon mula sa nobyo, si Martin. Isang taon na ang kanilang relasyon at aaminin niyang ito na ang pinakamasayang nangyari sa kanyang buhay.
“Bulag ka lang,” sabi niya rito. Sinundan niya pa iyon ng pabirong kurot sa tagiliran ng lalaki.
“Aww,” daing naman nito. Medyo kumunot ang noo, tapos ay ngumiti rin naman sa kawalan kaya lalong lumabas ang ka-gwapuhan. Totoo iyon, bulag naman talaga si Martin.
Ayon sa binata, 7 years old ito nang mawalan ng paningin. Di na siya masyadong nagtatanong tungkol doon dahil halata namang ayaw iyong pag-usapan ng lalaki. Alam niyang makasarili pero, naiisip niya pa ngang blessing na bulag ito.
Kasi kung nakakakita ang binata, baka ni hindi man lang siya pansinin nito. Kabaligtaran kasi ni Martin, pangit siya. Well, sabi ng kanyang nanay at tatay ay maganda raw pero para sa kanya, hindi naman.
Punung-puno kasi ng nunal ang kanyang buong mukha at halos matakpan na iyon. Kaya nga sa eskwelahan ay suki siya ng tukso. Palagi lang siyang nakatungo, ni hindi niya na nga napansin si Martin na schoolmate niya raw dati. Nagkakilala nalang sila nito nang akayin ito ng pinsan palapit sa kanya, graduation niya ng kolehiyo noon.
Doon nagsimula ang kanilang pagkakaibigan, na nauwi na sa malalim na pagmamahalan.
“O ano? Aangal ka? Totoo naman eh. Sus, alam mo kung hindi ka bulag babe, baka pagdudahan ko ang pag-ibig mo sa akin. O baka ni hindi kita kinaibigan. Imposible kasi, aasa lang ako,” natatawang biro niya. Humahagikgik siya nang kapain ng lalaki ang dalawa niyang pisngi.
May kinuha ito sa bulsa nito, na unti-unting nagpawala sa ngiti ni Olyn. Napalitan iyon ng pagkagulat.
“Sapat na ang isang taon para makilala kita. Hindi na ako makapaghintay pa. Hayaan mong ipadama ko sayo, araw-araw, habangbuhay kung gaano ka ka-ganda. Pakasalan mo ako, please?” nagsusumamong sabi nito.
Binuksan ang maliit na kahon na may nakasulat pang ‘Marry Me’ at naglalaman ng isang napakagandang singsing.
Punong-puno ng pagmamahal ang dibdib niya at halos di siya nakapagsalita.
“Baby?” sabi ni Martin.
“Nalimutan ko nang sumagot sa sobrang saya. Oo naman!”
Niyakap siya ng mahigpit ng binata, at nagsimula na silang planuhin ang kanilang kasal.
Isang architect ang kanyang nobyo, kung paano nito iyon nagagawa ay hanga talaga siya. Ayon dito, sanay na raw ito dahil bata palang ay hilig na nitong mag-drawing kaya sisiw na lang daw iyon. Kahit pa wala itong paningin.
Si Olyn naman ay isang freelance writer, sa bahay lang siya dahil ayaw niyang naglalalabas. Ikinahihiya niya ang mukha. Tinodo niya ang pagtatrabaho para makatulong sa gastos sa kasal pero hindi naman pumayag si Martin, sagot na raw nito ang lahat.
Mabilis lumipas ang ilang buwan at sumapit na ang araw na kanilang hinihintay. Nakangiting naglakad sa gitna ng simbahan si Olyn, noong araw na iyon ay hindi niya alintana ang tingin ng mga tao.
Makita niya lang si Martin na naghihintay sa dulo ay sapat na.
“Alam kong ang ganda mo ngayon,” sabi ng naluluhang lalaki nang kunin nito ang kanyang kamay at sabay silang naglakad palapit sa pari.
“Bulag ka lang,” sabi niya ulit.
Nagsimula na ang misa at oras na para sabihin nila ang mensahe para sa isa’t isa. Nauna si Olyn.
“Martin, alam kong hindi magandang pakinggan pero nagpapasalamat talaga ako sa Diyos na bulag ka,” nagtawanan ang mga tao. Maging si Martin ay napangiti.
Itinuloy ng dalaga ang pagsasalita, “Dahil kung hindi, baka hindi mo ako minahal. O pinansin man lang. Dahil kung hindi, edi hindi sana ako ganito ka-ligaya ngayon. Asahan mong sayo lang ang pag-ibig ko, mahal kita.” madamdaming sabi niya.
Oras na para magsalita si Martin, hinawakan nito ng mahigpit ang kanyang kamay habang nakatapat dito ang mikropono.
“Olyn. Noong una kitang makita, abala kang nagbabasa ng libro sa isang sulok. Wala kang kaibigan dahil takot kang magtiwala, dahil ang tingin mo ay pagtatawanan ka lang sa itsura mo. Hindi mo alam, mula noon, 2nd year college tayo, minahal na kita nang palihim.
Pero hindi ko alam paano lalapit sa iyo. Baka pati ako ay pagdudahan mo. Kaya, sa tulong ng pinsan ko ay nakaisip kami ng paraan.At hindi ko iyon pinagsisihan, dahil ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko.” pinunasan ng binata ang mga butil ng luha na tumutulo sa mukha ni Olyn, na siyang ikinagulat ng dalaga.
Muli ay nagsalita si Martin, “Nagsinungaling ako. Hindi ako bulag. Kita ko ang buong kagandahan mo, panlabas at panloob. Kinailangan ko itong gawin para lang mapalapit sayo. Sana, ang isang taong pagpapanggap ko, ang iharap kita sa mga taong ito at ang lahat ng bulaklak sa simbahan ngayon, sana sapat na iyong simbolo na totoong mahal kita. Sana wag kanang magduda.
At tulad nga ng sinabi mo- hindi man magandang pakinggan, hindi ako nagsisisi na niloko kita. Dahil hindi sana ako ganito ka-ligaya ngayon.”
Hindi makapagsalita si Olyn, gulat na gulat siya. Hindi siya makapaniwala sa tindi ng pagmamahal ni Martin, hindi niya inakalang may tatanggap pa pala sa kanya.
Akmang hahalikan siya ng lalaki nang magsalita ang pari, “Hep! Na-carried away, hindi pa tapos ang misa!”
Napuno ng tawanan ang simbahan, natawa na rin silang dalawa. Masayang natapos ang kasal at magkahawak kamay silang lumabas ng simbahan.
Matapos ang siyam na buwan ay nagsilang si Olyn ng isang cute na batang lalaki. Ang simbolo ng kanilang pag-ibig ni Martin, pag-ibig na hindi tumitingin sa panlabas na anyo.