Textmoso Kung Tawagin ang Lalaki Dahil sa Hilig Nitong Makibasa sa Cellphone ng Iba, Isang Text ang Makakapagpatigil sa Kanya

Textmoso Kung Tawagin ang Lalaki Dahil sa Hilig Nitong Makibasa sa Cellphone ng Iba, Isang Text ang Makakapagpatigil sa Kanya

FunStories

Hindi maintindihan ng mga magulang ni Robin ang nakasanayang pag-uugali ng kanilang anak, ‘ika nila’y kalalaking tao nito ngunit napakahilig nitong maki-tsismis sa mga bagay-bagay.

“Hoy! Nagbabasa ka na naman!” saway ni Tessa, pinsan ni Robin, nang magkasabay sila sa tricycle na sinasakyan palabas ng kanilang barangay.

“E sino ba kasi ‘yang katext mo? May boypren ka na? Nako, lagot ka kay tita!” pang-aasar pa nito.

“Kainis ka! ‘Di naman para sa’yo, binabasa mo. Ma-karma ka sana,” ‘ika nito sabay irap sa kanyang pinsan.

Natawa na lamang si Robin. Minsan kasi’y dahilan niya’y hindi niya maiwasang tumingin sa cellphone ng mga nakakatabi lalo na kung maliwanag ang ilaw nito at kitang-kita niya ang kausap nitong mga tao.

Sa araw-araw na biyahe ni Robin, marami-rami na rin ang nababasa niya. Madalas ay natatawa pa siya sa pakikipag-usap ng ilang tao. Noong nakaraan lang ay may nakatabi siyang isang napakasungit na matandang babae, at habang may katext ito ay agad siyang nakibasa.

“Anak? Love you! Miss ka na ni mama!”

Napakalambing naman pala nito pagdating sa mga anak niya. Dito kasi’y nakikilala niya ang mga tao nang higit sa itsura nila. Isang beses din kasi’y may nakasabay siyang isang babae na nakasalamin, mukhang subsob sa pag-aaral, at halatang matalino. Ngunit tahimik siyang napahagikgik nang makita ang text nito.

“Wat do u think you’re important? You just a wetress!” text nito sa para bang kaaway niyang kaklase.

Isang biyernes ng gabi nang pauwi na si Robin mula sa kanyang trabaho, sumakay siya ng LRT upang makaiwas ng trapiko. Noong una’y nakatayo siya, ngunit sakto namang bumaba ang isang lalaki sa harap niya. Dahil wala namang matanda, buntis, o may kapansanang nangangailangan ng upuan, umupo na si Robin upang makapagpahinga.

Maya-maya ay napansin niya ang magandang babae na katabi niya, nakayuko ito at tila may katext sa kaniyang cellphone.

“Baby, miss na kita agad!” paunang text ng babae.

“Kaunting hintay na lang, mayayakap din kita,” reply ng lalaki.

“E anong gagawin mo sa akin mamaya? ;)” malanding reply ng babae.

Napalunok na lamang si Robin sa mga nababasa niya. Ang simpleng lambingan ay nauwi na sa malalaswang usapan ng magnobyo. Patuloy lamang na nag-uusap ang babaeng katabi niya at ang katext nito na pinaniniwalaan niyang nobyo ng babae.

Halos pawisan na si Robin sa kanyang mga nababasa. Inilalarawan kasi ng dalawa ang mga gagawin nila sa isa’t-isa bilang magnobyo mamayang gabi.

Ngunit maya-maya pa ay nanlaki ang mata ni Robin sa kanyang nabasa,

“Sobrang nasasabik na ako sa’yo, mahal. Kaso, may lalaking nakikisali sa usapan natin e. Heto o, nagbabasa ng mga text mo sa akin,” text ng babae.

Namutla si Robin dala ng pagkapahiya. Hindi niya napansin na napapansin pala ng babae ang pakikibasa niya sa mga text messages ng boyfriend ng babae. Agad niyang iniwas ang kanyang mga mata mula sa cellphone ng dalaga, at naglabas pa ng sarili niyang cellphone upang magpanggap na may ibang ginagawa.

“ANO?!” sigaw ng isang machong lalaki na bigla na lamang lumapit sa kaniya.

Nanlaki ang mata ni Robin nang makita ang naglalakihang braso ng lalaki. Sa takot niya, eto na lamang ang nasabi niya,

“Ha?! Hindi naman ako nagbabasa ah! Hindi ako ‘yon! Wala akong nabasa!”

Halos maihi na sa sarili niyang salawal si Robin dahil umaakma nang sasapakin siya ng lalaki, ngunit bigla na lamang humagalpak ng tawa ang babaeng katabi niya.

“Sinabi ba naming ikaw? Guilty ka ah!” tawang-tawang sabi ng babae.

“Sinabi lang naman ng boyfriend ko ay ‘ano’, bakit takot na takot ka?” dagdag nito.

“Bro, ‘wag ka kasing chismoso. Maghanap ka ng sarili mong katext!” natatawa ring sabi ng nobyo ng babae.

Pinagtinginan na rin sila ng ibang mga pasahero, ang ilan ay tinatawanan na rin siya. Kanina pa pala nasa kabilang banda lamang ng LRT ang nobyo ng babae, hindi sila nagkatabi kanina dahil may pinaupong ginang kanina ang machong lalaki.

Sa labis na pagkapahiya ay gusto na lamang magpalamon ni Robin sa lupa. Mabuti na lamang at hindi nagtagal ay bumukas na ang pinto at agad siyang bumaba sa istasyon na hindi naman niya dapat bababaan.

“Kuya ah! Next time, huwag nang makikibasa ng text na hindi sa’yo!” natatawa pa ring sabi ng babae.

Pagkababa ni Robin ay pulang-pula ang kanyang mukha. Mula noon ay ipinangako niyang iiwasan na niyang makibasa at makitingin sa mga cellphone ng kanyang mga nakakatabi.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories