Inday TrendingInday Trending
Pinsan kong Ma-Hangin

Pinsan kong Ma-Hangin

Nakaismid na minasdan ni Ella ang kanyang ina na abalang binubuksan ang mga binili nito sa online shop ng pinsan niyang si Carmen.

“Ano ba ‘yan ma?” usisa niya.

“Mga damit lang anak. Pwede nang pambahay, mura lang o. Binigyan ako ng discount ng pinsan mo.” sabi ng ginang.

“Ang dami ninyo namang pambahay diba? Ibinili ko pa kayo sa mall noong isang buwan lang,”

“Naku, mura lang naman ito. Tsaka suporta ko nalang rin sa pinsan mo. Alam mo namang may anak na binubuhay iyon.”

Well, tama nga ang kanyang ina. Ka-edad niya lamang si Carmen pero maaga itong nag-asawa. Siya naman ay nagtatrabaho bilang office staff sa isang opisina sa Makati, kaya nabibili niya ang kanyang luho. Malayong malayo sa pinsan niya na tiyak niyang hirap ngayon sa buhay.

Sus, lihim nga siyang natatawa kapag nagpo-post ito sa Facebook ng mga ibinebenta nitong damit. Nakakaawa, pipitsuging online seller na lamang. Yan, yan ang napapala ng maagang nag-aasawa.

Bata pa lamang sila, asar na siya rito kahit mabait naman si Carmen. Paano kasi, mas magaling sa lahat. At saan ito pinulot ng kagalingan nito? Sa kangkungan.

“Anak, oo nga pala. May family reunion tayo kasi mag 80 years old na ang lola Delia mo, magleave ka sa trabaho para maka-attend tayo ha?”

“Kailan po iyan?” excited na wika niya.

“Sa isang Linggo anak, pupunta raw lahat ng pinsan mo. Naku tiyak na masaya iyon!”

Napangisi si Ella, masaya nga. Makakapagyabang siya at maipamumukha niya kay Carmen na higit na siya rito ngayon.

Mabilis lumipas ang mga araw at sumapit na ang family reunion. Kahit malapit lang ang restaurant na paggaganapan noon sa bahay nina Ella ay talagang nagtaxi pa siya. Syempre, nakakahiya naman kung makita ng mga kamag anak na naka-tricycle sila diba?

“Ma’am dito nalang po, may naka-park po kasi sa unahan,” sabi ng taxi driver.

Sayang naman, di nila makikitang nakataxi kami, nanghihinayang na bulong ni Ella sa kanyang sarili.

Nang makapasok sila sa restaurant ay agad-agad silang sinalubong ng kanilang mga kamag anak. Todo picture pa si Ella, ipinagyayabang ang bago niyang cellphone. Nang matapos niyang batiin ang lolang may birthday at makalagpas sa kwentuhan ng mga tiyahin ay agad niyang hinanap ang kumpulan ng kanyang mga pinsan.

Tumaas ang kilay niya nang makita si Carmen, bitbit nito ang tatlong taong gulang na anak. Kausap nito ang pinsan niyang si Ramil na maganda rin ang trabaho, at si Yvette na kauuwi lang galing Amerika. Tiyak niyang kotse ng mga ito ang naka-park sa labas.

“Cousins!” malayo palang ay sigaw ni Ella.

“Oh my Gosh Ella! Kumusta ka na!” isa isang bati ng mga ito, nagbeso-beso pa sila.

“Ito busy, alam mo na. Makati girl. Nagleave nga lang ako sa office eh, wait selfie muna,” sabi niya at iniangat ang cellphone. “Kayo? How are you? I’ve seen na nagpunta kayo ni tita sa New York,” bati niya kay Yvette.

“Ah oo, ipinasyal ko lang si Mama.”

“Ikaw Rams, kumusta ang business at trabaho?” tanong niya sa isa pa.

“Okay naman. Masaya nga na may reunion tayo para kahit na paano ay nakakatakas sa stress,”

Unti-unting nagawi ang paningin niya sa nakangiting si Carmen, “Ikaw Carmen, nasaan si June? Ano ang trabaho niya?” sunud-sunod na wika niya rito.

Sinadya niyang tanungin iyon upang ipahiya ang pinsan.

“Ah hindi ko siya kasama, medyo kailangan niyang kumayod eh. Alam mo na, may baby na,” kibit balikat na sabi nito.

“Saan nga siya ulit nagwo-work?” tanong niya.

“C-Cook siya pinsan. Bale para mabilis na makaipon ay nag-oonline shop ako, bumili nga sa akin si mama mo eh.”

“Oh..yeah. You know Carms ang sad ko talaga sa sinapit ng life mo. Kasi alam mo na, sa atin ay ikaw ‘raw’ ang pinakamatalino diba? Pero look at you now, nagbebenta benta nalang.” pahaging niya.

“Siguro, mahirap talaga mag asawa ng maaga. Pero ganun ang buhay eh, ito ang kapalaran ko kaya lalakasan ko nalang ang loob ko. Para sa baby namin. Tsaka, masaya naman ako,” nakangiting wika nito.

Pero hindi pa rin tumigil si Ella. Naiinis nga siya kasi parang hindi apektado ang kaharap sa mga pangungutya niya. Kaya diniretso niya na, iyon naman talaga ang balak niya. Ang kawawain ito sa harap ng iba.

“Naku, sabi mo lang iyan. If I know, nagsisisi ka na sa choices mo. Naiinggit ka sa amin na dalaga at binata pa habang ikaw hirap na hirap sa buhay. Wag kang mahihiya ah? Kung gusto mong umutang sa akin, for sure kasi nagugutom kayo ni June dahil imbes na kakainin ninyo ay ipapadede ninyo nalang sa anak nyo,”

Hindi nakaimik ang tatlo sa tinuran niya. Pakiramdam ni Ella ay nanalo siya dahil kita niyang nasaktan si Carmen. Siya na rin ang naglakas loob na basagin ang katahimikan.

“So, ang boring na dito Rams. Tara? Yvette? Alis tayo rito, pasakayin mo naman kami sa bagong kotse mo!” kantsaw niya sa pinsan at hinawakan pa ang braso nito.

Hah! Bahala si Carmen maiwang mag isa. Di ito bagay sumama sa kanilang tatlo na matagumpay sa buhay.

Nang hindi umimik si Yvette ay nangulit si Ella, “Huy? Come on. Wag ka nang ma-guilty sa sinabi ko kasi totoo naman iyon. Iwan na natin si Carmen, hindi naman natin siya maisasama pag nag-Starbucks tayo. Baka kasi.. wala siyang pambayad.” kunwari pang ibinulong niya iyon kahit rinig na rinig naman.

Tumikhim si Yvette, “H-Hindi naman iyon eh. Ang totoo kasi niyan..Ella, hindi naman sa akin ang kotse. Di ko alam kung bakit naisip mong akin iyon. Kay Carmen yun eh.”

“What?” Kotse? Si Carmen? Imposible!

Si Ramil ang sumunod na nagsalita, “Totoo iyon pinsan. Sinundo lang kami ni Carmen. Kaya wala ang mister niya rito ay dahil cook siya sa ibang bansa..sa France. May sariling bahay at kotse na ang mag-asawa pero nais pa ring tumulong ni Carmen sa mister kaya nag oonline shop siya.”

Parang nais ni Ella na lumubog na lamang sa lupa. Ang pinsang kinukutsa niya ay mas mayaman pa pala sa kanya!

Walang imik na tumakbo siya palayo. Narinig niyang tinawag siya ng kanyang ina pero walang lingun-lingon siyang nagtuloy sa paglalakad. Wala na siyang mukhang maihaharap sa mga kamag anak lalo na kay Carmen.

Para siyang sinampal.

Ang kwentong ito ay isang malaking aral sa mga taong mayayabang at mapang api. Oo, hindi maganda ang mag asawa ng maaga at hindi pa handa. Pero hindi naman ibig sabihin noon ay katapusan na iyon ng buhay ng isang tao.

Sa tulong ng tiyaga, sipag at dedikasyon, makakamit rin ang tagumpay na inaasam.

Advertisement