Inday TrendingInday Trending
Hanggang Saan Aabot ang Bente Kwatro Pesos Ko

Hanggang Saan Aabot ang Bente Kwatro Pesos Ko

Tulala nang naglalakad pauwi mula sa paghahanap ng trabaho si Elisha. Bigo na naman siya sa ikaapat na pagkakataon na humanap ng mapapasukang trabaho. Mag-isa niya kasing binubuhay ang anak sa pagkadalagang si Loisa, at kinakailangan niya rin ng sapat na pera upang maipagamot ang amang isinugod sa ospital noong isang araw lamang.

Sa totoo lang ay hindi naman ganoong kahirap ang buhay niya noong isang buwan lamang. Ngunit nang bigla na lamang siyang tanggalin ng kanyang boss sa trabaho dahil pinalitan siya sa pwesto bilang sekretarya nito ng isang sexy at magandang dalaga. Kaya naman ang tanging inaasahang sweldo ay nawala pa, matapos ay bigla pang nagsabay-sabay ang kamalasan nitong mga nakakaraang araw.

“Hoy, Joseph! Utang na loob naman. Alam ko wala kang pagmamahal o malasakit sa akin, pero parang awa mo na! Wala nang pambili ng mga pangangailangan niya ang anak mo. Please naman, kahit magkano lang!” text ni Elisha sa dating nobyong nakabuntis sa kanya. Limang taong gulang na ang anak niya sa pagkadalagang si Loisa ngunit bilang lang din sa daliri ang mga pagkakataong nag-abot ng pera itong si Joseph.

Kaya tulad ng inaasahan niya ay walang reply ang lalaki.

Kumakalam na ang tiyan ni Elisha mula sa buong araw na paghahanap ng trabaho, ngunit ayaw niyang umuwi nang walang maiuuwi sa kanyang pamilya. Kaya naman nagpatuloy sa paglalakad si Elisha at tila naghahanap na lamang ng milagro.

“Wala naman akong ginawang masama sa ibang tao. Hindi naman ako naging masamang tao. Malapit naman ako sa’yo, Panginoon. Pero bakit Niyo po ginagawa sa akin ito? Hindi ko na po kaya! Parang awa Niyo na, tulungan po Ninyo ako,” umiiyak na bulong na dalangin ng babae nang mapadaan sa isang simbahan.

Isang malakas na ihip ng hangin ang naka-puwing sa lumuluhang mata ni Elisha. Napayuko na lamang ito habang kinakamot ang kumikirot na mata nang biglang makita ang isang punit na pahina ng diyaryo.

“Isang babae, ngayo’y milyonaryo na nang manalo sa tinayaang lotto!” headline sa punit na pirasong diyaryong nilipad sa paanan ng dalaga.

Nagpatuloy si Elisha sa paglalakad habang pinupunasan ang luhang tumulo sa mukha niya, nang bigla niyang madaanan ang isang tayaan ng lotto. Bigla niyang naalala ang hinanging piraso ng papel sa kanyang mga paa. Nang tingnan niya ang wallet niya, saktong bente kwatro pesos na lamang ang laman nito. Ang saktong presyo ng isang piraso ng ticket sa lotto.

Tila kinilabutan si Elisha at bigla na lamang napabalik ng tingin sa simbahang nadaanan. “Diyos ko po, heto na ba ang himalang hinihiling ko?” bulong niya sa sarili. Agad na tinaya ni Elisha ang mga numerong pumasok sa isip niya, matapos ay umuwi na rin sa kanila upang ibalitang wala na naman siyang nakuhang trabaho. Mabuti na lamang at napakabuti ng kanyang ina na kailanma’y hindi nanghingi ng anumang kapalit sa pag-aalaga kay Loisa. Malapit sa Diyos ang buong pamilya nila at doon sila humuhugot ng lakas sa araw-araw na pagsubok na dumarating sa kanila.

Kinabukasan, maaga muling umalis ng bahay si Elisha upang magsimula muli sa paghahanap ng trabaho. Ngunit tulad ng mga nakaraang araw, wala pa rin ni isang tumanggap sa kanya. Maagang umuwi si Elisha dahil sa tawag ng kanyang ina.

“Anak! Umuwi ka na, bilisan mo! Bilis!”

“Ha? Bakit, ma?! May nangyari ba kay Papa? Kay Loisa?! Mama!”

“Basta, umuwi ka na. Ngayon din!”

Natulala si Elisha nang marinig ang sigaw ng kanyang ina nang makababa siya ng sinasakyang tricycle.

“Anak! Ang mga numero mo!”

“Ha?!”

“Pumasok ka rito, bilis anak!”

Halos madapa naman si Elisha nang marinig na nanalo ang itinaya niyang numero sa lotto. Bago pa magsaya, nanalangin muna nang mataimtim si Elisha at lumuhod sa harap ng maliit na altar sa loob ng kanilang bahay.

“Diyos ko, maraming salamat po. Maraming maraming salamat!”

Ginamit ni Elisha sa kabutihan ang ilang milyong napanalunan. Naiahon niya sa kahirapan ang buo niyang pamilya. Mabilis niyang naipagamot ang amang may sakit, at nakapabili ng mga bahay at lupang maipapaupahan upang maging negosyo nila.

Hindi inakala ni Elisha na naging mabilis ang pagtupad ng Diyos sa kanyang mga panalangin. Nang dahil sa pangyayaring iyon ay lalong nagtibay ang pananalig nila sa Maykapal. Nagpatayo rin siya ng ilang mga negosyo at ipinasok sa trabaho ang karamihang mga babae’t lalaki na hirap makapasok sa ibang trabaho kagaya noon dahil walang pinag-aralan.

“Sabi sa’yo mama, pray lang e. I love you mama!” sambit ni Loisa sa loob ng simabahan habang yakap yakap ang kanyang ina.

Advertisement