Inalok ng Nobyo ng Kasal ang Babae Kapalit ng Pagpapalaglag Nito sa Anak Nila, Ano Kaya ang Pipiliin ng Dalaga?
Marami ang nagsasabing hiwalayan na ni Mildred ang boyfriend niyang si Justin, bukod kasi sa babaero ito ay iresponsable pa.
Pero bulag siya sa pag-ibig, hindi siya nagpapatinag sa mga sabi-sabi. Tinatagan niya ang loob, pinuno niya ng pagmamahal si Justin dahil naniniwala siyang balang araw ay magigising ang lalaki sa katotohanan. Maiisip nitong siya lang ang nagmahal rito ng totoo na handang magtiis sa lahat ng sakit na dulot nito.
Sinulyapan niya ang orasan, alas otso na ng gabi. Alas siyete ang usapan nila ng nobyo na magkita dito sa restaurant pero hanggang ngayon ay wala pa ito. Ilang sandali pa, nakita niya ang binata na kausap ang receptionist.
“Baby!” kaway niya. Nang makita siya ng lalaki ay nagpaalam na ito sa receptionist at naglakad palapit sa kanya.
Nagkakamot pa ito ng ulong nagsalita, “Pasensya kana ha, ginabi na ako ng gising eh.” sabi nito. Wala kasi itong trabaho. Mahilig itong mag-party sa gabi kaya palaging puyat, palibhasa ay nasa abroad ang mga magulang kaya may panggastos pa rin.
“Okay lang yun baby. H-Hindi naman ako ganoon katagal rito.”
Nagsimula na silang kumain, at as usual, si Mildred ang taya. Hindi siya ginagastusan ni Justin pero ayos lang iyon sa kanya, katwiran niya ay hindi rin naman siya tipo ng babae na aasa sa nobyo. May trabaho siya at ganito siyang magmahal.
“Babe, happy anniversary,” sabi ni Mildred. Iniabot ang isang kahon sa nobyo.
Halatang nagulat si Justin, “Wow. Thanks baby. Ano, yung gift ko kasi..naiwan ko sa condo.Pag nagkita tayo ulit ibibigay ko, or kung gusto mo daanan mo nalang dun,” nakangiting sabi ng lalaki.
Tumango naman si Mildred, ganoon nga ang ginawa niya. Pagkatapos nilang kumain ay sumama siya sa condo ng nobyo, wala namang regalong naghihintay. Alam niya naman na nakalimutan talaga ni Justin ang anniversary nila.
Makakaramdam na sana siya ng sama ng loob pero hinalikan siya ng gwapong binata, nabura tuloy lahat ng tampo niya. At muli, isinuko niya ang sarili sa lalaking minamahal. Pinagsaluhan nila ng gabing iyon ang init ng kanilang pag-ibig.
Makalipas ang ilang buwan, matindi ang kaba ni Mildred dahil ilang linggo na siyang hindi dinaratnan.
“Di ba sabi mo girl, irregular naman ang mens mo?” tanong ng ka-opisina niya.
“Oo, pero basta iba ang kaba ko. Girl, pwede bang favor. Pwede bang ikaw nalang ang bumili ng pregnancy test kit sa botika? Kinakabahan kasi ako,” pakiusap niya rito. Nagsusumamo ang mga mata.
Walang nagawa ang ka-opisina niya. Makalipas ang ilang minuto ay bumalik na rin ito, ang lakas ng kabog ng dibdib niyang pumunta sa CR ng opisina at doon sinimulang i-test ang sarili.
Tatlong minuto lang ang hinintay niya, parang gustong pumutok ng kanyang ulo nang makita ang dalawang linya.
Buntis siya.
Hindi na siya nakapag-focus noong araw na iyon, parang nais niyang hilahin ang oras para mag uwian na at makapunta na siya sa condo ng nobyo.
“Ano?” aburidong tanong ni Justin.
“Ang sabi ko, m-magkakababy na tayo,” nakatungong wika niya. Akala niya ay matutuwa ang lalaki pero iba ang naging reaksyon nito.
“Sorry ha, hindi pa ako handa sa ganyan. Chill chill naman tayo eh, bakit ka nagpabuntis? Ayoko ng ganyan Mildred,” sabi ng lalaki.
Lumuhod siya sa harap nito,”Sorry. Sorry Justin, wag mo akong iiwan. Hindi ko kaya,” humahagulgol na sabi niya.
Natigilan ang binata at saglit na nag-isip.
“Ipalaglag mo.”
Napatingin si Mildred,”H-huh?”
Bumuntong hininga naman si Justin, “Sabi ko ipalaglag mo. Pakakasalan kita pag ginawa mo iyon,”
Grabe, iyon ang matagal na niyang pangarap. Ang mapakasalan ni Justin, ang maging misis nito.
Ilang katok sa pinto ang nagpabalik kay Mildred sa kasalukuyan, ilang taon na rin ba ang lumipas? Apat na taon na rin.
Nahimas niya ang singsing na suot, ang kanyang wedding ring tapos ay napangiti. Ikinasal siya sa lalaking minamahal.
“Sandali lang,” sabi niya. Tiningnan niya muna ang sarili sa salamin bago binuksan ang pinto.
“Baby,” masuyong sabi niya nang makita kung sino ang kumakatok.
“Mommy,” malambing na sabi ng tatlong taong gulang na bata, si Kaden.
“Pasensya kana, sabi ko wait ka nalang namin sa baba eh. Kaya lang nami-miss ka na ng anak natin kaya dinala ko na rito,” sabi ng kanyang mister..si Liam.
Napangiti si Mildred. Sobra ang saya niya ngayon, alam niyang hindi siya nagkamali ng desisyon. Noong gabing pinangakuan siya ni Justin ng kasal kapalit ng pagpapalaglag niya sa anak ay nagising rin siya.
Hiniwalayan niya ito. May hangganan rin ang pagiging tanga, ibang usapan na kapag anak na niya ang nais nitong tanggalin sa kanyang buhay.
Mag-isa niyang binuhay si Kaden, tapos noon ay nakilala niya si Liam. Maginoo, may respeto, responsable at bonus pang gwapo. Tanggap ng lalaki si Kaden at ang kanyang nakaraan. Noong isang taon lang ay nagpakasal na silang dalawa.
Minsan talaga, sinasadya ng Diyos na paghintayin tayo at masaktan dahil ang totoo ay inihahanda niya lang tayo sa tamang taong inilaan niya para sa atin.