Kinupkop na nga ng Mabait na Tiyahin ang Dalaga ay Inakit Niya pa ang Mister Nito, Paglipas ng Taon ay Umiiyak Siyang Humarap sa Karma
May pwesto sa palengke si Aling Mila habang ang mister niya naman ay isang jeepney driver. Mayroon silang isang anak, si Rod na nasa second year high school na.
Sapat lamang ang kinikita ng mag-asawa para sa kanilang pamilya, pero sadyang mabuti ang loob ni Aling Mila dahil kinupkop niya ang pamangking si Amanda. Anak ng ate niyang pumanaw noong isang buwan ang dalaga, ang alam niya ay masama ang loob rito ng ina dahil sumasama si Amanda kung kani-kaninong lalaki.
Pero hindi niya nais husgahan ang pamangkin, naniniwala siyang magbabago rin ito pagdating ng panahon.
“Amanda, gising na anak, nakahanda na ang almusal,” tawag ni Aling Mila isang umaga. Nakatatlong sigaw na siya sa kwarto ay hindi pa rin lumalabas ang dalaga.
Naroon sa mesa ang kanyang mister na si Randy at nagkakape, samantalang kapapasok lang ni Rod. Ilang sandali pa ay pupungas pungas na naglakad si Amanda palapit sa mesa.
“Ano’ng pagkain Tiyang?” tanong nito.
“Sinangag nak. Tsaka itong itlog, malasado tulad ng request mo,” inilapag na ni Aling Mila ang pinggan sa tapat ng pamangkin.
Tahimik na kumain ng almusal ang tatlo hanggang tumayo si Randy upang mamasada na.
“Sayang, pasukan na eh. Mauna na ako ha, marami pang pasahero. Mila, Amanda, kayo na muna ang bahala rito sa bahay,” sabi ng lalaki.
“Ingat Tiyong,” sagot naman ng dalaga.
Pagkatapos kumain ay umalis na rin si Mila at nagtungo sa palengke.
Tanghaling tapat at walang masyadong namimili kaya nagkaroon siya ng kaunting oras upang makipagkwentuhan sa kapwa tindera.
“Ewan ko, parang pakiramdam ko Mila, nagpapalaki ka ng ahas sa bahay mo.” sabi ni Panchang, tindera ng hipon.
Napakunot ang noo ng ale, “Bakit ka namang ganyan mag-isip? Ano ba ang ibig mong sabihin?”
“Si Amanda, hindi mo ba naririnig ang usap-usapan? Aba’y kapag wala ka sa inyo ay kung sinu-sino ang pinapapunta sa bahay ninyo. Ginawa pang motel ang tahanan mo,”
Bumuntong hininga siya, hindi na natapus-tapos ang tsismis sa kaawa-awa niyang pamangkin.
“Chang, baka nalimutan mong pamangkin ko pa rin ang sinasabihan mo ng ahas. Alam ko ang ginagawa ko, walang kasalanan iyong bata. Sana ay matigil na ang masamang balita tungkol sa kanya,” sagot niya sa kausap. May halong babala ang kanyang pagtingin.
Hindi na naman nakipag-argumento pa si Panchang.
Mabilis na nakaubos noong araw na iyon si Mila. Kadalasan ay alas diyes na siya nakakauwi pero ngayon, alas siyete pa lang ay nagliligpit na siya.
Kaysa sumakay sa tricycle ay nilakad niya nalang ang pauwi sa kanila, tutal ay malapit lang naman. Medyo nagtaka pa siya dahil naroon na ang jeep ng kanyang mister.
Binuksan niya ang pinto at nabitawan niya ang hawak na bilao sa nasaksihan.
Magkayakap ang pamangkin niyang si Amanda, ang asawa niyang si Randy.
Hindi makapagsalita si Mila, walang salitang mamutawi sa kanyang mga bibig. Nanginginig siya at halos matumba sa kinatatayuan.
Agad naman siyang nilapitan ni Randy, kapansin-pansin na ikinubli nito sa likuran ang kanyang pamangking nakangisi pa.
“M-Mila..mahal ko siya.” Nasampal ng ale ang mister, ang kakapal ng mga mukha!
Nagmamadaling umalis ang mga taksil sa kanyang bahay at naiwan siyang mag-isa. Buti nalang matapos ang sampung minuto ay dumating si Rod at inabutan ang ina, may ginawa itong project kaya ginabi ng uwi.
Makalipas ang labinlimang taon.
“Anak, sobrang proud ako sa iyo,” nakangiting sabi ni Mila. Suportado niya si Rod sa lahat ng mabubuting gawain nito, tulad nalang ng libreng check up sa mahihirap na lugar sa Maynila.
Isa na itong doktor at matagumpay ito sa larangang iyon. Nabilhan siya ng sariling bahay at sasakyan. Kaya ngayong matagumpay na sila ay ibinabahagi naman nila ang blessing sa ibang taong nangangailangan.
“D-Dok, may sakit po ang anak ko,” napalingon silang mag-ina sa nagsalita. Pare-pareho silang na-estatwa nang makilala ang isa’t isa. Ang babaeng nasa harap nila ngayon, na may anim na sunud-sunod na anak ay walang iba, kundi si Amanda.
Halatang malnourished ang bitbit nitong baby.
Akmang tatalikod ito dahil sa sobrang kahihiyan nang pigilan ito ni Mila.
“T-Tiyang..”
“Walang kasalanan sa amin ang anak mo. Wag mong ipagkait sa kanya ang matingnan ng doktor,”
Nahihiyang lumapit ang babae at pinacheck up ang anak. Niresetahan ito ni Rod ng mga gamot habang nakatungo lang si Amanda.
“I-Iniwan niya rin ako Tiyang matapos akong anakan ng marami, patawarin mo ako. Napakabuti mo sa akin ay sinaktan pa kita, patawarin mo ako,” halos lumuhod si Amanda pero pinigilan ito ni Mila.
“Napagbayaran mo na ang mga kasalanan mo..”
Hiyang hiya ang babae dahil sa kabila ng lahat ay pinili pa rin ng tiyahin niya na maging mabuti. Inabutan ni Rod ng pera ang pinsan upang magsimula muli, para na rin sa kanyang mga kapatid.
Ang taong hindi nagtatanim ng galit at pinipiling maging mabuti ay pinagpapala. Samantalang ang taong sinasadyang manakit ng kapwa, pagdating ng panahon ay haharap sa masakit na karma.