Suki ng Tindera ng Sampaguita ang Mabait na Lola, Hindi Naman Akalain ng Dalagita na Babaguhin ng Matanda ang Buhay Niya
Walong taong gulang pa lamang noon si Monina nang pumanaw ang kanyang mga magulang sa isang aksidente. Kapwa vendor ang kanyang nanay at tatay, nagtutulak ng kariton ng mga panindang sari sari ang mga ito nang sagasaan ng isang lasing na driver ng kotse.
Parehong dead on arrival ang dalawa, iniwan siyang ulila. Kinupkop siya ng kanyang tiyahin pero inalipusta siya nito, sinaktan at hindi itinuring na tao. Tira-tirang pagkain lang ang pwede niyang kainin, nang edad 12 na siya ay pinagtangkaan pa siyang gawan ng masama ng kanyang tiyuhin.
“Nag-iimbento ka lang! Kay bata- bata mo pa ay sinungaling ka na! Sigurado ako, malandi ka rin kasi naiisip mo ang mga ganyan!” natatandaan niyang sabi ng tiya niya minsang magsumbong siya rito.
Kaya naman nilakasan niya ang loob at umalis doon. Pinilit niyang buhayin ang sarili, nangupahan siya sa ilalim ng tulay, sampung piso dalawang Linggo. Kung tutuusin ay maliit na halaga lang pero hirap na hirap siyang kitain.
Noong una ay namalimos siya, nang makaipon ay nagkaroon ng puhunan . Kaya heto siya ngayon, edad katorse at nagbebenta ng sampaguita sa gilid ng simbahan.
“Sampaguita kayo diyan ale, samahan nyo na nitong bracelet na may bendisyon ni Father pangpa-swerte,”
“Ate, gabay po ito ni Lord, bili na kayong bracelet na na-bless na,”
“Tatlo sampu po ang sampaguita, pangsabit sa Sto.Nino sa bahay,” halos araw-araw na litanya niya.
“Ne, pabili ngang tatlong sampaguita, samahan mo na ng bracelet para sa amin ng anak ko,” sabi ng isang nakangiting ginang.
Nakahinga ng maluwag si Monina,sa wakas ay nakabenta rin siya. Akala niya ay mabubulok nalang ang mga bulaklak.
“Thank you ‘te ha,” sabi niya rito.
Mula noon, araw-araw nang bumibili ng sampaguita ang ale, na nagsabing tawagin niyang Lola Viring. Bababa ito sandali sa sasakyan kung saan naghihintay ang anak nito para lang sadyain siya, tapos ay aalis na.
“Bakit ikaw, habang bakante ang oras mo ay ayaw mong pumasok sa loob ng simbahan? Malay mo, mas maraming bumili roon kaysa naghihintay ka rito sa gate?” sabi ni Lola Viring isang hapon. Abala kasi sa pagbili ng popcorn ang anak nito.
Umiling naman si Monina, “Hindi ho. Ayos na ho ako rito Lola.”
“Aba, para rin sana nakakapagdasal ka na hindi ba?”
Biglang nagbago ang ekspresyon ng dalagita, “Ano naman ho ang ipagpapasalamat ko sa Diyos? Ito hong buhay kong ganito? Iniwan ng magulang, kinupkop ng tiya pero ginawang kasambahay, pinagtangkaan ng masama ng mismong tiyuhin..ano ho ang blessing doon?”
Lumungkot naman si Lola Viring nang marinig ang hinaing ng dalaga, napuno ng awa at pag- aalala ang itsura nito.
“Hija, tayong lahat ay mahal ng Diyos. Lalung lalo na ang mga batang tulad mo,”
Napaismid si Monina, “Lola siguro po mahal niya ang ibang bata. Pero ako ho, sigurado akong hindi. Ramdam na ramdam kong hindi niya ako mahal. Kaya ayoko hong magpaka-plastic at lumuhod sa loob,”
Hindi na nakakibo ang matanda, nakatungong tumakbo palayo si Monina.
Mabilis lumipas ang isang Linggo, naroon pa rin sa pwesto niya si Monina at palagi niyang nakikita si Lola Viring na nakasunod sa anak nito pero hindi na siya nilalapitan pa ng matanda. Malungkot na nakatanaw lamang ito sa kanya.
Baka nagtampo, nahihiya rin naman siyang kausapin ito.
“I-Ikaw si Monina? Diba?” napatingala ang nakatungong dalagita, kaharap niya ngayon ang ginang na anak ni Lola Viring.
“Oho, bakit ho?”
Itinayo siya ng babae at niyayang sumakay sa kotse nito. Ang gaan ng loob niya rito, parang katulad rin kay Lola Viring. Naalala niya bigla ang matanda, nasaan kaya ito? Akala niya ay nasa loob ng sasakyan.
Nang makarating sila sa bahay ng mga itoay namangha ang dalagita dahil parang palasyo ang kinatatayuan niya. Puro masasarap na pagkain rin ang nakahain sa mesa na sa tanang buhay niya ay hindi niya pa natitikman.
Akala niya, sa TV niya nalang makikita ang ganito eh.
“N-Nasaan po si Lola Viring?” naiilang niyang tanong, mas masaya sana kung kasalo nila ang matanda.
Malungkot na ngumiti ang babae. “Ako si Marian..at ang mommy ko, w-wala na siya.”
“Ho?!”
“Inatake siya sa puso noong isang Linggo,”
Imposible! Palagi niyang itong nakikitang nakasunod sa babae!
Nang hindi siya sumagot ay muling nagsalita si Marian, “Alam mo kasi, hindi na rin ako nakapag-asawa. Wala akong anak. Ang huling bilin ng mommy, kupkupin kita at mahalin dahil mabuting bata ka raw. K-Kung okay lang sayo na dito tumira?” sabi nito na tinatantya ang kanyang sagot.
Lumuluhang tumango si Monina. Hindi niya alam kung guni-guni lang pero sigurado siyang narinig niya ang boses ni Lola Viring.
“Lahat tayo ay mahal ng Diyos, lalung lalo na ang mga batang tulad mo.”
Taimtim na nagpasalamat ang dalagita, dahil maski saglit na panahon lang sila nagkakilala ng matanda ay pinili pa rin nitong maging tulay para magbago ang buhay niya.
Humingi siya ng tawad sa Diyos at muli itong tinanggap sa kanyang puso, nang buong buo.