Inday TrendingInday Trending
Nagbilang ng Bituin, Nakalimutan ang Buwan

Nagbilang ng Bituin, Nakalimutan ang Buwan

Si Arnel ay abala sa pagliligpit ng mga damit na dadalhin niya nang biglang dumating ang kanyang nobyang si Claudia.

“Arnel, ang akala ko ba hindi kana tutuloy sa Singapore? ‘Di ba sinabi mo sa’kin na hindi mo ako iiwan,” mangiyak-iyak na sambit ni Claudia.

Kailangan niyang umalis at magbakasali sa ibang bansa upang masuportahan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

“Claudia, ‘di ba alam mo naman ang mga dahilan ko.” sabi niya, inakbayan ito.

“Pero Arnel, kaya naman natin ‘yon kahit nandito lang tayo sa Pinas e. Magtutulungan tayo, tutulungan kita para matulungan mo ang pamilya mo. Hindi ko kasi kayang malayo ka sa’kin,” nagsusumamong wika ng babae. Ngunit buo na ang kanyang desisyon at nakahanda ang lahat para sa pag-alis niya.

“Claudia–”

“Arnel, ang hirap kapag malayo ang taong mahal mo sa’yo. Nandoon ka tapos nandito ako, paano kung namiss kita? Paano kung gusto kitang makita, mahagkan, mayakap? Hindi ko magagawa ang mga bagay na iyon kapag umalis ka.

Pakiusap, huwag mo naman akong iwan dito. Kaya naman natin ‘di ba? Kahit nandito lang tayo sa Pinas kinaya naman natin ‘di ba?” umiiyak na ito at panay ang hawak sa kamay niya. Parang dinudurog ang puso niya habang nakikita ang pinakamamahal na umiiyak at nagsusumamong huwag niyang iwanan.

“Pero hindi sapat Claudia. Alam mo naman iyon ‘di ba?” mahina niyang wika at inangat ang kamay upang himasin ang mukha nito. “Kung tayo, tayo talaga.”

“Hihintayin kita. Pangako ‘yan, bumalik ka ah.” Niyakap niya ito ng mahigpit. Yakap na hindi niya alam kung kailan pa mauulit.

Noong unang buwan niya sa Singapore ay lagi silang nagkakausap ni Caludia, sa kahit anong online site para maibsan man lang ang kanyang pangugulila sa nobya.

Ngunit sa nakalipas na buwan ay madalang na lamang niya itong nakakausap at wala narin siyang gaanong oras dahil sa sobrang abala sa trabaho. Sa t’wing natatapos ang kanyang trabaho ay mas ninanais na lamang niyang magpahinga at matulog.

Nababasa na lamang niya ang mga chat at text nito. Mga text na nagmamakaawang magparamdam naman siya dahil nag-aalala na ito sa kanya. Ngunit sa sobrang abala niya sa trabaho ay nakakalimutan niya ang mga sinasabi nito.

Sa isip-isip niya, kung talagang sila ang para sa isat-isa ay sila talaga. Atsaka wala naman siyang ginagawang masama dito sa Singapore. Panghahawakan niya ang pangako nito noong huli nilang pag-uusap. Kayod lang siya nang kayod, para sa kinabukasan nila at para narin sa pamilya niya.

Hanggang sa dumating ang araw ng kanyang uwi patungo sa Pinas. Masaya siyang sinalubong ng kanyang pamilya. Inaasahan niyang kasama ng mga ito si Claudia ngunit bigo siya, dahil kahit anino nito’y hindi niya nakita.

“Si Claudia po inay?” tanong niya sa ina.

“H-ha?” nauutal nitong sambit.

“Akala ko po ay kasama niyo si Claudia?”

“Ha… hindi mo pala alam kuya? Kasal po ngayon ni ate Claudia. Akala po namin ay alam mo na, sabi kasi ni ate nagpaalam na raw siya saiyo. Ito pa nga ang invitation card na binigay niya sa’min o.”

Iniabot ng kanyang bunsong kapatid ang sobreng sinabi nitong invitation card.

Nang mabasa ang nakasulat sa invitation ay agad siyang kumaripas ng takbo. Kailangan niyang maabutan si Claudia, kailangan niya itong makausap. Agad niyang tinumbok ang lugar kung saan gaganapin ang kasal nito at ng magiging asawa.

Nang makarating sa lugar ay agad siyang tumakbo sa loob. Hinanap si Claudia, hindi naman nagtagal ng ilang minuto ay nakatayo na ito sa harapan niya. Nakasuot ng bestidang kulay puting-puti at napakaganda nitong tingnan. Malawak ang ngiting nakatitig sa kanya.

“Arnel,” mahinang bigkas nito sa pangalan niya.

“Anong nangyari Claudia. Akala ko ba hihintayin mo ako? Bakit ganito, bakit nakasuot kana ng pangkasal na damit ngayon.” nakita niyang namuo ang luha nito sa mga mata at malungkot na ngumiti.

“Mahal na mahal kita. Hindi nagbago ‘yon. Walang nagbago, pero kailangan kong pakasalan si Dexter. He saved me, when you were not around. Naghintay ako, totoo ‘yon. Pero ano ang saysay ng paghihintay ko kung wala ka namang paramdam, hindi ko alam kung may hihintayin pa ba ako o wala na.”

“Nagtrabaho ako para sa’ting dalawa.”

“Para sa’tin ba talaga? O para lang sa pamilya mo?” anito at nagsimula ng umiyak. “Ni hindi mo nga matingnan kahit saglit ang mga chat ko. Hindi ka nagrereply, hindi ka nagpaparamdam. Hindi ko naman ibig kunin ang lahat ng oras mo, kahit kunti lang sana.

Kahit konti lang, kahit sana nagparamdam kaman lang, kahit sinabi mo man lang sana na nandiyan ka parin, kahit sinabi mo nalang sanang mahintay lang ako. Pero wala Arnel e, pinaramdam mo sa’kin na wala na akong dapat hintayin. Saka dumating si Dexter, and I felt loved again. Maging masaya nalang tayo sa isa’t-isa. Welcome home and goodbye.”

Magsisi man si Arnel ay huli na, may aral ito sa kanya. Nagkulang siya bilang nobyo, at sumuko naman rin agad si Claudia. Tila ginising lang siya ng Diyos na hindi talaga sila para sa isa’t isa.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement