Si Joan ay apatnapu’twalong taong gulang at may dalawang anak na puros lalaki. Wala siyang trabaho, nasa bahay lamang siya upang alagaan ang kanyang mga anak at ang asawang si Mang Alfred.
Mahal niya ang pamilya at kung sa pag-aalaga ay hindi siya nagkukulang sa mga ito. Kaso siya ay likas na mabunganga, hindi niya maigalaw ang mga kamay at paa kung hindi kasabay ang kanyang bibig.
“O! Bakit naman ang aga-aga mong gumarahe,” agad niyang salubong sa asawang itsura palang ng mukha ay pagod na pagod na.
“Wala namang pasahero at pagod na ako. Parang gusto kong matulog at magpahinga,” mahinahong sambit ng lalaki.
“E di wow! Sana inisip mo muna ang mga bayarin natin bago mo maisip ang mapagod at magpahinga. Diyosme naman Alfred, naiisip mo pa talaga ‘yan? Alam mo naman na kulang na kulang ang inaabot mo, dalawang kolehiyo ang pinag-aaral natin tapos may mga bayarin pa dito sa bahay. Sana naman ini–”
“Oo na! Oo na,” anito na imbes pumasok sa bahay ay lumabas na lamang ulit.
“O! Akala ko ba magpapahinga ka?”
Nilingon siya ng asawa atsaka nagsalita. “Hindi nalang.”
“Ay naku! Manang-mana talaga sa’yo ang mga anak mo. Nagsasalita pa ako’y tinatalikuran niyo lamang ako,” kausap niya parin rito kahit na nasa malayo na ang asawa. “Sakit kayong lahat sa ulo.”
Halos gano’n lagi ang nangyayari sa loob ng pamamahay nila. Matatahimik lamang ang bahay kapag nasa palengke si Aling Joan. Hanggang isang gabi ay hindi umuwi ang kanyang asawang si Alfred. Kaya pinapunta niya ang kanyang panganay na anak na si Ken upang silipin ang ama. Nang bumalik ito ay naghakot ito ng gamit na labis niyang ikinabigla.
“Anong ginagawa mo, Ken?” takang tanong niya.
“Ayaw na daw po kasing umuwi ni Papa, kaya sasama nalang po ako sa kanya.”
“Ano?”
“Ako din kuya,” sabat naman ni Joel na agad ding kinuha ang sariling bag upang ipasok ang mga damit.
“Anong ginagawa niyo?”
“Ma, sawang-sawa na po talaga kami sa kakabunganga mo. Wala na po kaming ginawang tama dahil laging kayong may nakikitang mali sa amin kahit sinusubukan naman talaga namin na makatulong.
Parang mas gusto pa nga naming tumira na lamang sa labas kaysa rito sa loob. Mas nahahanap pa namin ang kapayapaan ng isip kapag nasa labas kami.” paliwanag ni Ken na agad namang dinugtungan ni Joel.
“Lagi nalang po kayong nakasigaw, Ma. Malalaki na po kami at nakakaramdam nadin ng hiya sa mga taong nakakarinig ng pagbubunganga niyo.
Sana naman po king may pagkakamali kami ay kausapin niyo po kami ng masinsinan at hindi iyong nakasigaw. Malalaki na kami, Ma. Nakakaintindi na po kami,” wika ni Joel.
Parang nagising si Joan sa pagkakatulog. Tama ang mga anak niya, malalaki na ang mga ito at mabilis ng makaintindi at mahiya.
“Patawarin niyo ako mga anak,” hagulhol niya. “Patawarin niyo ako. Hindi ko napansin na sumosobra na pala ako, hindi ko napansin na hindi na pala maganda ang ginagawa ko. Patawarin niyo ako kung sa inyo ko ibinabaling ang pagod ko sa maghapon. Pangako, magbabago na ako simula ngayon. Huwag niyo naman akong iwanan, sabihin niyo sa Papa niyo na huwag niyo akobg iwanan at umuwi na siya. Pangako, babaguhin ko na ang sarili ko.” umiiyak niyang wika.
Hindi niya kaya kung iiwanan siya ng kanyang asawa at mga anak. Naramdaman naman niyang niyakap siya ng mga anak. Mayamaya lang ay dumating naman ang kanyang asawa at nagsalita.
“Hindi naman masamang kung magagalit ka sa’min, Joan. Ang masama ay araw-araw nalang at lagi ka pang nakasigaw. nagsasawa din kami, sana naman ay tama na. Pagod na kami sa labas ng bahay natin. Nakakapagod ba dito sa loob ng ating tahanan. Sana naman ay naunawaan mo kami,” paliwanag ng kanyang asawa na agad niyang tinanguan at niyakap ito.
“Patawarin mo ako Alfred. Hindi na ako magbubunganga ngayon. Salamat at ginising niyo ako, salamat na sinabi niyo sa’kin ang pagkakamali ko. Maraming salamat sainyo mga anak,”
Sabay-sabay naman na ngumiti ang mga anak nila at sabay din na lumapit sa kanila upang yakapin siya.
“I love you, Ma.” sabay-sabay na sambit ng mga anak nila.
“Mahal na mahal ko rin kayo, dahil kayo ang pamilya ko.”
Simula sa araw na iyon ay hindi na nagbubunganga si aling Joan, kung pagod man siya ay sinasabi niya iyon sa mahina at mahinahong paraan. Pamilya at kadugo niya ang kanyang nasasakupan. Hindi mga alipin upang sigaw-sigawan nalang.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!