Sa Aking Paglisan, Ito Ang Aking Liham
“Mahal, sobrang saya ko ngayon. Para akong prinsesa sa naging date natin,” wika ni Ara habang nasa kotse at pauwi sa bahay kasama ang kasintahan.
“Masaya ako at nagustuhan mo yung ginawa kong date para sayo. Alam mo naman na napaka espesyal mo sa akin,” sagot naman ni Dave habang nagmamaneho.
“Oo mahal. At mas lalo naging masaya ang araw na ito kasi kasama kita.” wika ni Ara sabay ngiti.
“Lagi mong tatandaan mahal, na lagi lang akong nasa tabi mo para mahalin ka,” malambing na sagot naman Dave at hinawakan ang kamay ni Ara.
Galing ang dalawa sa isang park sa Maynila. Niyaya kasi ni Dave ang dalaga na lumabas para makapag-date. Agad naman na pumayag si Ara dahil minsan lang siya yayain ni Dave. Madalas kasi ay abala ito sa kanyang trabaho.
Ang dalawa ay tatlong taon ng magkasintahan. Dahil nagsimula sila bilang magkaibigan at na-uwi sa pag iibigan ay naging matatag ang kanilang relasyon. Sa loob ng tatlong taon ay maraming pagsubok at laban na rin silang hinarap nang magkasama. Maraming masasaya at malungkot na mga alaala ngunit kahit ganoon ay kahit kailanman ay hindi bumitaw ang dalawa sa isa’t isa.
“Mahal, pwede ba kitang ipagpaalam na sa apartment ka muna matulog?” tanong ni Dave kay Ara.
“Sige mahal, daan muna tayo sa bahay para makapagpaalam tayo kay nanay at tatay,” sagot naman ni Ara.
At nang makarating nga sa bahay nila Ara, agad nagmano ang dalawa sa nanay at tatay ni Ara. Magalang na nagpaalam si Dave at kahit may kaunting pagsusungit ay napapayag naman nila ang mga ito.
Pagkarating sa apartment ni Dave ay tila para bang nasa isang date na naman ang dalawa dahil sa walang humpay na kulitan, tawanan at lambingan. Natapos ang gabi na magkayakap ang dalawa at naguusap tungkol sa mga plano nila sa buhay.
“Ara, goodnight. Mahal na mahal kita,” bulong ni Dave kay Ara habang nakahiga ito.
“Dave, mahal na mahal din kita,” sagot naman ni Ara habang unti-unting pumipikit ang kaniyang mga mata.
At sa pagpikit ng kanyang mata ay ‘di niya sukat akalain na magbabago lahat sa kanyang pag gising.
Maaga gumising si Ara, para ipagluto ang kasintahin ng isang masarap na almusal. Humalik lang ito sa noo ni Dave at agad na itong nagtungo sa kusina para magluto.
Ngunit laking gulat na lang niya, na sa pagbalik niya sa kwarto para gisingin ang kasintahan ay maputla na ito at wala nang malay.
“Dave?” mahinhin na pagtawag ni Ara sa kanyang nobyo habang papalapit sa kama.
“Mahal, gising ka na. Mag-almusal na tayo,” wika pa rin nito sabay haplos sa pisngi ni Dave.
Ngunit sa kanyang paghaplos ay tila naramdaman na niya na tila ba may mali sa katawan nito. Ayaw niyang isipin na wala na ang kasintahan, kaya agad agad niya itong ginising nang ginising.
“Mahal? Gising ka na. ‘Wag mo naman akong lokohin ng ganito,” pagmamakaawa ni Ara habang niyugyog ang malamig na katawan ng nobyo.
Walang humpay na ginising ni Ara si Dave at ng mapagtanto nito na wala na talagang malay ang kasintahan ay agad agad na itong tumawag ng tulong.
Dumating na ang ambulansiya at idiniklara na wala na talagang buhay ang binata. ‘Di pa rin lubos na makapaniwala si Ara na wala na ang kaniyang kasintahan. Labis ang kanyang paghihinagpis dahil hindi niya sukat akalain na ganon naging kabilis ang pangyayari, na sa isang iglap lamang ay nawala na si Dave.
Habang nakatulala at umiiyak, ay unti-unti na ring nagdatingan ang mga kamag-anak ni Dave, maging ang mga magulang ni Ara. Lahat ay labis na nagulat sa kanyang biglaang paglisan.
Hanggang sa…
“Ara, halika dito,” tawag ng nanay ni Dave kay Ara, at pinapunta ito sa gilid ng kama.
“Bakit po?”
“Nakita mo na ba ang mga ito?” wika ng nanay ni Dave, habang tinuturo ang mga liham na nasa ibabaw ng lamesa sa gilid ng kama.
Agad naman na kinuha ni Ara ang mga sulat, at binasa ang nakasulat sa maliit na papel na nakadikit sa mga ito.
“Mahal, patawarin mo ako sa biglaan kong paglisan. Narito ang tatlong liham na isinulat ko para sa iyo. Tatlong liham na nais kong basahin mo sa mga nakadagtang panahon na iniligay ko sa bawat sobre. Mahal, alam kong sobra ang iyong pagdadalamhati ngayon, kaya nais ko ng basahin mo ang unang liham ko para sa’yo,” ito ang mensahe na nakasulat sa maliit na papel
Walang humpay ang pagtulo ng luha ni Ara habang hinahanap nito ang unang liham. Nang makita niya ito, ay agad niyang nabasa ang makasulat sa sobre.
Sa unang araw na ako’y wala na..
“Mahal,
Patawarin mo ako sa aking biglang paglisan. Nung nakaraang buwan ay naramdaman ko ang bigla pagsakit ng aking puso, at dali dali akong nagtungo sa ospital para magpatingin sa doktor. Mahal, hindi ko man ito ginusto ngunit ako’y nagkaroon ng malubhang sakit. Sinabi sa akin ng doktor na ako’y may isang buwan na lamang para mabuhay. Sinubukan ko mahal na humanap ng lunas, ngunit pilitin ko man ay baka ito na talaga ang nakatadhana. Hindi ko na ninais na malaman mo ito, dahil mismong ako ay lubos na nasaktan sa balitang ito at ayaw ko na masaktan kita ng lubos.
Aking mas pinipili na sa magiging huling araw ko, ay mag iiwan ako ng masayang ala-ala sa puso mo at magiging pabaon mo sakin ang matatamis mong ngiti. Patawad, mahal. Alam ko na labis kitang nasaksaktan ngayon, pero hayaan mo mahal. Hayaan mo akong samahan ka, samahan ka hanggang araw na ako’y kaya mo nang bitawan.
Mahal, narito ang tatlong liham na ginawa ko para sayo. Alam kong hindi ito magiging madali para sa iyo, pero hayaan mong sa ganitong paraan ay maparamdam ko sayo na labis kitang mahal.
Alam kong hindi to magiging madali para sa iyo, pero hayaan mo ko na iparamdam kahit sa ganitong paraan, na mahal na mahal kita. Mahal, gustong magpakatatag ka at maging matibay. Alam ko na labis kitang nasaktansa bigla kong pagkawala, pero nais ko na mula sa araw na ito ay maging matatag ka na harapin ang lahat na wala na ako. Tulad ng paulit ulit kong sinasabi sayo, kahit anong mangyare ako’ylagi nasa piling mo.
Nagmamahal, Dave.
Sabay ng pagbasa ni Ara sa unang liham na ito ay ang pagpatak ng kanyang luha. Hanggang sa sandaling ito at puro hinagpis at sakit ang kanyang nararamdaman. Lumipas ang ilang araw, kahit tulala at malungkot ay lumalaban pa rin si Ara, pilit inuunawa ang naging desisyon ng kasintahan na hindi ipabatid sa kanya ang kanyang karamdaman.
Kahit labis ang sakit ay pinilit pa rin ni Ara na magpakatatag. Ang paghihintay niya ng tamang panahon para basahin ang pangalawang liham ang nagsilbing sandigan niya upang tibayan ang loob para malagpasan ang sakit na nararamdaman niya ngayon.
Lumipas ang dalawang buwan, kaarawan na ni Ara. Itong araw na ito ang takdang panahon para basahin niya ang pangalawang liham, kaya agad agad itong bumangon pagkagising niya at kinuha ang liham na nakatago sa ilalim ng unan. At sa pagbasa nito, ay halong lungkot at saya ang makikita mo sa kanyang mga mata.
Ikalawang Liham: Sa Unang Kaarawan mo na Hindi mo ako Kasama
Mahal,
Maligayang Kaarawan. Labis kong pinagapapalasamat ang araw na ito dahil ang araw na ito ay ang naging dahilan upang magkatagpo ang ating landas. Isa ako sa mga napaka-swerteng lalake, dahil inibig ako ng isang tulad mo. Ako’y nagagalak na ikaw ay patuloy na nagpapakatatag. Ilang buwan pa lamang noong ako’y nawala at masaya ako na makita na kahit papaano na nasusulyapan na ulit ang ngiti sayong labi. Mahal, alam ko noong una pa lamang ay isa kang malakas at matapang na babae. Isang babae, kakamanghaan ng lahat dahil sa angkin mong tatag lalo na sa mga kiankaharap monv problema at laban. Kaya mahal, alam ko na ito’y kakayanin mo. Nais kong makita ang Ara na punong-puno ng pangarap at pag-asa. Ngayong kaararawan mo, nais kong malaman na walang hanggan kong papasalamatan na sa buhay ko ay may nakilala akong katulad, at binigyan ako ng pagkakataon mahalin ka ng libos. Mahal, nais ko rin na malaman mo na sa bawat laban na hinaharap mo nandoon ako at sumisigaw na ‘Ara, Mahal na mahal kita’ ” – Dave
Naging sandalan ni Ara ang mga sulat na iniwan ni Dave. Naging paraan ito para abangan ni Ara ang bawat araw na lumilipas hanggang sa tamang pamahon para mabasa ang mga natitirang liham. Ang mga liham kasi nito ay bumubuhay sa mga alaala at pag-ibig ni Dave sa kanya.
Lumipas ang ilang linggo at buwan na ‘di namamalayan ni Ara na isang taon na palang wala ang kanyang kasintahan. Bukod kasi sa mga sulat ay nariyan ang mga kamag anak niya at mga kaibigan na tumutulong sa kanya para makabangon muli. May mga araw nga na ang tanging ginagawa lang ni Ara ay paulit-ulit na binabasa ang naunang dalawang liham ni Dave. Malaking bagay naman ang naitutulong din nito kay Ara dahil napapaalala ng mga liham nito na kaya ni Ara na magsimula ulit, lalo na at tiwala sa kanya si Dave na magagawa niya ito.
Nagpatuloy si Ara sa pagpasok niya sa trabaho at unti-unti siyang nagsisimula ulit. Mula sa araw-araw na pagpasok sa trabaho, hanggang sa lumalabas na ulit siya kasama ang mga kaibigan, at nakikipagtawanan na din sa kanyang pamilya.
Habang unti-unti na siyang nakakahakbang, ay unti-unti na din nawawala sa kanyang isip ang huling liham. Isang gabi, habang siya ay nag-aayos ng kanyang gamit ay bigla niyang nakita ang sobre ng huling liham.
Ikatlo at Huling Liham: Sa araw na handa ka nang bitawan ako at magmahal muli
Tinitigan lamang ni Ara ang sobre at bumulong.
“Dave…”
“Hindi ko ‘to babasahin dahil hindi kita bibitawan. Magpapatuloy ako sa buhay, pero hindi ko magagawang bitawan ang pagibig mo…” wika ni Ara sa hangin habang hawak-hawak ang liham ikatlo at huling liham.
At pagkatapos ng sandaling iyon ay tuluyan na ngang nakalimutan ni Ara na basahin ang huling liham. Ginamit niyang inspirasyon ang pagsubok na iyon upang maging mas matatag siya sa pagharap ng bawat hamon na ibinibigay sa kanya ng buhay. Dahil doon dito ay mas binigyan niya ng halaga ang bigyan ng oras ang mga taong nasa paligid niya, para hindi siya magkaroon ng pagsisisi or panghihinayangan sa huli.
Sa pagdaan ng ilang taon, hindi na nga naalala ni Ara ang liham. Nakahanap na din ng bagong pag-ibig mula sa isang naging matalik din na kaibigan si Ara. Nagpatuloy sa buhay si Ara. At kasalukuyan ay pinaplano na nila ng kanyang limang taon ng kasintahan na si Paul, ang kanilang magiging kasal.
At habang nasa kwarto siya, at na-gaayos ng gamit para sa bagong bahay nilang lilipatan pagkatapos ng kasal ay nakakita siya ng liham sa ilalim ng kanyang kama. Maalikabok na ang liham pero malinaw na malinaw pa rin ang pagkakasulat. Tinitigan ni Ara ang liham, madaming alaala ang tumakbo sa isip niya habang hawak niya ito. Lahat ng saya, lungkot, sakit at pag-asa.
At sa pagkakataon na ito, pinili na ni Ara na basahin ang liham na halos isang dekada nang hindi pa nababasa. At dito, sa pagbasa niya sa liham na to, wala ng sakit siyang naramdaman, kundi puno na lamang pagmamahal.
Mahal kong Ara,
Ako’y masaya na sa pagkakataon na ito ay handa ka ng bitawan ako. Ang pagbasa mo sa liham ko na ito ay nagpapatunay na handa ka na ulit magmahal muli. Hindi ko man alam kung kailan, gaano katagal, at sa paanong paraan ka naging handa, nais kong malaman mo na magiging masaya ako sa panahong mabasa mo na ito.
Hiniling ko talaga sa Panginoon na sa pagkawala ko ay ibigay niya sayo ang pagmamahal na karapat-dapat sa busilak mong puso. At alam ko na hindi niya ko bibiguin, kaya ngayon na handa ka ng magmahal muli, ako’y iyong bitawan na. Ako’y iyong ilagay na sa iyong nakaraan, at magsimula ka na muli. Ako’y wag mo nang masyado isipin, dahil ang ala-ala ko naman ay mananatili sa iyong puso. At sa iyong pagbitaw, nais ko na lagi mong tatandaan, na ikaw ay karapat dapat sa pagmamahal na pipiliin ka. Tulad ng pagpili ko sayo araw-araw. Tandaan mo na ikaw at karapat dapata sa pagmamahal na buo at sigurado. Dahil mahal ko, ikaw ang Ara ko.
Walang hanggan na mamahalin ka, Dave.
Tinapos na basahin ni Ara ang liham, kasabay ang pag-agos ng luha nito. Luha na ngayon ay punong-puno ng pagmamahal. Itinabi ni Ara ang liham at nagpatuloy sa pag aayos ng gamit. Ngayon, ay handang-handa na siyang harapin ang bagong kabanata ng kanyang buhay.
Naging matagumpay ang naging kasal ni Ara at ni Paul at kasalukuyan na nagdadalang tao na si Ara sa isang batang lalaki. Hindi namam lingid sa kaalaman ni Paul ang naging storya ni Ara kaya napag desisyunan nilang dalawang magasawa na ‘Dave’ ang ipapangalan sa kanilang magiging anak.