Isang waitress sa America si Dolly. Tatlumpung taong gulang na siya at kasalukuyang may dalawang anak na naiwan sa Pilipinas. Sinwerte siyang makakuha ng trabaho rito, kung hindi siguro ay namomroblema na siya sa pag aaral ng kanyang dalawang anak.
Ang mister niya naman ay isang kargador sa palengke, kapag may pagkakataon ay umeextra-extra ito sa construction. Ito ang nag aalaga sa kanilang mga supling at katulong lamang ang kanyang byenan.
Maayos ang pagsasama nila ng kanyang asawa kaya naman sobra na lang sila kung ganahan sa trabaho. Laging nakatatak sa isip nilang dalawa ang kanilang pangarap na nais abutin- sariling bahay at negosyo pagdating ng araw. Para di na kailanganin pa ng babae na mag abroad at malayo sa mag aama.
Tuwing gabi dito sa Pilipinas ay tumatawag si Dolly para lamang makamusta ang makukulit niyang chikiting. Palaging may bitbit na kwento ang bunso niyang anak habang ang kaniyang panganay ay laging nagpapabili ng sapatos.
Sa kadahilanang nais talaga kumita ng malaking pera ni Dolly, pati paglilinis ng bahay ng amo niya ay kaniya na niyang pinatos. Pagkatapos nang kaniyang trabaho sa restaurant, agad-agad siyang nagtungo sa bahay ng kaniyang amo upang doon ay maglinis ng bahay. Tisay ang itsura nito pero matatas naming managalog dahil ang ina ay isa ring Pilipino.
“O, Dolly, andyan kana pala. Halika akyat tayo doon ka maglilinis sa kwarto ko.” yakag ng kaniyang amo.
“Madam, hindi naman po sa pag-uusisa no, may mga katulong naman po pala kayo, bakit po hinayaan niyo pa’ko maglinis dito?” pagtataka ni Dolly.
“Mas tiwala kasi ako sayo kaysa sa mga yan. Madalas nawawalan ako ng pabango o lipstick kapag sila ang naglilinis, minsan pa nga alahas. O maiwan muna kita ha, maliligo lang ako sa baba.” wika ng amo niya.
Mausisang nilinis ni Dolly ang bawat sulok ng silid nito. Pinalitan niya ang bed sheet, kurtina, pati na ang mga punda ng unan ni Madam. Iniayos niya rin at inipon ang mga alahas na nagkalat sa ilalim ng kama nito. Maya-maya pa ay dumating na muli ang amo niya. Nagulat si Dolly sa sinabi nito.
“Alam mo Dolly, sobrang swerte mo.” biglang ani nang amo ni Dolly habang naglalagay ng lotion.
“Madam, kung ako po swerte ano pa kayo? May napakalaki kayong bahay, may swimming pool, isa sa mga sikat na restaurant pagmamay-ari mo, tapos ang gwapo-gwapo pa ng asawa mo, Madam! Pati mga anak aba akala mong mga barbie eh.” patawa-tawang sabi ni Dolly.
“Tama ka, pero hindi naman ako masaya.” malungkot na sabi ng amo.
“Ano pong problema niyo, Madam? May nangyari po ba?” pag-uusisa niya.
“Dati ko pa ito idinadaing, bago pa ako ikasal sa pinsang kong si Mateo. Oo, tama ang narinig mo, pinsan ko siya. Ayaw kasi ng pamilya namin na lumabas ang yamang meron kami, kaya pinagkasundo nila kami ni Mateo.” ika nito.
Gulat na gulat si Dolly sa mga salitang narinig niya. Kaya naman pala magkamukha itong amo niya pati ang asawa nito, magpinsan naman pala! Pinakinggan pa niya ang hinaing ng amo niya.
“Hirap kaya ng sitwasyon ko, Dolly. Buti nga ikaw napakasalan mo yung taong gusto mo talaga, nabigay mo ang bataan sa taong mahal mo talaga. Ako kinailangan pang ilabas ng Pilipinas para ipakasal sa taong hindi ko naman mahal, tapos sa pinsan ko pa.” daing nito, halos mangiyak ngiyak na ang babae.
“Sobrang swerte mo dahil nakakasakay ka sa pangpublikong sasakyan, nakakagala nang mag-isa, nakakakain sa may gilid ng palengke, pero ako, dito lang sa apat na sulok ng kwarto ko, nag-aayos nang mga pera pang sweldo ng mga tauhan namin.” dagdag pa ng babae.
“Isa pa, kinakausap ka ng mga anak mo kahit sa telepono lang. Ako, kahit makasalubong ko yang mga anak ko sa hagdan, hindi man lang ako tatanungin kung kumain na ba ako.”
Natawa ito sa sarili dahil sa biglaang pag iyak sa kanya, “Pasensya kana ha. Naiinggit kasi talaga ako sayo. mas gusto ko nga na ganyan nalang rin, maglilinis ako ng mga bahay at mangangamuhan basta masaya ang buhay ko.”
Agad na niyakap ni Dolly ang amo niya. Wala siyang masabi sa biglaang pagkukwento nito.
Doon niya na-realize na higit pala siyang maswerte kaysa rito, mayroon nga itong pera pero nasa kanya ang pinakamagandang kayamanan- ang pamilya.