Inday TrendingInday Trending
Miss Piggy, Mahal Kita!

Miss Piggy, Mahal Kita!

“Baboy! Mataba! Porky!” malakas na sigawan ng mga bata kay Eliza. Kumakain na naman kasi ng siopao ang batang babae. Mataba kasi si Eliza at madalas na makikitang kumakain, ito rin siguro ang dahilan kung bakit wala siyang kaibigan. Lahat kasi ay tinutukso siya dahil sa kanyang panlabas na anyo.

Bagama’t madalas na marinig ang mga masasakit na salitang iyon ay hindi pa rin maiwasan ni Eliza ang masaktan sa tuwing siya ay tutuksuhin ng kanyang mga kaklase o ng kahit na sino man. Alam niya naman na totoong sobrang taba niya pero hindi niya maintindihan kung bakit masama iyon? Bakit ba masama ang kumain? Napakasarap kayang kumain. Nakakalimutan mo ang mga problema mo sa mundo o ang mga hinanakit mo sa mga taong mahal mo sa tuwing kumakain ka, kaya hindi maintindihan ng murang isipan niya kung bakit masama ang kumain nang kumain.

“Hoy! Huwag niyo ngang tuksuhin si Miss Ganda! Mataba man siya pero maganda naman siya at mabait!” saway ng isang batang lalaki sa mga batang nanunukso kay Eliza. Napatingin naman ang nakayukong si Eliza sa batang lalaki. Nagulat siya ng makita ang itsura nito, sobrang puti at gwapo nito. Siguradong siyang may ibang lahi ang batang lalaki.

Nagsialisan naman ang mga batang nanunukso kay Eliza dahil sa batang lalaki. Nilapitan siya nito at pinahiran ang kanyang mga luha na hindi man lang napansin ni Eliza na tumutulo na pala kanina pa.

“Okay ka lang ba? Huwag mo na lang silang pansinin. Alam mo kahit mataba ka, napakaganda mo naman. Sigurado rin akong mabait ka, kaya huwag kang mag-alala at magpaapekto sa sinasabi ng ibang tao. Ang mahalaga ay wala kang ginagawang masama at wala kang nasasaktan na ibang tao. Na alam mo sa sarili mo na maganda ka, dahil totoo ka sa sarili mo,” mahabang sabi ng batang lalaki kay Eliza habang nakangiti.

Namula naman ang pisngi ni Eliza dahil sa sinabihan siyang maganda at mabait ng gwapong batang lalaki. Kinikilig siya at labis na natutuwa. Hindi siya makapaniwalang mayroon pa palang mga ganitong nilalang sa mundo. Yung gwapo na nga, sobrang busilak pa ng kalooban.

“Gusto mo ba ng siopao?” hindi alam ng batang babae kung bakit yun ang lumabas sa kanyang bibig. Natawa naman ang batang lalaki at tinanggap ang siopao na bigay niya.

“Ako nga pala si Miggy, ikaw anong pangalan Miss Ganda?” nakangiting tanong sa kanya ng gwapong batang lalaki.

“Eliza,” nahihiyang sagot niya sa lalaki.

Simula ng araw na iyon ay parati ng makikitang magkasama sina Eliza at Miggy. Natutuwa kasi si Miggy sa batang babae dahil napakabait nito at para bang napaka-natural lang para dito ang mapatawa siya.

Bagama’t nasa murang edad pa lamang ay alam ni Eliza na unti-unti nang nahuhulog ang kaniyang loob kay Miggy. Ito lang din kasi ang kanyang kaibigan. Si Miggy lang ang kanyang mundo. Napakamahiyain din kasi ni Eliza at takot makipagkaibigan sa ibang bata dahil sa madalas nga siyang husgahan at tuksuhin ng mga ito.

Nang magtapos sila ng elementarya ay napagdesisyunan ni Eliza na umamin kay Miggy sa araw ng kanilang pagtatapos.

“Miggy, may sasabihin sana ako sa’yo eh,” nahihiyang saad ni Eliza sa kaibigan. Marahan namang hinawakan ni Miggy ang pisngi ni Eliza.

“Ano ‘yun?” nakangiting tanong nito sa kanya. Hinawakan niya ang kamay ni Miggy na nakahawak sa kanyang pisngi at kinakabahang sinabi ang mga salitang gusto niyang marinig ng nag-iisang kaibigan.

“Ma-mahal kita,” lakas loob niyang pag-amin kay Miggy. Makikita naman ang gulat sa mukha ni Miggy sa kanyang sinabi. Matagal na walang nagsalita sa kanilang dalawa.

“Liza, a-ano kasi…” hindi na naipagpatuloy pa ni Miggy ang kanyang sasabihin dahil agad ng tumulo ang mga luhang kanina pa pinipigilan ni Eliza. Kusa itong naglaglagan sa kanyang mga mata.

Hindi na hinintay pa ni Eliza ang karugtong ng sasabihin ng lalaki at agad na tumakbo paalis. Alam niya na naman ang sasabihin nito. Alam niyang masasaktan lang siya sa kanyang maririnig.

Makalipas lang ang ilang araw ay sumama si Eliza sa kanyang ama sa ibang bansa upang doon na mag-aral at manirahan. Labis siyang nasaktan dahil hindi lamang siya nasaktan sa kanyang unang pag-ibig kundi nawalan pa siya ng nag-iisa niyang kaibigan.

Nangako si Eliza sa kanyang sarili na babaguhin niya na ang kanyang sarili upang magbago na rin ang kanyang buhay. Sawa na siyang mag-isa. Sawa na siyang maging tumpulan ng tukso at maging katuwaan ng mga tao sa kanyang paligid. Gusto niya nang sumaya. Gusto niya ng mahalin siya ng mga tao.

Nasikap si Eliza na magpapayat at magpaganda. Likas naman talagang maganda si Eliza kahit noong siya ay mataba pa kaya naman nang siya ang pumayat at nagkahugis ang kanyang katawan, halos lahat ay napapanganga kapag nakikita siya sa sobrang ganda ng dalaga.

Simula ng pumayat si Eliza, lahat ay gusto siyang maging kaibigan. Marami din siyang naging manliligaw. Sobra-sobrang pagmamahal na ang kanyang natatanggap… ngunit parang may kulang. Parang hindi sapat o hindi ito ang hinahanap ng kaniyang puso.

Nang makapagtapos ng kaniyang pag-aaral ay bumalik ng Pilipinas si Eliza at doon nagtrabaho sa isang kompanya ng kaibigan ng kanyang ama.

“Liza?” tawag sa dalaga ng isang maputi at gwapong lalaki. Napalingon naman si Eliza sa kung saan nanggaling ang boses na tumawag sa kanya.

“Yes?” nakangiti niyang sagot sa lalaki. Bigla naman siyang nanigas sa kaniyang kinatatayuan ng mapagtanto kung sino ang tumawag sa kanya. Ilang taon na ang lumipas pero halos hindi pa rin nagbabago ag mukha ng binata. Nagmature lang ito ng kaunti pero hindi pa rin nagbabago ang gwapong mukha nito. Kumikinang pa rin ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya, si Miggy.

Napag-alaman ni Eliza na sila Miggy pala ang may-ari ng kompanyang kanyang pinagtratrabahuan kaya naman araw-araw na silang nagkasama ulit ni Miggy. Matagal na panahon din silang nagkawalay kaya naman sobrang namiss nila ang isa’t-isa. Sobrang saya nilang dalawa sa tuwing sila ay magkasama.

“Paano mo naman ako nakilala agad? Sarili ko ngang kapatid ay hindi ako nakilala agad pag-uwi ko ng ‘Pinas eh,” saad ni Eliza sa binata.

“Hmm… paano ba? Ewan ko. Siguro kasi alam kong ikaw ‘yun. Nararamdaman ko lang. Kahit naman kasi anong maging itsura mo, makikilala kita,” sagot ng binata sa kaniya.

“Ano? Eh ang pangit pangit ko kaya noon!” natatawang sagot niya sa sinabi ni Miggy. Bigla namang sumeryoso ang mukha ng binata kaya napatigil si Eliza sa kaniyang pagtawa.

“Kailanman hindi ka naging pangit. Mataba ka man dati, pero maganda ka. Akala ko ba parati kong nasasabi iyon sa’yo. Maganda ka dahil busilak ang iyong kalooban. Ang tunay na ganda ay hindi nakikita sa panlabas na anyo Liza, nakikita ito sa puso ng tao,” seryosong pahayag ni Miggy habang nakatingin sa kanyang mga mata.

Natigilan naman si Eliza dahil sa sinabi ng binata. Nang umalis siya ng bansa ay nangako siyang pagbalik niya ay magiging sobrang ganda niya na para hindi na siya matanggihan pa ni Miggy. Nakalimutan niya ang rason kung bakit sa una pa lang ay nagustuhan niya na ang binata, dahil hindi ito tumitingin sa panlabas na anyo ng isang tao.

Tumulo ang luha sa mga mata ni Eliza kaya naman niyakap siya ni Miggy, “Huwag kang umiyak. Alam ko ang lahat, lahat ng pinagdaanan mo. Nasabi sa’kin ni Tito. Hinayaan kita at hinintay na bumalik dahil alam kong isang araw, magkakaroon ka na ng lakas ng loob na bumalik rito. Nangako rin ako sa sarili ko na sa oras na bumalik ka rito, masasabi ko na ang mga katagang hindi ko nasabi dati… Mahal din kita, Miss Piggy,” pabiro pero puno ng lambing at pagmamahal na pahayag ni Miggy sa dalaga.

Natawa naman si Eliza sa sinabi ng binata at niyakap din ito ng mahigpit, “Sira! Pero mahal din kita, Miggy. Ikaw lang.”

Advertisement