Inday TrendingInday Trending
Ang Ampon ng mga Pulis

Ang Ampon ng mga Pulis

“Kuya, ano na ba ang plano natin kay Geo? Itatawag na ba natin siya sa DSWD?” tanong ni Alisha kay Ronnie.

Pareho silang mga pulis sa probinsya ng Cainta, Rizal. Ang tinutukoy ng babae ay ang batang si Geo na nadampot nilang kasama ng isang gang ng mga batang magnanakaw. Magdadalawang buwan na rin ng nasa presinto ang bata at dun namamalagi.

“Oo naman, yun ang dapat, diba?” sagot naman ni Ronnie.

“Pero pag dinala yan sa DSWD, uuwi ‘yan pagkaraan ng ilang buwan tapos babalik na naman ‘yan sa gang niya,” sagot naman ng isa pang pulis sa pahayag ni Ronnie.

“Eh ano bang gusto niyong gawin? Ampunin ‘yan? Dadalhin niyo sa bahay niyo? Doon siya titira?” tanong ni Ronnie sa mga kasamahan.

“Eh bakit hindi nalang dito sa presinto?” tanong ng isa pang pulis.

“Hindi pwede ‘yun,” sagot naman ni Ronnie.

“Mukhang importante ata ang pinag-uusapan ninyo, ha? Can you fill me in?” tanong ng kararating lang na chief nila.

Ipinaliwanag ni Ronnie sa chief nila ang sitwasyon ni Geo. Wala ng pamilya si Geo kaya naman napapasama ito sa mga gang ng mga kabataan na nagnanakaw sa mga pabrika o mga bahay na walang tao. Mga batang kagaya niya ay wala ng mga pamilya o nabibilang sa sobrang hirap na pamilya kaya pinipili na lamang magnakaw upang may makain at matirahan lamang.

Ang batang si Geo lamang ang nahuli sa kanilang gang noong isang gabing may nakapag tip sa mga pulis na may mga magnanakaw sa isang malapit na pabrika sa kanilang lugar. Iniwan si Geo ng kanyang mga kasamahan ng nahuli siya ng mga pulis. Nakita naman nila Ronnie na hindi talaga masamang tao si Geo, kaya pansamantalang pinatira na muna ang bata sa presinto. Nakakakain ito ng libre doon habang tumutulong sa paglilinis at iba pang mga munting gawain na maaaring may maitulong siya.

Naaawa sila sa batang si Geo dahil nakikita nilang mabait naman itong bata. Masunurin, masipag at may mabuting kalooban. Sadyang napabilang lamang talaga ito sa mga maling tao. Kaya naman hanggang sa abot ng makakaya nilang mga pulis na naroroon ay nais sana nilang matulungan ang batang si Geo.

“Geo, halika nga dito,” tawag ni Ronnie sa batang naglilinis.

“Ano po ‘yun, Kuya Ronnie?” sagot naman ni Geo sa binatang pulis.

“May magandang balita ako sa iyo. Simula ngayon, dito ka na titira sa presinto. Inaampon kana namin,” masayang balita niya kay Geo. Napatalon naman sa galak si Geo.

“Talaga po, Kuya Ronnie? Dito na ako titira? Hindi ko na kailangan magpalaboy-laboy ulit sa daan?” paniniguradong tanong pa ulit ni Geo sa binata. Ngumiti naman at tumango ang pulis sa kanya.

“Oo, at may isa pang mas magandang balita ako sa’yo. Napag-usapan naming nila chief ang tungkol sa pag-aaral mo, pag-aaralin ka rin naman ng sa balang araw ay makapagtapos ka rin ng iyong pag-aaral at nang may marating ka sa buhay. Bukas na bukas rin ay sasamahan kitang magpa-enroll d’yan sa malapit na eskwelahan para makapagsimula ka na sa iyong pag-aaral,” masayang dugtong niya sa balita kay Geo. Kitang-kita ang galak sa mga ni Geo at Ronnie dahil sa magandang balitang dala ng binata.

Gaya nga ng sinabi ni Geo ay doon na sa presinto tumira si Geo kasama ang mga pulis. Parang naging magkapatid na rin sila ni Ronnie dahil sa dalas nilang magkasama. Pinag-aral siya ng mga ito at naging maayos ang kaniyang buhay.

Masipag na bata si Geo kaya naman walang masabi sa kaniya ang mga umampon sa kanyang mga pulis. Sa katunayan, lahat ay proud sa kanya nang makapagtapos siya hanggang high school.

Siguro dahil na rin sa lumaki sa presinto at piling ng mga pulis ay criminology ang kinuhang kurso ni Geo nang siya ay tumuntong sa kolehiyo. Gaya ng kaniyang kinalakihang pamilya, ang mga pulis, ay gusto niya ring maging tapagligtas at taga-protekta ng mga mamamayan.

Makalipas ang ilang taong pag-aaral ay hindi niya naman binigo ang mga nagpaaral sa kanya. Naging isang ganap na pulis si Geo. Nakapagtapos siya ng may maraming karangalang natanggap, kaya naman noong graduation niya ay lahat ng kanyang naging pamilya sa presinto kasama na sina Ronnie, Alisha, Chief, at iba pang mga kasamahan nila ay dumalo. Sobrang naging proud ang mga ito sa tagumpay na ganyang nakamit.

Ngayon ay isa na si Geo sa mga magigiting na pulis sa kanilang lugar na nagpapanatili ng katahimikan at promoprotekta sa mga mamamayan. Dati mang magnanakaw ay nagawa naman niyang magbago hindi lamang sa dahil may tumulong sa kanya kundi dahil na rin sa pinili niya ang magbago at ayusin ang buhay niya. Labis na ipinagmamalaki ni SPO1 Geo Martinez na isa siyang anak ng mga dakilang pulis.

Advertisement