Inday TrendingInday Trending
Pinaglayo Noon, Pinagtagpo Ngayon

Pinaglayo Noon, Pinagtagpo Ngayon

“Ano, Angelita? Kailan kayo magbabayad ng renta? Aba e, halos tatlong buwan na akong nagpapasensiya sa inyong mag-ina, ha! Ang kapal naman ng mukha n’yo? Tingin n’yo? Tumitira ng libre?”

Tuloy-tuloy ang ratsada ng bibig ni Aling Sitang, ang matandang may-ari ng maliit na kwarto kung saan sila pansamantalang naninirahan kasama ng kaniyang ina.

Ngumiwi si Angelita. Ang aga-aga pa, daig pa nito ang manok kung tumilaok.

“Oho, ‘wag kayong mag-alala. Nakahanap na ako ng trabaho. Hayaan n’yo, kayo ang una kong hahanapin kapag nakuha ko na ang unang sweldo.”

Tumikwas ang kilay nito sa kanya.

“Trabaho? Ano namang trabaho ‘yan? Ikaw, bata ka! Kung hindi ko lang kaibigan ang nanay mo!”

Kumamot ito ng ulo bago nagdadabog na umalis. Ngumiwi siya lalo. Kaibigan ba talaga yun? Araw-araw siya nitong sinusupalpal ng bibig nito.

Nang bumalik sa kanilang tahanan ay nakita niya ang ina na nag-aayos ng hapag at naghahain.

“Totoo ba ‘yun, ‘nak? Nakahanap ka na ng trabaho?” tanong nito.

Tumango siya sa ina at ngumiti ngunit hindi siya nilubayan ng tingin.

“Anong trabaho ‘yan, Angelita? Baka sa bar na naman iyan? Mababastos ka na naman!” problemado nitong sinabi.

Umiling siya agad.

“Hindi, ah! Hindi na ako babalik dun. Basta… iba to, ‘nay!”

Umupo siya sa hapag.

“Saan nga kasi? Bakit ayaw mo sabihin?”

Huminga siya ng malalim. Alam niyang mapilit ito at hindi siya titigilan hangga’t hindi niya sinasabi kaya naman ginagap niya ang kamay nito.

“Magtatrabaho ako bilang katulong, ‘nay. ‘Yung isa kong kaibigan doon din nagtatrabaho, tinulungan niya ako para makapasok,” paliwanag niya.

Bumadha agad ang gulat sa mukha nito ay pag-aalala.

“Sinong amo mo? Saan ‘yung bahay? Baka apihin ka! O saktan? Uso pa naman iyon ngayon!”

Hindi siya sumagot at pinanood niya ang kaniyang pinakamamahal na ina na magsalita.

“’Wag ka na lang kaya magtrabaho? Ako na lang! Kaya ko naman! O kaya balik na lang tayo sa bahay?”

Nanlaki ang mata niya at labis ang pagtutol sa narinig.

“Ano ka ba, ‘nay? Hindi ako papayag na magtrabaho ka habang ako nakahilata! Tapos mas lalong hindi tayo babalik sa bahay! Sasaktan ka naman ng tatay!”

Ilang buwan na rin ang nakalipas ng takasan nila ang ama niya. Ilang taon na nagtiis ang kanyang ina sa pananakit nito. Maging siya ay pinagbubuhatan na nito ng kamay. Hindi na nila matiis kaya isang gabi, ay nagdesisyon silang iwan ito at maghanap ng oportunidad sa Maynila.

Ngunit ibang-iba ito. Mahirap pala mabuhay sa lungsod. Akala niya ay titira sila sa isang magandang bahay ngunit ang nakayanan lang nila ay ang maliit na kwarto na ito.

“Wag ka mag-alala, ‘nay. Sabi ng kaibigan ko mabait daw yung magiging amo ko. Imposibleng manakit.”

“Bukas na po ako mag-uumpisa. Medyo malayo kaya doon na muna ako titira. Uwi ako pagtapos ng isang linggo pero kung gusto mo naman, uwi na lang ako araw-araw para may kasama ka hanggang gabi?” suhestiyon niya.

Umiling ito sa sinabi niya. ‘Wag na raw siyang magpagod at kaya naman nito ang sarili. Nangako naman siyang tatawagan ito tuwing gabi o may pagkakataon.

Kinabukasan ay maaga siyang gumayak para umalis.

“Alis na ako, ‘nay! Ingat ka rito, ha!” aniya sabay halik sa noo.

“May nakakalimutan ka ata?” tanong nito.

Awtomatiko niyang kinapa ang leeg. Wala ang kwintas.

“Eto na, ingat ka.” Ikinabit nito sa kanya ang isang kwintas na may picture ng isang pamilya.

Ang sabi ng kanyang ina ay suot niya iyon nang makita siya nito. Siguro ay ang kanyang magulang kaya lagi niya itong dala sa kahit na saan. Mahalaga itong parte ng kanyang pagkatao.

“Ikaw ba si Angelita? Ang bagong katulong?” tanong ng isang magandang babae na sa tantiya ay kasing-edad ng kanyang ina.

Tumango siya. “Opo.”

Nagpakilala ito na si Ma’am Lourdes. Ang may-ari ng bahay, ayon dito ay makikilala niya pa ang asawa nito na isang abogado pag-uwi nito. Si Sir Rafael o Raffy kung tawagin nila.

Magaan ang loob niya rito sa ‘di malamang kadahilanan, pamilyar rin ang mukha nito. Ngunit naisip niyang hindi imposibleng nakita niya na sa TV noon.

“Lourdes, may sasabihin satin si Detective Gonzales,” baritono ang boses ni Sir Rafael. Kasama nito ang isang lalaki na mas bata rito ng kaunti.

“Tungkol ba ito kay Jenna? Nakita mo na ba ang anak ko?”

Alam niya ang sinasabi nito. Naikuwento kasi ni Rizza, ang kaibigan niya na halos dalawang dekada ng hinahanap ang anak nito na si Jenna matapos mawala sa plaza.

Halos mabaliw si Ma’am Lourdes at naging mabuti lang ulit nang lumabas sa imbestigasyon na buhay ang anak nito. Gayunpaman, nananatiling walang alam kung nasaan ito.

“Oo, nakita ko na siya.”

Nagyakapan ang mag-asawa.

“Kasama ko ang tumayong ina niya gusto niya kayong makausap.”

At mula sa pinto ay mabagal na pumasok ang pamilyar na babae. Kilala niya. Kilalang-kilala niya.

“‘Nay?”

“Angelita?”

Magkasabay pa silang nagtanong sa isa’t-isa, “Anong ginagawa mo rito?”

“Dito po ako nagtatrabaho.”

Kumislap ang luha nito at nakangiting tiningnan si Ma’am Lourdes at Sir Raffy na naluluha ring nakatingin sa kanya.

“Tingnan mo nga naman ang pagkakataon. Pinaglayo kayo noon ngunit pinaglapit ulit ngayon.”

Binalingan siya nito, “Anak, sila ang magulang mo.”

Nabingi siya sa sinabi nito at hindi nakakilos. Hindi maproseso ang nangyari ngunit unti-unti ay tumulo ang luha.

Hinawakan niya ang kwintas at binuksan. Lumabas ang isang litrato ng pamilya. Mas batang bersyon niya, ni Ma’am Lourdes at Sir Raffy. Ang kanyang mga magulang.

Niyakap niya ang tatlong taong mahal siya ng lubos. Ang magulang na nawalay sa kaniya at ang natagpuan.

Advertisement