Inday TrendingInday Trending
Uy, Textmate!

Uy, Textmate!

“Gusto mo bang magka-jowa?” tanong ni Kristel sa kanya. Mapaglaro ang ngiti nito. Kumunot ang kaniyang noo.

Alam na agad ni Nadine kung ano ang ngiting iyon. May binabalak na naman itong masama.

“Siyempre, gusto niya! Kunwari lang ‘yan!” sigaw ni Kathleen. Ang pinakamaingay niyang kaibigan.

“Ano ba? Tumigil nga kayo!” saway niya sa mga ito.

“Alam mo kailangan mo ‘to para sumaya ka! Tingnan mo ang sungit sungit mo!”

Ilang beses niya pang sinaway ang mga kaibigan. Tumalikod siya sa mga ito at inabala ang sarili sa pagbabasa ng nobelang paborito niya.

“Ayan! Tapos na! Ganda ‘di ba?” rinig niya ang boses ni Kristel.

“Siyempre. Ako nakaisip nito. Ngayon, maghanap na tayo para kay Nadine.”

Natigilan siya doon at tinignan ang dalawa na halos magkapalit na ng mukha habang tinitingnan ang cellphone. Nakatuon doon ang kanilang atensyon.

“Anong ginagawa niyo?”

Nagkatinginan ang mga ito at ngumisi sa isa’t-isa.

“Hinahanapan ka ng magiging boyfriend mo! Ano pa ba?”

“Ano?!”

Nanlaki ang kaniyang mata doon. Tumayo siya at lumapit sa mga ito ngunit mabilis na iniwas ni Kathleen ang cellphone.

“Anong ginawa mo?”

“Uhm, basta. Ginawan kita tapos nilagay ko pangalan mo at picture mo. Ako na makikipag-usap tapos kapag may nagtext sa’yo, kausapin mo ha?”

Ilang beses siyang tumanggi at halos bantaan ang mga ito ngunit sa huli ay iniwan siya ng mga ito ng walang magawa.

“Sige na ha? Alis na muna kami! Kita tayo ha?” ani Kristel.

“Basta yung bilin ko, Nadine!” sabi ni Kathleen habang ngumingisi ng malaki.

Nang umalis ang mga ito ay napabuga siya ng hangin. Ibang klase talaga ang mga kaibigan niya. Kung ano-ano ang naiisip.

Ayos lang, Nadine. Imposible naman na may magkagusto sa’yo. Eh ang pangit pangit mo! Kastigo niya sa sarili.

Tumingin siya sa salamin. Magulo ang kanyang buhok, malabo ang mata kaya may salamin. Sa madaling salita, pangit siya.

Habang nagkaklase ay tumunog ang kanyang cellphone. Tahimik ang klase kaya naman nang tumunog ito ay mabilis na nakuha ang atensyon ng guro.

“Ma’am, labas lang po ako. Nag-text po si mama,” pagsisinungaling niya.

Kitang-kita niya ang ngisihan ng dalawang kaibigan ngunit pilit niyang inignora.

Umirap ito at hindi sumagot kaya dali-dali siyang lumabas at tiningnan ang cellphone. Imposible, hindi naman nagtetext ang kaniyang nanay sa kaniya.

Hindi rehistrado ang numero. At isang salita lang ang nakasulat.

“Kamusta?”

Kumunot ang kanyang noo. Sino iyon? Maliban sa kanyang mga kapatid, magulang at dalawang kaibigan ay wala nang nakakaalam ng kaniyang numero.

“Sino ‘to? Mali ata na-text mo.”

In-off niya ang kanyang cellphone para hindi na tumunog ulit. Bumalik siya sa kanyang upuan.

Gabi na nang muli niya itong buksan. Sunod-sunod ang pagdating ng mensahe ng mga kaibigan niya.

“Hoy, Nadine! ‘Di ka nagreply?” tanong ni Kristel.

“Ano?”

“May nagtext sa’yo kanina ‘di ba?”

Napaisip siya doon at naalala ang mensaheng iyon.

“Meron. Pero tingin ko nagkamali lang. ‘Di ko kilala, e.”

“Hindi! Binigay ko talaga para i-text ka!”

Huminga siya ng malalim sa sinabi nito. Kaya naman pala! Nagtaka pa siya. Bakit nga ba hindi niya naisip yun kanina?

Binalikan niya ang mensahe ng lalaki na hindi niya pa nababasa.

“Gusto ko lang makipagkaibigan,” sabi nito.

“Kilala mo ba ako? Habang hindi mo pa nakikita, tumakbo ka na. Pangit ako! Pangit! Basta. Saka may iba akong gusto,” sagot niya para matigil na ito sa kahibangan.

Totoo naman na may iba siyang gusto. Hindi niya maamin sa dalawang kaibigan at hindi niya kailanman aaminin.

Si Marco. Pero masyado itong gwapo at perpekto para magustuhan siya. Na isang pangit. Hindi kapansin-pansin.

“Hindi ka pinapansin ng gusto mo? Pareho pala tayo, e!”

Hindi ba talaga ito titigil? Naisip niya.

“Paanong hindi pinapansin?” tanong ni Nadine.

“Pinapansin na pala ako! Ngayon ngayon lang!”

Binitiwan niya na ang cellphone. Wala itong kwentang kausap.

“Ano ba pangalan ng gusto mo, ha?” tanong nito pagkalipas ng ilang segundo.

Napaisip siya kung sasabihin niya. Tutal, tingin niya ay hindi naman nito kilala kung sasabihin niya.

“Marco.”

Mula sa malayo ay nakita niya ang lalaking tinutukoy na nakaupo sa ilalim ng malaking puno. May hawak na cellphone at mukhang aliw na aliw.

Baka girlfriend niya ang kausap. Sumimangot siya roon.

“Kita ko siya ngayon.” Wala sa sariling tinipa ni Nadine para sa kausap.

“Kita ko rin ngayon e,” anito kaya kumunot ang kanyang noo.

“Lapitan mo nga!” hamon niya rito.

Tiningnan niya ulit si Marco na malawak ang ngiti. Paunti-unti ay tumayo. Nag-iwas siya ng tingin. Baka mahuli siyang tumitingin.

Ngunit natigilan siya ng makitang may nakatayo sa kanyang harapan. Unti-unti ay nag-angat siya ng tingin.

“Bakit?” tanong niya sa mahinang tono.

“Sabi nung kausap ko, lapitan ko raw yung babaeng gusto ko e,” anito na malawak ang ngiti, habang iwinawagayway ang hawak na cellphone.

Hindi niya nakuha ang sinasabi ngunit tumunog ang kanyang cellphone at nakitang tumatawag ang lalaking kausap.

Nanlaki ang kanyang mata nang makita na inilagay nito ang cellphone sa kanyang tenga.

“I- Ikaw yun?” gulat na gulat na tanong niya.

Tumango ito habang siya at nanatiling tulala sa gulat.

“Gusto mo ako?”

Muli itong tumango.

Umupo ito sa harap niya. Unti-unti ay nagpaliwanag.

“Gusto kita, matagal na. Kaya naglakas na ako ng loob na hingin sa mga kaibigan mo yung numero mo.”

Hindi siya nakapagsalita. Manghang-mangha sa mga sinasabi nito. Hindi niya naisip kailanman kahit na imahinasyon na mangyayari ito.

“Sigurado ka ba?” tanong niya pagkatapos.

Kumunot ang noo nito.

E kasi ‘di ba? Pangit siya? Paanong magkakagusto ito sa kanya? Ang dami daming magaganda diyan!

“Bakit? Di mo ba ko gusto?” tanong nito sa mahinang boses.

Nagkatinginan sila at unti-unti ay ngumiti si Nadine.

“Gusto.”

Lumawak ang ngiti nito lalo at niyakap siya.

Matapos siya nitong yakapin ay hinarap niya ulit ang lalaki.

“Sigurado ka na ba? Baka, naguguluhan ka lang! Paano naman mangyayari na magugustuhan mo ako? Sikat ka, gwapo tapos ako…” Humina ang kanyang boses. “Pangit.”

Tinignan siya ng lalaki, kunot ang noo nito sa kanya.

“Sino naman nagsabing pangit ka?”

Ngumuso si Kristel. Ayaw niya sanang sabihin pero dahil mukha itong determinado na malaman, sa huli ay huminga siya ng malalim at sumagot.

“Marami. Yung mga kaklase natin, mga nakakasalubong ko. Yung mga babaeng may gusto sa’yo. Lahat sila.”

Totoo naman iyon. Naiisip niya nga noon na hindi siya papayagan na gustuhin ito. Wala siyang karapatan na magkagusto sa kagaya ni Marco.

Mabuti na lang at kahit na ganito ay may dalawa siyang kaibigan na ipinagtatanggol siya palagi.

“Maganda ba talaga sila?”

Tumango siya. Syempre, matatangos ang ilong, maganda ang buhok at higit sa lahat walang tigyawat o kahit na anong problema sa balat. Di kagaya niya.

Lumapit si Marco sa kanya. Hinawakan siya sa balikat.

“Kung ganyan sila sa’yo, ibig sabihin hindi sila maganda. Pwedeng yung pisikal na anyo, oo. Pero paano naman kapag lumipas na ang panahon? Laylay at kulubot na ang balat? E ‘di hindi na sila maganda?”

Natahimik siya.

“Eh ikaw? Kahit na lumipas ang panahon. Yung magandang puso, hindi mawawala kahit na kailan. Yun ang nagustuhan ko sayo. Isang bagay na hindi na mawawala sayo.”

Halos matunaw ang kanyang puso sa mga sinasabi ni Marco.

“Kristel, maganda ka. Bago ka mahalin ng mga tao, sana matuto ka na ring mahalin ang sarili mo.” Ngumiti ito at niyakap siya.

Tumango si Kristel. Nangilid ang kaniyang luha. Tama si Marco, ang pagmamahal at pagtanggap ay dapat sa sarili muna magmula.

Mula nang maging sila ni Marco ay mas natutunan niyang mahalin ang kaniyang sarili. Lalo pa’t may isang taong araw-araw ay pinaparamdam sa kaniya na siya ang pinakamaganda sa lahat.

Advertisement