Inday TrendingInday Trending
Ang Lihim ng Kaniyang Biyenan

Ang Lihim ng Kaniyang Biyenan

“’Nay, kain na ho tayo,” magalang na paanyaya ni Kaye sa kanyang biyenan na si Aling Milagros.

Kagaya ng kanyang nakasanayan, hindi man lang siya nito tinapunan ng tingin. Patuloy lamang ito sa pagko-cross stitch o pagbuburda, na hilig nitong pag-aksayahan ng oras.

Palihim na napabuntong hininga si Stephanie. Mag-iilang buwan na silang kasal ng kaniyang asawang si Roger ngunit hindi man lang nagbago ni katiting ang turing sa kaniya ng babaeng biyenan.

“Ano ba naman kasi ang maling nagawa ko at ganun na lamang ang galit sa akin ni nanay?” malungkot na napabulong na lamang sa hangin si Stephanie.

Bagot na bagot siya sa kaniyang araw-araw na pananatili sa bahay. Paano ba naman kasi, ayaw man lang siya palabasin ng asawa. May pagka-seloso kasi ito. May tumingin lang sa kaniyang lalaki ay nagagalit na agad ito.

May isang pagkakataon pa nga na muntik na silang maghiwalay dahil sa pagiging seloso ni Roger. Naglumuhod lang ang lalaki sa kaniya para balikan siya. Mahal na mahal din naman niya ang nobyo, kaya binalikan niya ito. At ngayon nga, kasal na sila.

Mabuti sana kung maayos ang relasyon nilang mag-biyenan, may makaka-kwentuhan sana siya sa bahay, at maiibsan ang kanyang pagkainip. Kaso ay tila hindi talaga siya nito matanggap bilang asawa ng kaniyang anak.

Kaya nagkakasya na lamang siya sa panonood ng telebisyon, o ‘di kaya ay subukan magluto ng kung ano-ano, na siya lang din naman ang kumakain.

Kailan kaya ako matatanggap ni nanay? ‘Yun ang nasa isip niya bago tuluyang nakaidlip sa sofa.

Nagising na lamang siya sa tunog ng sasakyan na pumaparada sa tapat ng bahay.

Gulat siyang napasulyap sa orasan sa dingding at nataranta nang makitang alas nuwebe na pala ng gabi. Masyadong napatagal ang kaniyang pagtulog!

Taranta niyang sinalubong ang asawa, na alam niyang magtatampo dahil gusto nitong sa bahay kumakain ng hapunan.

“Mahal, I’m sorry, hindi ako nakapag—” Hindi niya na natapos ang kanyang sasabihin nang marinig ang tinig ng biyenan na nagsalita.

“Kumain na tayo. Nagluto ako ng paborito niyo.” Nagpatiuna na ito sa paglalakad papuntang kusina.

Agad namang nagtungo ang kanyang asawa sa kusina. Takang sumunod siya. Pagpunta ay nagulat siya nang makita sa mesa ang mga paboritong putahe ng asawa. Maging ang mga paborito niyang ulam.

Alam din ni nanay ang mga paborito kong pagkain? Takang naisaisip niya habang kumakain.

“’Nay, salamat po sa pagluluto mo para sa amin,” nakangiting sabi niya kay Aling Milagros habang naglilinis sila ng pinagkainan.

Ngunit kagaya ng dati, hindi siya nito pinansin. Ngunit masaya pa rin si Stephanie. Pakiramdam niya ay malapit niya na mahuli ang puso ng kanyang biyenan.

Naalimpungatan si Stephanie nang makapa na wala ang kanyang asawa sa tabi. Naabutan niya itong naninigarilyo sa may balkonahe habang may kausap sa cellphone nito.

“Sige, kayo na ang tumapos niyan. Siguraduhin niyong malinis ‘yan ha?” Narinig niyang sabi nito sa kausap.

“Mahal?” tawag niya sa asawa.

Bahagya pa itong nagulat bago lumingon sa kanya. “Tatawag na lang uli ako,” sabi nito sa kausap.

“Kanina ka pa diyan?” tanong nito kapagkuwan.

Umiling siya. Napatitig sa mata ng asawa niyang bahagyang namumula.

“Ano nangyari sa mata mo?” usisa niya sa asawa.

“Ah, napuwing lang ako.” Bahagya itong natawa. “Bakit gising ka?” maya maya ay tanong nito.

“Naalimpungatan lang. Tulog na ulit tayo?”

Gusto niya itong usisain kung sino ang kausap nito nang ganitong oras pero pinanatili niyang tikom ang kanyang bibig. May tiwala siya sa asawa.

Nilagay nito ang basyo ng sigarilyo sa ashtray bago siya inakbayan papasok ng kanilang silid.

Paggising niya kinabukasan ay nakaalis na ang asawa. Napapansin niya na dumadalas ang pag-alis nito nang maaga at pag-uwi nang gabing-gabi na. Naisip niyang kausapin ang asawa dahil baka napapabayaan na nito ang sarili kakatrabaho.

Pasado alas diyes na nang makauwi ang asawa. Habang kumakain ito ay sinubukan niyang usisain ang asawa.

“Mahal, busy ba masyado sa trabaho? Bakit naman gabing-gabi ka na masyado umuuwi?” malambing na tanong niya sa asawa.

Agad na nagtimpla ang mukha nito. Dumilim ang ekspresyon, bagay na ipinagtaka niya. “’Wag mo nang usisain ang trabaho ko.”

“Mahal, sinasabi ko lang naman kasi baka—” napapitlag siya nang hampasin nito ang mesa, dahilan upang matapon ang mga pagkain.

“Sinabi ko na na ayaw ko pag-usapan ‘di ba?” sigaw nito bago umalis sa hapag at lumabas ng bahay. Maya-maya pa ay narinig niya ang pagharurot ng sasakyan nito.

Lumuluha si Stephanie habang nililinis ang kalat na pagkain sa mesa.

Maya-maya ay lumapit ang kanyang biyenan. “Magpahinga ka na, ako na ang bahala dito.”

Tahimik naman siyang pumunta sa kwarto. Takang-taka pa rin sa inasta ng kaniyang asawa.

Ilang araw silang hindi nagkibuan ng asawa. Hanggang dumating ang isang gabi. Lasing na lasing ito!

“Stephanie! Lumabas ka riyan!” galit na galit na sigaw ni Roger mula sa labas ng guest room na kasalukuyang ginagamit ng asawa.

Pagbukas ni Stephanie ng pinto ay isang malakas na sampal ang sumalubong sa kaniya. Gulat na gulat siya – ito ang unang beses na napagbuhatan siya ng kamay ng asawa.

Tigagal siyang napatitig sa asawa habang hawak ang pisnging nasaktan.

“Roger! Itigil mo ‘yan!” Mula sa kusina ay humahangos na lumapit si Aling Milagros sa anak nito.

“’Wag kang makialam dito!” asik nito sa ina.

Nanlaki ang mata ni Stephanie. Pulang-pula ang mestizo nitong mukha, at ang mga mata nito. Parang ibang Roger ang nasa harapan niya ngayon. Hindi ito ang malambing, magalang, at mabait na Roger na minahal niya.

Nagmartsa ang asawa papasok sa kanilang kwarto.

“Stephanie! Pumunta ka na muna sa bahay ng mga magulang mo!” tarantang sabi ng kanyang biyenan, na para bang may kinatatakutan, habang pasulyap-sulyap sa kwarto na pinasukan ng kaniyang asawa.

Halos ipagtulakan siya ng matanda palabas ng bahay. Bago siya tuluyang makalayo ay nakita niya ang asawa na may hawak na baril! Nagsisisigaw ito na parang baliw habang hinahanap siya.

Sa takot na mapahamak ay tumakbo siya palayo. Ngunit nang maalala ang kanyang biyenan ay napagdesiyunan niyang magsumbong sa pulis.

Agad namang inaresto ng mga pulis ang kanyang asawa na huli sa aktong may hawak na baril na hindi lisensyado. Base din sa mga pagsusuri ay lango ito sa bawal na gamot, kaya naman nagkapatong-patong na ang kasong isinampa rito.

Labis ang pangingilabot ni Stephanie nang mapag-alamang big-time dealer pala ng bawal na gamot ang asawa.

Mabuti na lamang at walang nangyaring masama sa kanyang biyenan, na nagligtas sa kaniya sa kapahamakan.

Nang magkaroon sila ng ng biyenan ng tiyansa na mag-usap, itinanong niya rito ang bagay na gumugulo sa kanyang isipan: “’Nay, bakit ho hindi niyo ako gusto?”

Bahagyang natawa ang matanda. “Naku, hija, kung alam mo lang. Gustong gusto kaya kita! Alam ko nga lahat ng paborito mong pagkain.”

Mas lalong naguluhan si Stephanie. “E bakit ho ganun kayo sa akin?”

Lumungkot ang mukha ng matanda. “Gusto kasi kitang bigyan ng babala. Alam ko nang matagal na ang kalokohan ng anak ko. Pero nanahimik ako, kasi, mayroon bang ina na kayang ipahamak ang kanyang anak?”

“Kaya naman ginawa ko ang lahat ng pagpapahirap sa’yo para layuan mo ang anak ko. Ang kaso, masyado kang mabait kaya nandito ka pa rin matapos ang lahat.”

“Ako na ang humihingi ng dispensa, anak. Kaya nga nagpilit ako na sa inyo tumira para kahit papaano ay mabantayan kita. Isa pa, alam ko naman na mahal ka ng anak ko at pinipilit niyang magbago. Pero mas hindi ko yata kakayanin kung may mapapahamak nang dahil sa kanya,” mahabang paliwanag nito.

Noon lang niya naunawaan ang lahat.

Napangiti si Stephanie. Nawalan man siya ng asawa, alam niyang nakahanap siya ng hihigit pa rito – isang ina.

Advertisement