Inday TrendingInday Trending

Usap-usapan sa bawat sulok ng lugar nila Ernesto ang kaniyang pagbabalik mula Maynila. Nang makita kasi ito ng mga taga kanilang baryo ay naging tampulan ito ng usapan dahil sa pagkakaroon niya ng maranmng tattoo sa katawan. Kahit kasi hindi rin pabor ang kanyang ina sa kanyang pagpapaburda ay walang nagawa ang ginang at itinuloy pa rin ng binata ang kanyang gusto.

Isang umaga ay patungo si Ernesto sa isang tindahan malapit sa kanilang bahay nang makita niya ang mga ginang na nagtutumpukan. Napabuntong hininga na lamang ang binata sapagkat alam niyang isa muli siya sa listahan ng mga pinag-uusapan ng mga ito. Napailing siya sapagkat kay aga-aga ay tsismisan ang inaatupag ng mga ginang.

“Akala yata ng anak ni Aling Bebang na si Ernesto ay magandang tingnan ang maraming tattoo. Sinayang lang niya ang gandang lalaki niya, nadudumihan ako sa itsura niya!” sambit ng isang ginang.

“Oo nga. Tingin ko ay sinusunog na ang kaluluwa noon sa impyerno. Mga demonyo lamang ang kayang dumungis sa kanilang balat!” sambit ng isa pang ginang.

Habang papalapit ang binata sa pinag-uumpukan ng mga babaeng tsismosa ay nakita niya ang dalagang si Celine, anak ng isang tsismosa sa kanilang lugar.

Nang tangkang kakausapin ni Ernesto ang dalaga upang kumustahin ay agad sinuway ng ginang ang kanyang anak.

“Celine, lumayo ka sa lalaking ‘yan at baka kung ano pa ang gawin sa’yo,” sambit ng ginang sa kanyang anak.

“Sobra naman kayo, Aling Susing. Gusto ko lang naman pong kumustahin si Celine sapagkat matagal-tagal na rin kaming hindi nagkikita,” paliwanag ni Ernesto.

Tila walang narinig ang ginang. “Celine, umuwi ka na sa bahay at ayokong kung sino-sino lang ang kinakausap mo. Baka mamaya ay mapahamak ka pa!” sambit muli ng ina.

Walang nagawa ang dalagang si Celine kundi sundin ang kaniyang ina. Lingid sa kaalaman ng ginang ay bata pa lamang ang dalaga ay malaki na ang pagkagusto nito sa kanyang kababatang si Ernesto. Kahit na iba na ang itsura nito at tadtad na ng tattoo ay hindi pa rin nagbabago ang kaniyang nararamdaman sa binata. Sa katunayan nga ay laking tuwa niyang makita ito muli.

Nang wala si Aling Susing sa paligid ay nagkaroon ang dalawa ng pagkakataon upang mag-usap. Nagkita sila sa tuktok ng isang burol kung saan sila madalas maglaro noon.

Doon ay ikinuwento ni Ernesto ang kaniyang mga karanasan sa dalaga. Ikinuwento rin niya sa dalaga ang itsura ng Maynila. Laking pagkamangha ni Celine sa mga ibinabahaging kwento ng binata.

“Ernesto, gusto ko pa sanang makinig ng kwento mo kaso kailangan ko nang umuwi. Baka makatunog kasi si nanay na nakikipagkita ako sa’yo. Malalagot ako,” paalam ni Celine.

“Walang problema sa akin, Celine. Masaya akong nakita kitang muli,” wika ni Ernesto.

“May gagawin ka ba bukas? Gusto sana kitang isama sa kabilang baryo. May gusto kasi akong ipakita sa iyo,” paanyaya ng binata.

“Sisikapin kong makatakas, Ernesto,” tugon ng dalaga.

Kinabukasan ay muling naghintay si Ernesto ngunit kay tagal dumating ng dalaga. Nang mawalan na siya ng pag-asa na darating pa ito ay minabuti na niyang umalis. Pagkatalikod niya ay nakita niya si Celine na humahangos. Laking tuwa niya nang makita niya ang dalaga.

Nang makarating ang dalawa sa kabilang baryo ay laking gulat nila na nandoon si Aling Susing. Nagulantang din ang ginang sapagkat nakita niyang kasama muli ng kanyang anak si Ernesto.

“Bakit mo dinala ang anak ko rito? Siguro ay may binabalak kang masama sa kanya, ano? Akala mo ay makakatakas ka sa akin. Mabait pa rin ang Diyos at hindi niya hinayaang magawa mo sa anak ko ang masamang binabalak mo dahil bistado ka na!” sigaw ni Aling Susing sa binata.

“Hayaan po ninyo akong magpaliwanag, Aling Susing. Wala po akong masamang intensyon sa anak ninyo,” paliwanag ng binata.

“Kilala ko ang mga kagaya mo, Ernesto. Alam ko ang likaw ng bituka mo! Alam kong gusto mong pagsamantalahan ang anak ko at abusuhin ang kanyang pagiging inosente,” sambit ng ginang. “Ikaw naman Celine, ilang beses na kitang binalaan na huwag kang sasama sa lalaking ito at may masamang mangyayare sa iyo!” halos mapatid ang kaniyang litid sa pagsigaw sa anak.

Habang nangyayari ang kaguluhan ay may isang lalaking umawat sa kanila. “Mawalang galang na po ngunit hindi po tama na pagsalitaan n’yo ng masama ang lalaking ito,” sambi tng isang magsasaka.

“Anong pinagsasaabi mo riyan? Hindi mo ba nakikita ang sangganong iyan. Hindi siya dapat pagkatiwalaan,” sambit ni Aling Susing.

“Nagkakamali po kayo. Mabait po si Boss Ernesto. Sa katunayan nga po ay pinuno siya ng grupong tumulong sa aming mga magsasaka upang maisaayos ang irigasyon sa aming lupang sinasaka,” saad ng lalaki.

Nagulat si Aling Susing sa kanyang narinig.

“Ito po ang dahilan kung bakit ko po dinala rito ang anak ninyo. Gusto ko pong ipakita sa kanya na nagtagumpay ang aming plano para sa baryong ito at maaari na rin pong masimulan sa atin. Ito po ang dahilan kung bakit ako nagbalik sa ating probinsya,” paliwanag ni Ernesto.

“Marami nga po akong tattoo pero hindi po ako masamang tao, Aling Susing. Ako pa rin po ang dating Ernestong nakilala ninyo,” dagdag pa niya.

Laking paghingi ng tawad ni Aling Susing sa kanyang panghuhusga sa binata. Hindi niya akalain na may mabuti pala itong hangarin kaya siya nagbalik sa kanilang lugar. Napagtanto ni Aling Susing na hindi tama na husgahan ang tao base sa panlabas nitong kaanyuan.

Hindi nagtagal ay naisaayos din ng grupo n Ernesto ang irigasyon para sa sarili nilang baryo. Napatunayan niya sa mga taga-roon na hindi basehan ang kanyang itsura sa mabuti niyang intensyon para sa kinalakihang lugar.

Dahil sa ginawang ito ni Ernesto ay lalong napalapit ang loob ni Celine sa kanya hanggang tuluyan na silang umibig sa isat-isa. Nagpatuloy naman si Ernesto sa paggawa ng mga proyekto na makakatulong sa iba’t-ibang pamayanan. Tinupad niya ang kanyang hangaring maglingkod sa kanyang kapwa.

Minsan kung sino pa itong masama sa ating paningin ay siya pa itong may kakayahang gumawa ng kabutihan, Hindi kailanman tamang husgahan ang isang tao base lamang sa nakikita ng ating mata at sa panlabas niyang kaanyuan. Tandaan natin na ang tunay na pagkatao ay nakikita sa mabuti niyang gawain at sa kadalisayan ng kanyang puso.

Advertisement