Inday TrendingInday Trending
Sukatan ng Talino ang Pag-iingles

Sukatan ng Talino ang Pag-iingles

Magaling mag-ingles ang dalagang si Anna kaya naisipan niyang pagkatapos ng kaniyang graduation sa kolehiyo ay susubukan niyang mag-apply sa isang tanyag na call center dito sa bansa. Sigurado kasi siya na malaki ang tiyansa na makapasok siya rito. Lalo pa niyang higit na nais makapagtrabaho sa kumpanyang ito nang malaman niyang madaming kaklase niya ang sumubok ngunit nabigo kaagad.

“Wow, Anna, talaga bang pinapapunta ka sa opisina doon opisina ng Alta Corp?” nasasabik na sambit ng kanyang kaibigang si Cindy. “Nakakainggit ka naman! Tinawagan din ako pero hindi na ako agad nakapasa. Ang galing mo talaga! Sigurado ay makakapasa ka niyan!” wika ng dalaga.

“Siyempre, hindi ako papayag na hindi ako makapasa, ano. Napakadali lang naman mag-ingles bakit hindi niyo kasi ginalingan,” pagmamayabang ng dalaga. “Sa katunayan nga parang dalawang tanong lang ang tinanong sa akin. Tapos pinapapunta na ako sa opisina bukas para sa mga susunod na interview,” dagdag pa niya.

“Sigurado ako na mamaniin mo lang ang interview na ‘yan bukas. Hay, nakakainggit ka talaga, friend!” wika ni Cindy.

“Ako pa ba, friend?” saad naman ni Anna.

Kinabukasan ay sinamahan ni Cindy ang kanyang kaibigang si Anna para sa interview nito. Habang nasa waiting area ang mga ito ay may isang lalaking pabalik-balik sa silid at halatang nagpapapansin sya kay Anna.

“Anna, nakikita mo ba ‘yang lalaking ‘yan? Kanina pa siya tingin nang tingin sa’yo. Tingin ko ay may gusto sa iyo ‘yan,” kantiyaw ni Cindy sa kaibigan.

“Tumigil ka nga riyan! Hindi mo ba nakita na napakabaduy niya. Hindi siya ang tipo ng lalaking gusto ko,” tugon ni Anna.

Ilang sandali pa ay lumapit na ang lalaki at nakipag-usap sa kaniya.

“Hillo, miss! Pwidi ba kitang makilala?” wika ng binata. “Ako nga pala si Alfridu,” pagpapakilala niya sa dalaga.

Hindi naman mapigilan ni Anna ang kanyang pagtawa dahil sa paraan ng pagsasalita ng binata.

“Ow, ikaw pala si Alfridu. Akala ko ay si Jun ka. Short for Junathan!” walang patid sa pagtawa si Anna. Pati si Cindy ay natawa na rin.

“Excuse me, Mister Alfridu,” ngisi ng dalaga. “I am here for a job interview. Hindi ako nagpunta rito para makipagligawan. Kaya kung pwede lang sana ay lubayan mo ako,” pagtataray ng dalaga.

“Ang gusto ko lang naman makipagkaibigan sa’yo, miss. Napakalakas kasi ng personalidad mo at gusto kitang mas makilala pa. Baka naman pwedeng malaman ko ang pangalan mo,” wika niya sa bisaya.

“Pwede ba, Alfridu, final interview ko ngayon! Malaki ang tyansa na makuha ko ang trabaho na ito. Kaya pabayaan mo akong magconcentrate pwede ba?” naiinis na wika ng dalaga.

“Siguro ay isa ka sa mga hindi nakapasa, ano? Sabagay paano ka nga naman ba papasa kung sarili mo ngang pangalan ay hindi mo mabanggit ng tama,” natatawang pang-aasar ni Anna sa binata. “Kung hindi ka nakapasa sa kumpanyang ito pwede bang huwag mo akong idamay sa kamalasan mo. Lubayan mo ako! Hindi ako pumapatol sa bobo,” sambit muli ni Anna.

“Porket hindi lamang ako magaling mag-ingles tulad mo ay bobo na ang tingin mo sa akin?” sambit ng binata. “Pasensiya ka na, miss. Ito pala ang basehan mo ng katalinuhan,” dagdag pa niya.

“Friend, parang sumusobra na yata ang mga sinasabi mo sa kay Alfridu. Huwag mo na lang siyang pansinin,” bulong naman ni Cindy upang awatin ang kaibigan.

“Nararapat ‘yan sa kanya, friend. Palibhasa ay hindi mga magaling mag-ingles kaya siguro bumagsak. Akala niya ay madadaan niya ako sa mga ganon. Hindi ko tipo ang mga lalaking hindi matalino,” tugon ni Anna habang pinaparinggan ang binata.

Dahil sa kahihiyan ay lumabas ng waiting room ang binata. Ilang sandali pa ay tinawag na si Anna upang ipagpatuloy ang kanyang interview.

“Ms. Anna Bautista, kayo na po ang susunod. Ihahatid ko po kayo sa silid ng mag-iinterview sa inyo,” wika ng sekretarya. “Napakaswerte ninyo at ang mag-iinterview po sa inyo ay ang boss namin mismo. Mabait siya at napakadalang niyang hindi tumanggap ng mga nag-aapply dito sa amin,” wika ng babae habang binabagtas nila ang daan papunta sa silid ng kanilangn boss.

“Dito na po ang silid ni Sir Alfie. Pwede na po kayong pumasok,” sambit muli ng sekretarya.

Nang makapasok sa silid ng boss si Anna ay laking gulat niya nang makita ang lalaking nagpakilala sa kaniya kanina at minata niya ng lubusan.

“Pasensiya na, Ms. Anna. Pero ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na hindi ka nakapasa,” sambit ng binata.

‘D-dahil ba sa nangyari kanina? Huwag mo naman akong personalin. Pumunta ako dito para sa interbyu ko hindi makipagkilala sa’yo,” sambit ng dalaga. “Sana hindi makaapekto ang ginawa ko kanina sa intebyu na ito.”

“Hindi talaga ako bisaya, Anna. At lalong hindi ako namemersonal. Parte ng pagsubok ang lahat kanina. Para malaman mo, Anna. Hindi kasi ako naniniwala na basehan ng katalinuhan ang pagsasalita lamang ng ingles. Alam mo ba kung bakit matagumpay ang kumpanyang ito? Dahil marunong makibagay ang lahat at may pagtingin sa kapwa. Iyan ang hinahanap ko sa isang empleyado,” paliwanag ng boss.

“Maraming tatawag sa iyong kliyente rito na katulad ng karakter na ginawa ko kanina? Pagtatawanan mo rin ba sila o kagagalitan? Ito ang dahilan kung bakit pili lamang ang natatanggap dito dahil sinasala namin mula sa pagsasalita hanggang sa personalidad,” pahayag ni Sir Alfie.

Lubusan ang hiyang naramdaman ni Anna na tila gusto na lamang niyang maglaho sa kanyang kinauupuan. Dahil sa kanyang pagiging arogante at mapagtaas ay hindi niya nakuha ang trabahong kaniyang inaasam. Lumabas siya ng silid na nanlulumo sa sarili. Hindi na nagawa pa ni Anna na ikwento ang kahihiyang ito sa kaibigan.

Napagtanto rin ni Anna na mali ang kanyang nagawa. Hindi porket magaling na siyang mag-ingles ay ganoon na lamang kataas ang tingin niya sa kanyang sarili. Naging aral sa kanya ang lahat at mula noon ay naging mapagkumbaba na siya.

Advertisement