Inday TrendingInday Trending
Mataba Ka Man sa Aking Paningin

Mataba Ka Man sa Aking Paningin

Laking gulat ni Grace nang makita ang kanyang kasintahang si Emman na mayroon na namang ibang babaeng kalandian sa kaniyang telepono. Hindi na kasi mabilang ng dalaga kung ilang beses na siyang ipinagpapalit ng binata. Hindi naman niya mahiwalayan si Emman sapagkat labis raw niya itong minamahal.

“Bakit ba kahit kailan ay hindi ako naging sapat sa’yo, Emman? Ano ba ang kailangan kong gawin?” umiiyak na sambit ni Grace.

“Noon naman ay mahal na mahal mo ako. Bakit bigla ka na lang nagbago?” muli niyang tanong sa binata.

“Noon ‘yon, Grace. Tingnan mo nga ang sarili mo ngayon. Ang laki na ng pinagbago mo! Kulang na lang ay mansanas sa bibig mo at para ka nang lechong nagmamantika diyan!” saad ni Emman. “Kung hindi mo sana pinabayaan ‘yang katawan mo, e hindi sana ay hindi ka tumaba ng ganyan at hindi ako tumitingin sa iba,” dagdag pa ng binata.

Lubusang nasaktan ang dalaga sa sinabi ng kanyang nobyo. Kung tutuusin nga kasi ay ang laki na ng tinaba ni Grace mula nang sagutin niya ang binata. “Talaga bang ang labas na anyo lang ang mahalaga sa’yo, Emman? Hindi mo ba binibigyang halaga ang lahat ng pinagsamahan natin?”

“Hindi ka ba nahihiya sa itsura mo ngayon, Grace?” tanong ni Emman. Ngunit hindi nakaimik pa si Grace. “Oh, ngayon hindi ka makapagsalita d’yan! Mabuti pa ay tapusin na natin ang relasyon na ‘to!” giit ni Emman sa dalaga.

“Bakit? Dahil mas maganda at mas sexy ang ipinalit mo sa akin?” umiiyak na sambit ni Grace.

“Oo! At ‘di hamak naman na mas maipagmamalaki ko siya kaysa sa’yo,” tatawa-tawa pang wika ni Emman.

Lalong nasaktan ang kalooban ni Grace. Dahil dito ay ilang araw siyang nagkulong sa kuwarto. Dahil sa lubusang pag-aalala ay minabuti ng kanyang amang si Mang Juna na kausapin ang dalaga.

“Tama na ang pagmumukmok mo riyan, anak. Hindi naman siya babalik kung iiyak ka lamang diyan. Saka nanaisin mo pa ba ang isang lalaking tulad niya? Tumaba ka lang ay iniwan ka na agad,” saad ng kanyang ama.

“Ang mabuti pa anak ay tumayo ka na riyan at lumabas ng silid. May gusto ka bang kainin?” nakangiting wika muli ni Mang Jun.

“Tatay naman, eh. Nang-aasar pa kayo. Gusto n’yo akong tumaba lalo!” sumisinghal ngunit nakatawa ng sambit ni Grace.

“Pinapatawa lang kita, anak. Tandaan mo na hindi mo kung hindi ka niya tinanggap sa ganyang katayuan mo ay hindi rin siya karapat-dapat sa iyo. Kaya kung ako sa iyo ay ibigay mo sa kanya ang pinakamatinding paghihiganti mo,” sambit ni Mang Jun. Napakunot naman ng noo ang dalaga.

“Ano pa, kundi ang pagmamahal mo sa iyong sarili. Kailangan mong mahalin ang sarili mo, anak. Kung ano ka at kung anong hindi,” payo ng ama.

Tuluyan nang lumabas ng silid si Grace. Napagdesisyunan niyang ibalik muli ang dating hubog ng katawan. Kumunsulta siya sa espesiyalista upang matulungan siya sa kanyang gagawing pagpapapayat. Itinuro sa kanya ang kanyang mga dapat gawin at kakainin. At saka siya nag-enrol sa isang gym malapit sa kanila.

“Ako nga pala si Adrian. Ako ang magiging gym instructor mo. Tutulungan kita na mapabilis ang pagpapayat mo ng walang masamang epekto sa katawan mo,” sambit ni Adrian.

“Siguro ay para sa boyfriend mo itong ginagawa mong pagpapayat, ano?” kantiyaw niya sa dalaga.

“Hindi ‘no! Asa naman siya. Kapal ng mukha niya! Ginagawa ko ito para sa sarili ko. Kaya tara na coach at turuan nyo na ko ng gagawin ko,” wika niya sa binata.

Naging pursigido si Grace sa pagpapapayat. Halos araw-araw kung pumunta ito sa gym. Naging madisiplina rin siya sa pagkain at pangangalaga sa kanyang katawan. Imbes na ibuhos niya ang enerhiya sa pag-iyak dahil kay Emman ay ibinuhos na lamang niya ito sa pagmamahal sa kaniyang sarili.

Dahil sa palagi silang magkasama ni Adrian ay hindi na napigilan pa ng dalaga na mahulog ang loob niya dito. Ngunti batid niyang imposible siyang mapansin ng binata dahil malaki ang kanilang pagkakaiba ni Adrian. Matipuno ang binata at siya naman ay nagpapapayat pa lamang.

Ngunit lingid sa kaalaman ni Grace ay unang kita pa lang sa kanya ni Adrian ay nabighani na ito sa kanyang kagandahan. Lalo pang nabihag ang loob ng binata ng makilala niya unti-unti ang dalaga habang nakakasama niya ito sa gym.

Isang araw ay nakita niya si Grace na malungkot kaya agad niya itong nilapitan.

“Parang hindi ako sanay na nakasimangot ka, Grace. May problema ka ba?” tanong ni Adrian sa dalaga.

“Wala naman, Adrian. Ilang buwan na kasi akong nagpapapyat pero dalawang kilo pa lang ang nababawas sa akin. Ginagawa ko naman ang lahat,” tugon ng dalaga. “Baka nga wala na akong pag-asa na pumayat. Napakapanget kong tingnan! Hindi ko masisisi kung iniwan at pinatatawanan ako ng dati kong nobyo” dagdag pa niya.

“Huwag mo sabihin ‘yan, Grace!” pagtutol ni Adrian. “Tanga lang talaga ‘yang dati mong nobyo at pinakawalan ka pa niya. Sa totoo lang kahit hindi ka kapayatan ay nagagandahan ako sa’yo. Lalo na sa disposisyon mo sa buhay at sa ganda ng kalooban mo,” wika ng binata.

“Sinsabi mo lang ‘yan para gumaan ang kalooban ko. Pero alam ko na natatawa ka rin sa katabaan ko,” sambit ni Grace.

“Hindi totoo ‘yan, Grace. Totoo lahat ng sinabi ko. Saka hindi naman batayan ang panglabas na anyo para mahalin mo ang isang tao. Sa katunayan nga ay umiibig ako sa’yo.” biglaang pag-amin ng binata.

Lubusang natulala ni Grace sa inamin sa kanya ni Adrian na hindi na niya nagawang magsalita pa.

‘Totoo, Grace, umiibig ako sa’yo,” wika niyang muli sa dalaga.

Inamin na rin ni Grace ang kanyang nararamdaman sa binata. Minabuti ni Adrian na ligawan ng maayos si Grace sa bahay nito at para makilala na rin siya ng ama ng dalaga. Agad namang sumang-ayon si Mang Jun sa pangako ni Adrian na hindi niya ito sasaktan kahit kailan.

Nagpatuloy si Grace sa kanyang pagpapayat sa tulong na rin ni Adrian. Isang taon ang nakalipas at tuluyan na ngang nakamit ni Grace ang kanyang minimithing itsura. Bumalik na siya sa dati niyang hubog.

Isang araw habang hinihintay ni Grace ang kanyang kasintahan na ngayong si Adrian sa isang cafe ay nilapitan siya ni Emman. Hindi makapaniwala ang dating nobyo sa pagbabagong ito ni Grace. Dahil muling naging kaakit-akit ang dalaga sa kanyang paningin ay ninais niyang makipagbalikan muli sa dalaga.

‘Ang ganda mo na, Grace. Alam ko dahil lahat ‘yan sa akin. Kaya kung gusto mo ay magbalikan na tayo,” wika ni Emman. “Sige na, Grace, alam ko namang mahal mo pa rin ako hanggang ngayon,” pambubuyo ng binata.

Habang ginugulo ni Emman si Grace ay biglang dumating si Adrian.

“Ginugulo ka ba ng lalaking ito, Grace?” sambit ng binata.

“Hindi. At kahit kailan ay hindi na niya ako magugulo pa, mahal,” tugon ng dalaga.

“Mukha namang babaero ‘yang kasintahan mo. Nagustuhan ka lang niya kasi sa anyo mo ngayon. Kung nakilala ka niya noon tingin mo ay magugustuhan ka niya?” sambit ni Emman.

“Minahal ko si Grace noong mataba pa siya. Hindi ko kinakahiya kung ano ang itsura niya dahil kahit kailan ay hindi ito naging batayan sa akin para siya ang mahalin ko. Wala akong pakialam kung pinagtatawanan kami, kaya kong ipagtanggol ang kasintahan ko. Mataba man siya o ganitong ka-sexy ay hindi ko alintana. Ang mahalaga sa akin ay ang puso niya,” sambit ni Adrian kay Emman.

Lubusang napahiya si Emman sa sinabing ito ni Adrian. Agad itong umalis sa kanyang pagkayamot. Halos magtatalon naman ang puso ni Grace sa pagmamahal na inaalay sa kanya ng binata. Hindi siya makapaniwala na may isang lalaking magmamahal at tatanggap sa kaniyang buong pagkatao anuman ang kayang itsura katulad ng binibigay sa kanya ni Adrian.

Advertisement