Inday TrendingInday Trending
Ang Pagsasabi ng Tapat, Pagsasama nang Maluwat

Ang Pagsasabi ng Tapat, Pagsasama nang Maluwat

Nanginginig ang mga kamay ni Lucas habang hawak ang kaniyang cellphone at makailang ulit na binabalikan ang listahan ng mga nakapasa sa board exam. Wala talaga ang kaniyang pangalan. Kahit sa diyaryo ay hindi niya nakita ang pangalang Desiderio, Lucas M.

Hindi niya alam kung paano sasabihin sa pamilya na hindi siya nakapasa sa board exam. Bidang-bida pa naman siya ng kaniyang inay sa kanilang mga kapitbahay. Siya lang kasi ang kaisa-isang anak na nakapagtapos ng kolehiyo sa kanilang angkan. Pagtuturo ang kinuha niyang kurso, hindi dahil ginusto niya ito, kundi ito ang pinakamurang kurso ngayon. Sa isang state university siya nag-aral ng Edukasyon na nagpapakadalubhasa sa Agham.

Naalala pa ni Lucas ang paalala sa kaniya ng kaniyang itay at inay bago siya kumuha ng pagsusulit.

“Anak, alam kong ipapasa mo ang board exam mo na iyan para maging ganap kang guro. Naniniwala kami sa kakayahan mo. Alam naming kayang-kaya mo iyan!” tuwang-tuwang sabi ni Aling Merced, ang kaniyang inay. Isa itong plantsadora at labandera.

“Sinabi ko na nga sa mga kasamahan ko na iimbitahin ko sila ng inuman kapag inihayag na ang balitang pasado ka eh,” sabi naman ni Mang Nilo, ang kaniyang itay na isang karpintero.

Iginugol naman ni Lucas ang kaniyang panahon sa pagrereview. Hindi siya nag-enrol sa isang review center at nagsikap na mag-aral mag-isa, dahil wala silang pera. Kung minsan, kasama niya sa pagrereview ang kaniyang mga dating kaklase. Hindi rin muna siya naghanap ng mapapasukang paaralan kahit na tinatanggap naman ang mga bagong graduate sa pribadong sektor.

Bago siya kumuha ng eksamin, nagtungo muna siya simbahan ng Quiapo. Nagdasal siya nang mataimtim at hiniling na ibigay sa kaniya ang matiwasay na pag-iisip sa oras ng pagsusulit upang masagutan nang maayos ang lahat ng mga tanong. Balita niya kasi ay mahirap daw ang mga tanong sa majorship, bagay na kaniyang pinaghandaan.

Sa araw ng pagsusulit, tiwala naman si Lucas na nasagutan niya nang maayos ang lahat ng mga tanong. Kaya ngayong lumabas ang resulta, hindi siya makapaniwalang wala sa listahan ang kaniyang pangalan. Sa madaling salita, bagsak siya.

“Anak, ano? Pasado ba?” tanong sa kaniya ng mga magulang. Nakatunghay sa kaniya ang mukha ng mga kapitbahay. Naghihintay sa ibabalita niya.

Gustong aminin ni Lucas ang totoo ngunit iba ang lumabas sa bibig niya.

“Opo… pasado po…”

Nagtatatalon sa tuwa ang kaniyang tatay at nanay gayundin ang mga kapitbahay. Ipinamalita pa nila sa iba ang tagumpay. Marami ang pumuri sa mag-asawa, gayundin kay Lucas. Kesyo matalino raw si Lucas. Mapalad daw sila sa pagkakaroon ng anak na katulad niya dahil bukod sa masipag ay matalino pa.

Kahit walang pera, naghanda ng kaunting salo-salo sina Aling Merced at Mang Nilo. Siyempre, imbitado ang mga kapitbahay at maging mga kasamahan sa trabaho ni Mang Nilo. Pakiramdam ni Lucas ay nakasentro ang mga mata ng lahat sa kaniya. Para siyang isang buhay na patotoo na may pag-asa pa sa buhay ang mga mahihirap na gaya nila.

Kinurot ng konsensya si Lucas. Nagsisinugaling siya. Alam niyang malalaman din ng lahat ang kaniyang sikreto. Subalit kapag nakikita niya ang kaligayahan sa mga mata nina Aling Merced at Mang Nilo, ang matagumpay at matamis na ngiti sa mga labi nito, ang pagmamalaki, nauumid ang kaniyang dilang magsabi ng katotohanan.

Dumaan pa ang ilang mga araw at patuloy na sinusundot ng kaniyang budhi si Lucas. Gusto niyang ipagtapat ang totoo ngunit nahihiya siya. Paano kapag nalaman ng kanilang mga kapitbahay na nagsinungaling lamang siya? Mapapahiya siya at ang kaniyang mga magulang. Matitiis niya ang pansariling kahihiyan ngunit hindi ang kahihiyang maidudulot niya sa mga magulang.

Isang araw, tinanong siya ni Mang Nilo kung kailan magaganap ang araw ng kanilang panunumpa. Hindi makapagsalita si Lucas.

“Itay, inay, may dapat po kayong malaman…” naiiyak na sabi ni Lucas sa kaniyang mga magulang.

Ipagtatapat na niya ang totoo. Bahala na. Magsasalita na sana siya nang may kumatok sa kanilang pinto. Isang kartero. May liham si Lucas mula sa PRC. Tinanggap niya ito at binuksan. Halos maglulundag sa katuwaan si Lucas nang mabasa ang laman ng liham. Ipinapaalam sa kaniya na nakapasa siya sa board exam at nagkamali lamang sila na hindi naisama ang kaniyang pangalan sa listahan.

Magkagayunman, ipinagtapat pa rin ni Lucas ang totoo kina Aling Merced at Mang Nilo.

“Anak, tatandaan mo ito. Pumasa ka man o bumagsak, walang problema. Ipinagmamalaki ka pa rin namin. Ang mas mahalaga sa amin, iyong huwag kang magsisinungaling. Mahirap matali sa kasinungalingan,” paalala ni Aling Merced sa anak.

Niyakap ni Lucas ang mga magulang. Hindi totoong mapalad ang mga ito sa kaniya. Siya ang mapalad sa pagkakaroon ng mga magulang na responsable, masisipag, at maunawain. Sa araw ng panunumpa, inialay niya ang kaniyang tagumpay sa kaniyang mga mapagmahal na magulang.

Nakahanap ng magandang paaralan na mapapasukan si Lucas at makalipas ang dalawang taon, lumipat siya sa pampublikong paaralan.

Advertisement