Inday TrendingInday Trending
Pinanindigang Desisyon

Pinanindigang Desisyon

Humahangos na tinalunton ni Emerald ang emergency room kung saan naroon ang kaniyang ate na si Sapphire. Isang tawag ang natanggap ni Emerald na isinugod daw sa ospital ang kaniyang ate ng kaniyang mga kasamahan.

Pagkapasok sa silid, agad na pinuntahan ni Emerald ang kaniyang ate. Ginagap niya ang mga kamay nito.

“Anong nangyari, ate? Nanghina ka raw sa work?” nag-aalalang tanong ni Emerald sa kapatid.

Hindi na nasagot pa ni Sapphire ang tanong ni Emerald. Pumasok ang isang doktora.

“Excuse me po. Congratulations po. You are one month pregnant,” turan ng doktora kay Sapphire.

Napasulyap si Emerald sa kaniyang ate. Umalis na ang doktora. Napaluha naman si Sapphire.

“Bakit ka umiiyak, ate? For sure matutuwa si Gerard sa balita mo,” tanong ni Emerald.

“Hindi siya matutuwa kapag nalaman niya ang totoo sa ipinagbubuntis ko. Hindi si Gerard ang ama ng dinadala ko,” pagtatapat ni Sapphire.

Isinalaysay ni Sapphire na may nakilala siyang lalaki sa kaniyang trabaho na nakapalagayan niya ng loob. May nangyari sa kanila. Nagbunga ang kanilang kapangahasan. Inamin din ni Sapphire na mahal na niya ang ama ng kaniyang pinagbubuntis.

“Paano si Gerard? Limang taon na kayo. Sasayangin mo lang ba ang relasyon ninyo at pinagsamahan dahil sa isang lalaki lamang na ngayon mo lang nakilala?” tanong ni Emerald. Matagal na nilang kaibigan si Gerard bago pa man magkaroon ng relasyon sina Gerard at ang kaniyang ate.

“Hindi ko rin alam. Ako ang may problema. Kaya makikiusap sana ako sa iyo, Emerald. Hindi ka makapaglilihim sa akin. Alam kong may lihim kang pagtingin kay Gerard. Pagkakataon mo na ito para ikaw naman ang mapansin niya,” sabi ni Sapphire sa bunsong kapatid.

Napipilan si Emerald. Hindi niya inasahan ang mga sinabi ng kaniyang ate.

“Huwag kang magkakaila. Alam kong noong mga bata pa tayo, may pagtingin ka na kay Gerard. Nagkataon lamang na ako ang napansin at minahal niya. Minahal ko rin naman siya. Pero unti-unti itong nawala… hindi ko rin alam kung bakit. Gusto ko nang makipaghiwalay sa kaniya pero hindi ko alam kung paano gagawin,” pagtatapat ni Sapphire.

Pagkalabas ng ospital, nakipagkita si Sapphire kay Gerard at ipinagtapat ang kaniyang pagbubuntis. Galit na galit si Gerard at sinumbatan ang kasintahan.

“Walanghiya ka, Sapphire! Minahal kita! Lolokohin mo lamang pala ako? Sinayang mo lang ang limang taon natin. Wala naman akong naging kasalanan sa iyo!” lumuluhang sabi ni Gerard.

Umiiyak din na nagtapat ng kaniyang tunay na nararamdaman si Sapphire.

“Minahal kita, alam ng Diyos iyan. Pero sadyang naglaho ang pagmamahal na iyon. Hindi ko rin alam kung bakit. Nagising na lamang ako na wala na akong nararamdaman sa iyo. Sana maunawaan mo ako,” sabi ni Sapphire.

Naglasing si Gerard mag-isa sa kaniyang bahay. Masama ang kaniyang loob. Mahal niya si Sapphire ngunit nagawa siya nitong lokohin. Pinuntahan naman ni Emerald si Gerard upang personal na damayan ito at humingi ng tawad para sa kaniyang ate.

Dulot ng kalasingan at sama ng loob, hinila ni Gerard si Emerald at hinalikan. Nabigla man sa ginawa ng lalaki, hindi nanlaban si Emerald dahil noon pa man ay mahal na niya at itinatangi ang binata. At may nangyari sa kanila. Matapos ang gabing iyon ay hindi na nagpakita pa si Emerald kay Gerard bilang respeto na rin sa kaniyang ate. Makalipas ang ilang buwan, nalaman niyang nagbunga pala ang kanilang ginawa.

“Paano iyan? Pananagutan mo ba ako?” tanong ni Emerald kay Gerard. Nakipagkita siya rito upang ipabatid ang nangyari.

“Oo. Pananagutan kita,” sabi ni Gerard kay Emerald.

“Pero mahal mo si ate,” naiiyak na sabi ni Emerald kay Gerard.

“Hindi ako mahal ng ate mo. Hindi na niya ako mahal. Namili na siya,” sagot ng lalaki.

At mabilis na naasikaso ang kanilang kasal. Dahil pareho naman silang nasa hustong gulang at wala na rin namang magulang si Emerald, naging madali na lamang ang lahat. Mahal pa rin ni Gerard si Sapphire ngunit wala siyang magagawa kundi panagutan si Emerald.

Isang araw bago ang kasalan, umiiyak na nakipagkita si Sapphire kay Gerard. Nagmamakaawa itong bumalik sa kaniya. Napagtanto raw niya na mahal niya si Gerard at nagsisisi siya kung bakit siya nakipaghiwalay rito.

“Ikakasal na kami ng kapatid mo, Sapphire. Akala ko ba mahal mo ang lalaking nakabuntis sa iyo?” tanong ni Gerard kay Sapphire.

“Hindi niya pala ako mahal. May asawa na siya. Ako na lamang ang pakasalan mo. Ako naman talaga ang mahal mo, hindi ba?” pagmamakaawa ni Sapphire.

“Hindi ko magagawa ang saktan ang kapatid mo. Pananagutan ko siya. May anak na kami. At ayokong maging rebound lang, Sapphire. Panindigan mo ang ginawa mo. Mahal kita pero matututunan ko ring mahalin si Emerald,” matigas na paninindigan ni Gerard.

Natuloy ang pagpapakasal nina Gerard at Emerald. Walang nagawa si Sapphire. Makalipas ang maraming taon at nadagdagan pa ang kanilang mga anak. Natutuhang mahalin ni Gerard si Emerald dahil mabait, maasikaso, at mapagmahal ito.

Mag-isang pinalaki ni Sapphire ang kaniyang anak at hindi humingi ng sustento sa ama nito. Bagama’t hindi naman nagkalamat ang relasyon nila ng kaniyang kapatid, minabuti na lamang ni Sapphire na magpakalayo-layo upang hindi na makasagabal pa sa magandang relasyon nina Gerard at Emerald. Tama si Gerard. Kailagan niyang panindigan ang naging desisyon sa kaniyang buhay.

Advertisement