Bata Pa Lamang ay Palagi nang Magkasama ang Dalawa; Sa Huli, Sila Rin Pala ang Nakatadhana sa Isa’t-isa

Bata Pa Lamang ay Palagi nang Magkasama ang Dalawa; Sa Huli, Sila Rin Pala ang Nakatadhana sa Isa’t-isa

LoveStories

Bata pa lang ay parati nang magkasama sina Abby at Luigi. Madalas silang makitang magkasama. Kung nasaan si Abby, siguradong nandoon din si Luigi.  

Bagong salta lamang ang pamilya nila Luigi sa subdivision nila Abby. Kakalipat lang nila rito noong isang araw. Nagkataon namang nagkasalubong at nagka-usap ang kaniyang ina at ang mga magulang ni Abby, kaya naman ay naimbitahan sila na dumalo sa ikalimang kaarawan ng bunsong anak ng mga ito.

Likas na mahiyain at hindi palasalita si Luigi kaya naman wala itong kaibigan. Kabaliktaran naman si Abby. Napakadaldal nito at halos lahat ng makilala ay kinakaibigan ito.

“Hello, I’m Abby. Ikaw, anong pangalan mo?” nakangiting tanong ng batang Abby sa isang batang lalaki nakaupo sa isang tabi.

“Luigi,” maikling sagot nito kay Abby. Umupo si Abby sa tabi ni Luigi at ibinigay nito ang hawak na cotton candy na tinanggap naman ng batang lalaki.

Doon nagsimula ang pagkakaibigan ng dalawa. Araw-araw silang magkasama at talaga namang hindi mo mapaghihiwalay. Kahit saan man magpunta ang isa, ay siguradong susunod din ang isa.

At dahil nga sa parating magkasama ang dalawa at halos hindi magkahiwalay ay madalas silang matukso sa isa’t isa. Lalo na nang nagdalaga at nagbinata ang dalawa. Pero kahit anong sabihin ng ibang tao sa paligid nila ay hindi sila nagpapaapekto. Alam nilang dalawa na talagang matalik lang silang magkaibigan. Hindi sila talo.

“Abby, will you be my girlfriend?” tanong ni Joshua kay Abby habang nakaluhod at hawak ang isang tangkay ng mga bulaklak. Si Joshua ang pinakasikat na lalaki sa paaralang pinapasukan ng magkaibigan. Gwapo, mayaman at star player ng basketball team ng high school nila. Ito ang laman ng puso ng halos lahat ng babae at binabae sa kanilang paaralan.

Napatingin naman si Abby sa kaibigang si Luigi. Tiningnan niya ito na para bang nagtatanong dito kung ano ang gagawin niya. Napatingin din Joshua kay Luigi kaya naman medyo na nailang ang binata at napatango na lang.

Lingid sa kaalaman ng dalaga ay kinausap na ni Joshua si Luigi bago pa nito isagawa ang planong surpresa para sa dalagang nililigawan. Alam ni Joshua na napakalaking parte ng buhay ng dalaga ang matalik na kaibigan nitong si Luigi. Kampante rin naman itong walang namamagitan sa dalawa at talagang matalik na magkaibigan lamang.

Hindi man lantarang aminin ng dalaga ay alam din naman ni Luigi na may pagtingin din ang dalaga kay Joshua. Mukha rin namang mabait si Joshua kahit na sikat ito. Pero ang pinaka-importante ay nakikita niya namang seryoso ito sa panunuyo sa dalaga. Kaya naman nang hingin ni Joshua ang tulong niya para surpresahin si Abby ay pumayag siya.

“Yes,” nakangiting sagot ni Abby sa binatang nakaluhod sa harapan niya. Kinuha niya ang mga bulaklak na hawak nito at pinatayo ang binatang agad naman siyang niyakap.

Tumagal ng dalawang taon ang relasyon ni Abby at Joshua, ngunit nang tumuntong na ng kolehiyo ay naghiwalay rin sila. Sa ibang bansa kasi nag-aral si Joshua at hindi nila nakayanan ang LDR.

Sobrang nahirapan si Abby na mag-move on at sa tuwing iiyak siya ay parating nandyan ang kaniyang pinakamatalik na kaibigan na si Luigi. Hindi na sila araw-araw na magkasama gaya ng mga bata pa sila dahil magkaibang kurso ang kinuha ng dalawa. Pero kahit na ganoon ay sinisigurado parin nilang may oras sila para sa isa’t isa. Lalong-lalo na sa mga panahong kailangan nila ng karamay.

“Luigi? Gi, nasaan ka?” sigaw ni Abby pagkapasok nito sa condo unit ng matalik na kaibigan. Kagagaling niya lang sa Macau dahil may inasikaso siyang proyekto para sa kompanyang pinagtratrabahuan niya. May sarili siyang susi sa unit nito kaya naman ay basta nalang siyang pumapasok at hindi na kumakatok pa. Ganun din naman si Luigi sa kanya.

Nagulat ang dalaga ng makitang nakalumpasay sa sahig ang kaibigan at nagkalat ang mga alak at mga gamit sa condo nito. Nilapitan niya ito at ginising.

“Hoy Luigi Ruiz Villanueva, gumising ka!” Naalimpungatan naman ito dahil sigaw niya. “Tumayo ka nga d’yan! D’yan ka pa talaga natulog no?” Napatakip naman ng tainga si Luigi.

“Ingay,” ungol nito. Nainis naman ang dalaga at tinanggal ang kamay ng kaibigan sa pagkakatakip sa tainga nito at malakas na sumigaw, “Gisiiiiiiiing!!!” bigla namang napatayo si Luigi at nagising.

“Gigising ka rin naman pala pinasigaw mo pa ako,” asik ng dalaga kay Luigi. Tinulak siya nito papuntang banyo. “Maligo ka na! Ang baho-baho mo, amoy alak ka!” wala namang nagawa si Luigi kundi sumunod. Alam na alam niya ang ugali ng matalik na kaibigan. Mas mabuti nang sumunod na lang siya dahil magsasayang lang siya ng lakas kung umangal pa siya. Gagawin ni Abby ang lahat makuha lamang ang gusto nito.

Napatingin naman si Abby sa unit ni Luigi. Ang kalat! Sobrang kalat! Akala mo dinadaan ng bagyo sa sobrang kalat. Napabuntong hininga na lang siya at nagsimulang maglinis.

Binilisan niya talagang tapusin ang proyektong pinahawak sa kanya ng mabalitaan niya ang nangyari kay Luigi. Nagpropose ito sa girlfriend nitong si Anne. Matagal-tagal na rin silang magkarelasyon pero laking gulat nalang ni Luigi ng tanggihan nito ang alok niyang kasal. Pero hindi lang iyon ang nakapagpawasak sa puso ng matalik na kaibigan, nalaman nitong buntis pala si Anne. At ang masaklap pa ay malapit na kaibigan nilang dalawa pa ang ama ng bata! Pinagtataksilan pala siya ng mga ito!

Ilang araw ng hindi pumapasok sa trabaho si Luigi at nilulunod ang sarili sa alak. Kaya naman hindi siya mapakali sa Macau at agad-agad na bumalik ng Pilipinas.

Pagkatapos maligo at magbihis ni Luigi ay nagulat na lang siya nang makitang malinis na ang unit niya. Hinanap niya ang kaibigan at nakitang nagluluto ito. Kusang naglakad ang kanyang mga paa at niyakap ito mula sa likod at isinandal ang ulo niya sa likod nito.

Nagulat naman si Abby nang may maramdamang may yumakap sa kaniya mula sa likod. Magsasalita sana siya ng bigla nalang isinandal ni Luigi ang ulo nito sa likod niya. Imbis na magsalita ay pinili niya na lang manahimik. Hinawakan niya nalang ang kamay nitong nakayakap sa kaniya. Ramdam na ramdam niya ang sakit na pinagdadaan nito ngayon.

‘Wag na ‘wag talagang magpapakita sa kanya yang bruha at malanding Anne na yan at sigurado siyang masasampal at masasabunutan niya ito sa sobrang inis! Kawawa naman ang kaibigan.

Hindi na muna pumasok sa trabaho si Abby at nag-leave ng ilang araw. Pinayagan naman siya ng boss niya dahil minsan lang naman daw ito humingi ng leave. Sinamahan na muna ni Abby si Luigi sa unit nito. Alam niya na kailangang-kailangan siya ng kaibigan kaya naman pinili niyang manatili at samahan na muna ito.

Sinubukan niyang ibalik ang sigla ng kaibigan. Nanood nila ng mga paborito nilang mga palabas. Pinagluto niya rin ito ng mga paborito nilang mga putahe. Lumabas din sila para mamasyal at kumain.

Mukha namang gumagana ang mga pamamaraan ni Abby dahil unti-unti nang bumabalik si Luigi sa dati. Nagsimula na din itong pumasok ulit sa trabaho. Masaya rin si Abby sa mga nakaraang araw na magkasama sila. Sobrang namiss niya pala si Luigi. Hindi na kasi sila masyadong nagkakasama dahil pareho silang busy sa kaniya-kaniyang buhay.

“Cheers!” itinaas ni Luigi ang bote ng isang beer sa ere. “Cheers,” gaya naman ni Abby sa kaibigan.

Babalik na kasi si Abby sa sariling unit kinabukasan. Kailangan niya na ring pumasok sa trabaho dahil tambak na rin ang trabaho niya. Masyado niya nang naabuso ang leave niya. Kaya naman naisipan nilang uminom sa huling gabi niya kasama ang kaibigan. Bukas babalik na naman sila sa kaniya-kaniyang buhay nila.

“Oo nga, naalala mo rin ba nun ng napagalitan tayo ng teacher natin kasi nahuli niya tayong nilalagyan ng palaka yung bag niya?” halos hindi na makahinga si Abby kakatawa.

“Oo nga! Grabe ang pula ng mukha niya nun! Mukha siyang letchon!” tawa nang tawa lang silang dalawa habang inaalala ang mga kalokohan nila mula pagkabata. May tama na rin silang dalawa.

“Parati pa namang sinasabi nun na pag maging estudyante niya raw yung magiging anak natin ay magreresign na lang daw siya sa trabaho,” natawa ng mahina si Abby ng maalala niya ang maladas sabihin ng guro nilang madalas nilang pagtripan.

“Oo nga ‘no, bakit kasi hindi nalang tayong dalawa ‘no?” medyo nabigla si Abby sa sinabi ni Luigi kaya napatingin siya rito. “Anong sabi mo?’ Natatawa niyang tanong sa kaibigan.

“Sabi ko, bakit kaya hindi na lang tayong dalawa?” ulit ni Luigi sa sinabi niya habang nakatitig sa mata ng dalaga. Bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ni Abby. Dahan-dahang lumapit ang mukha ni Luigi sa kaniya kaya bigla na lang niyang naipikit ang kaniyang mga mata. Naramdaman niya naman ang malambot nitong labi na labi niya.

Agad ding natapos ang matamis na halik kaya dahan-dahang iminulat ni Abby ang kaniyang mga mata. Nakatitig sa kaniya si Luigi nang may matamis na ngiti sa labi nito. Hinaplos nito ang kaniyang pisngi.

“I love you,” puno ng emosyong saad ni Luigi kay Abby. Biglang tumulo ang luha sa mga mata ni Abby. Hindi niya magawang magsalita dahil sa emosyong nararamdaman. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari.

“Pasensiya na pero hindi ko na kayang itago pa. Sinubukan ko naman eh. Sinubukan kong pigilan ang nararamdaman ko sayo dahil alam kong hanggang matalik na kaibigan lang talaga ako sa’yo. Na kailanman ay hindi na hihigit pa ‘yun doon. Pero nitong mga nakaraang araw, hindi ko alam pero bigla akong nagkaroon ng pag-asa. Pag-asa na baka mahal mo rin ako gaya ng pagmamahal na nararamdaman ko sa’yo,” hinawakan ni Luigi ang kamay ng dalaga.

“Mahal mo rin ba ako? Pwede bang tayo na lang?” puno ng pagsusumamong tanong niya sa dalaga. Nagulat si Luigi ng bigla na lang siyang niyakap nang mahigpit ng dalaga.

“Nakakainis ka! Bakit ngayon mo lang sinabi? Ang tagal ko nang naghihintay sa’yo,” umiiyak na pag-amin ni Abby sa matagal niya nang lihim.

“Mahal din kita,” hindi makapaniwala si Luigi sa kaniyang narinig. “Ano? Anong sabi mo?” tanong niya sa talaga habang nakatingin sa mga mata nito.

“Ang bingi talaga nito,” pabulong na asik nito kaya naman natawa si Luigi. Hinawakan niya ang mukha ng dalaga at siniil ito ng halik. Halik na punong-puno ng pagmamahal.

“Sabi ko na nga ba, sa hinaba-haba man daw ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy,” saad ng ina ni Abby habang nakatingin sa anak na kasalukuyang naglalakad pagpuntang altar. Napakaganda nito sa suot na puting bestidang pangkasal. Napatingin din siya kay Luigi, halos mapunit na ang labi nito sa laki ng ngiti at hindi maalis ang tingin sa babaeng mapapangasawa. Punong-puno ng pagmamahal ang mga mata nito.

More Stories