
Pariwara na Nga Raw ang Buhay ng Babaeng Ito; Isang Pangyayari ang Magpapatino sa Kaniya
Ilaw na kulay asul at pula, humahalimuyak na amoy ng alak na sari-sari, mga taong naggigitgitan, hindi pawis, hindi pagod, kundi nagsasayawan at nagkakantahan sa gitna ng isang disco club. Sa tuwing gabi ng biyernes at sabado, dito makikita ang babaeng si Tiana na dalawampu’t isang taong gulang.
Pagsikat ng araw, kahit pa masakit ang ulo dahil sa labis na pag-inom kagabi, pilit na bumabangon si Tiana upang habulin ang bus na patungong Maynila. Kailangan niya kasi na maagang makaalis ng kaniyang inuupahang kwarto nang sa gayon ay maabutan niya ang oras ng shift bilang isang call center agent.
Isang taon na rin siyang humiwalay sa mga magulang na walang ibang ginawa kundi ang mag-away sa harapan niya dahil sa pambababae ng kaniyang ama. Galit din siya sa ina dahil kahit na anong sakit na naidulot ng ama niya rito, patuloy pa rin ito sa pagpapatawad. Hindi lang talaga niya lubos maisip ang katuwiran ng ina. Kung kaya, minabuti na lamang niya na lumayo at magpakasaya sa buhay.
Dumaan ang bawat araw ng isang linggo. Gigising, kakain, papasok sa trabaho, uuwi, maliligo, kakain, matutulog. Paulit-ulit na routine ng dalaga sa kaniyang pang araw araw na buhay. Sa totoo lamang, sawa na rin talaga siyang mabuhay. Kung minsan nga’y dalangin niyang isang umaga ay hindi na siya dumilat pa.
At dumating na nga ang araw ng Biyernes. Nagmamadali na naman ang dalaga upang isuot ang bagong pitit na palda at blusa na kaniyang nabili online. Lagay ng postura, mga palamuti at hindi mawawala ang kaniyang mamahaling pabango upang mang-akit ng mga kalalakihan!
“Hi! Kumusta?! Hi there!” Kaliwa’t kanang bati ni Tiana sa mga nakikitang tao sa loob ng disco club. Habang patuloy na gumegewang ang kaniyang katawan sa ugong ng musika, patuloy din ang pag inom niya ng alak sa hawak hawak na baso. Ito ang buhay para sa kaniya! Ito ang kasiyahan para sa kaniya..
Hanggang sa may lumapit na lalaki at humawak sa kaniyang baywang. Sinabayan siya sa pagsayaw at nakasama niya ito nang buong gabi. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata kinaumagahan, wala siyang saplot at nakahiga siya sa isang hotel. Ngunit hindi na iyon bago sa kaniya.
Matapos niyang makapahinga nang kaunti, mabilis siyang nagbihis upang umuwi at kumain. Maghahanda pa siya para sa kaniyang gimik mamayang gabi. Darating ang mga kaibigan niya kung kaya naman ay sabik siya sa mangyayari nang gabing iyon.
Habang paalis na ng kaniyang apartment, nakita niyang maraming mensahe at tawag ang kaniyang kapatid sa kaniya. Subalit hindi man lang siya nag-aksaya ng kahit na isang minuto upang tingnan ang mga iyon. Minabuti niyang i-off ang cellphone niya upang maging mas masaya ang gabi.
Dumaan ang buong gabi ng puro tawanan, kantahan, kwentuhan, sayawan, at inuman na naman ang kaharap ni Tiana. Muli na naman siyang nagising ng walang saplot na mag-isa sa kwarto ng isang hotel. Nagpalipas ng sakit ng ulo at muling binuksan ang cellphone.
Sunod-sunod ang tunog ng kaniyang cellphone pagkabukas pa lamang nito. Isang mensahe ang bumulaga sa kaniya nang mabasa ang huling mensahe ng kaniyang kapatid.
“Ate, si mama wala na…” mensaheng nagpabagsak ng mundo ni Tiana. Pumanaw na ang kaniyang ina dahil inatake ito sa puso.
Kumabog ang kaniyang dibdib at nagmadaling umuwi sa kanilang bahay. Nadatnan niya roon ang kapatid na namamaga ang mata sa kakaiyak pati na ang kaniyang ama. Nanlumo siya at natabunan na ng kalungkutan ang galit niya sa ama. Niyakap niya ito sa muling pagkakataon at humingi ng tawad. Sising-sisi ang dalaga na hindi man lang sila nagkaayos ng ina bago ito pumanaw.
Makalipas ang libing, ilang buwan lamang ay pilit na bumabangon si Tiana pati na ang kaniyang ama’t kapatid. Sama sama na silang muli sa kanilang bahay at namumuhay bilang isang pamilya. Ayaw na ng dalaga na mayroon pa siyang pagsisihan pa. Kaya minabuti na lamang niyang patawarin na ang ama at magsimulang muli.
Tatlong buwan ang nakakalipas, isang balita ang muling nagpalugmok sa dalaga. Naduduwal kasi siya at palaging nahihilo. Doon niya napag-alamang nagdadalang-tao siya. Itinago niya ito sa ama dahil sa takot na magalit ito at itaboy siya sa kadahilanang hindi niya kilala kung sino ang ama nito.
Maraming mga pumasok sa isip ni Tiana. Kung itutuloy ba o ipapalaglag ang bata sa kaniyang sinapupunan. Hindi niya alam kung anong gagawin hanggang sa isang gabi, habang siya ay umiiyak, kumatok sa kaniyang pintuan ang ama.
Hawak nito sa kaniyang kamay ang balat ng pregnancy test na nakuha niya sa may banyo nila. Tumingin ito ng diretso sa kaniyang anak na hindi naman napigilang umiyak. Niyakap siya ng ama habang patuloy ang paghagulgol na parang bata.
“Sorry, pa.. Sorry…” patuloy na banggit ni Tiana.
“Kaya mo ‘yan, ‘nak. Ikaw pa ba? Kaya mo ‘yan! Kaya natin ‘to…” pag-aalo ng kaniyang ama.
Simula noon, hindi na muling nangamba sa Tiana na ipagpatuloy ang hamon ng buhay dahil kasama niya ang kaniyang kapatid, ama, at magiging anak. Sa isang masalimuot na pangyayari, nagkaroon sa wakas ng direksiyon ang buhay ni Tiana.