Nagpasiyang Magbalikan ang Mag-asawang Ito Matapos Magloko si Mister; Muli Kaya Nilang Masimulan ang Sinumpaang Pangako sa Altar?

Nagpasiyang Magbalikan ang Mag-asawang Ito Matapos Magloko si Mister; Muli Kaya Nilang Masimulan ang Sinumpaang Pangako sa Altar?

HeartbreakingLoveStories

“Hinding-hindi na ako kailanman gagawa ng kahit anong ikasasama ng loob niya.. Pangako…”

Matapos kasi nilang ikasal ni Mabel, isang taon lamang ay naghiwalay na rin kaagad ang mag-asawa dahil parati na lamang nahuhuli itong may ibang babae. Subalit matapos ang dalawang taon, muli siyang nagbalik at humingi ng tawad sa asawa. At sa wakas ay pinatawad din siya nito at babalik na siyang muli sa kanilang bahay.

Punong-puno ulit siya ng mga pangarap para sa kanilang dalawa at isa na roon ay ang magkaroon ng trabaho, mga anak, at mamuhay ng payapa bilang isang buong pamilya. Nang marating ang kanilang bahay, isang mainit na yakap ang bumungad sa kaniya mula sa misis. Labis niya itong kinasabikan sa dalawang taon na hindi sila magkasama. At ngayong may pagkakataon siyang muli, hinding-hindi na niya ito kailanman sasayangin pa.

Naging masaya ang unang linggo ng mag-asawa. Mayroong trabaho si Mabel subalit naghahanap pa rin ng magandang trabaho si Lorence. Kaya naman, siya ang naiiwan sa bahay. Masaya, simple, at kahit na siya ang gumagawa ng gawaing bahay, alam niyang malapit na siyang makakuha ng trabaho.

Dumaan pa ang ilang buwan. Tulad ng isang normal na mag-asawa, may mga kaunting away subalit gumagawa kaagad ng paraan si Lorence upang hindi na humaba pa ang alitan nilang mag-asawa. Pilit na hinahabaan ni Lorence ang kaniyang pasensiya lalo na sa tuwing uuwi si Mabel galing opisina na galit at iritado.

Isang tanghali, habang naglalaba, nakatanggap si Lorence ng mensahe mula sa kaniyang boss noon. Interesado raw ulit iyong kuhain siya at magtrabaho sa kanilang kompanya. Laking tuwa itong tinanggap ni Lorence at mabilis na naghanda upang sorpresahin ang asawa sa balitang natanggap.

“Sa wakas, makakapagpahinga na rin si Mabel dito sa bahay at hindi na siya mapapagod sa opisina. Ako na ang bubuhay sa kaniya pati sa magiging anak namin!”

Nang gabing iyon, abala na naghanda si Lorence ng masarap na steak na inorder pa niya sa isang mamahaling kainan. Naghanda siya ng lamesa na parang isang romantikong hapunan ng mga magkasintahan sa mga eksena. May bulaklak, kandila, at mantel na kulay pula’t puti. May mga lobo din upang makadagdag bilang disenyo.

Subalit, alas dose na nang umuwi ang kaniyang asawa. Inihatid ito ng kaniyang kaibigan, lasing na lasing dahil nagkaroon daw sila ng hapunan bilang pagdiriwang sa pagiging isang manager ni Mabel. Agad niyang nilinisan ang asawa at inihatid sa kwarto. May lungkot sa kaniyang mukha, ngunit sarili niya pa rin ang kaniyang sinisi dahil hindi nga naman siya nagsabi sa asawang may inihanda siyang espesiyal na hapunan para sa kanilang dalawa. Bumaba siya agad upang kumain mag-isa dahil masisira ang steak na niluto niya. Lumamig na ang pagkain, mauubos na ang kandila, at lanta na ang mga bulaklak. Agad niyang nilinis ang mga ito at tumabi na sa asawa.

Kinaumagahan, nagluto siya ng masarap na pagkain para sa asawa. Balak niya sanang sabihin ang magandang balita sa kanilang umagahan subalit simangot si Mabel nang ito’y gumising. Lumabas ito ng kwarto na bihis na at nakasigaw pa kay Lorence.

“Naku! Anong oras na oh? Tingin mo ba makakakain pa ako nito? Wala man lang konsiderasyon talaga tong tao na ‘to! Hay! Buhay!” paninigaw nito sa asawa.

Naiwan si Lorence na bigo at lugmok. Iniisip niya kung gaano na kataas ang asawa niya. Samantalang siya, mag-uumpisa pa lamang muli. Patuloy na bumaba lalo ang pagtingin ni Lorence sa kaniyang sarili. Dito niya naramdaman na malabong mangyari ang kaniyang pinaplano dahil talunan siya kung ikukumpara sa kaniyang misis.

Ilang araw rin ang lumipas. Abala ang mag-asawa sa kani-kanilang mga ganap sa buhay. Pakiramdam tuloy ni Lorence ay nagkaroon lamang siya ng kasama sa bahay ngunit hindi sa kaniyang buhay. Pilit niyang inayos pa rin ang mga papeles at noong araw na siya ay natanggap, inamin na niya ito sa asawa habang sila ay naghahapunan.

“Bel, mahal… Ahh.. Eh, may work na nga pala ako!” nakangiti niyang balita sa asawa. Kumunot ang noo nito at nagsalubong dalawang kilay habang hawak nito ang kaniyang cellphone.

“Ha? Anong work na naman? Huwag mo sabihing doon na naman sa bulok na kumpanya niyo noon ah? Naku talaga lang,” pagmamayabang nito kay Lorence.

“Hindi naman. Grabe ka naman sa bulok. Maayos ang offer na sahod nila sa akin ngayon. Pwede ka nang tumigil sa work mo para hindi ka na napapagod, dito ka na lang sa…” pagpapatuloy sana ni Lorence ngunit bigla na lamang sumabat sa kaniyang sinasabi ang misis.

“Anong titigil? Naririnig mo ba ‘yang sinasabi mo? Bakit, gaano ba kalaki iyang sasahurin mo? Baka kahit pagkain pa lang natin hindi na kasya ‘yan! Huwag ka ngang mayabang diyan. Mas okay nga kung dito ka na lang sa bahay eh. Maglaba ka, magluto, maglinis hindi yung kung saan-saan ka nagpupunta!” sabat naman ni Mabel sa asawa habang patuloy sa kaniyang paggamit ng cellphone.

Hindi umimik si Lorence sa sinabing iyon ni Mabel. Napaisip na lamang siya, kung ito pa rin pa ang taong pinangakuan niya sa harap ng altar, tatlong taon na ang nakakalipas. Minabuti niyang manahimik ngunit sa loob-loob ng lalaki, sobrang sakit ng sinabing iyon ng misis.

Kinaumagahan, nang tingnan ni Mabel ang oras, ay sobrang huli na siya sa trabaho. Muli siyang nairita dahil hindi na naman siya ginising ng ta*nga niyang asawa, aniya. Nagbihis siya, nag-ayos at nagtungo sa trabaho nang hindi makita ang asawa sa kusina. Wala na rin siyang oras para magbunganga pa.

Dahil naumpisahan ng malansang gising, sinisisi ni Mabel bakit hindi maganda ang araw niya. Lahat na lamang daw ay puro kamalasan. Kaya naman, nang siya’y umuwi, bubwelta sana siya ng pagbubunganga sa asawa subalit isang sulat ang kaniyang natagpuan sa lamesang puno ng bulaklak.

“Baka nga hindi na tayo dapat pa nagbalikan… Masyado nang mataas ang tingin ko sa’yo. Hindi na ikaw ang babaeng kaya kong sabayan at bigyan ng simpleng pamumuhay… Patawad sa lahat ng kapalpakan ko, Mabel. Mag-iingat ka palagi, mahal ko… Paalam…”

At iyon na nga ang huling mensahe na natanggap ni Mabel mula kay Lorence. Inisip niya ang pakikitungo niya sa kaniyang mister at nagsisisi sa kaniyang naging asal. Subalit huli na ang lahat. Dahil wala nang isa pang pagkakataon para maitamang muli ang mga pagkakamali.

Napagtanto rin ni Mabel na hindi pa siya labis na nakapagpapatawad kaya naman naging ganoon ang pakikisama niya sa lalaki. Naisip niya, siguro nga’y hindi lahat ng pinagtatagpo ng tadhana ay nakalaan para sa isa’t-isa. Magkahiwalay na nilang sisimulan ang panibagong yugto ng kanilang mga buhay.

More Stories