Nakapagpalagayan ng Loob ang Guro at Estudyanteng Ito; Mapigilan nga Kaya ng Sinumpaang Tungkulin ang Kanilang Pagmamahalan?

“Etoo naaa! Pasado? Pasado? Maaaa! Pasado akoo!” masayang hiyaw ng dalagang si Andeng matapos niyang makita ang post ng isang sikat na eskwelahan. Bukod kasi sa magandang pasilidad nito ay nangunguna ito sa buong bansa pagdating sa akademiko. Masayang ibinalita ng dalaga ang kaniyang matagumpay na pagpasok sa pagsusulit ng paaralan na iyon.

Hindi man ganoon kayaman, mapagmahal ang pamilya ni Andeng. Suportado siya ng kaniyang mapagmahal na ama’t ina. Matalino kasi siya ngunit hindi gaanong kagandahan at kakinisan. Subalit hindi naman lahat ng bida ay maganda at makinis, dahil ang iba, ay matalino o may kaya lamang sa buhay.

Dumating na ang araw na hihiwalay na si Andeng sa kaniyang mga magulang upang tumira sa isang dormitoryo. Mas makakatipid kasi siya dahil medyo may kalayuan ang eskwelahan sa kanilang bahay. Pilit namang ikinakayod iyon ng ama’t ina niyang abala sa pagtitinda ng mga gamit pambahay.

Unang araw pa lamang ay nakakitaan na ni Andeng na magtatagumpay siya sa eskwelahan na iyon. Dalangin niya ang payak at simpleng pamumuhay bilang isang normal na estudyante. Subalit isang tagpo pala ang magpapabago ng takbo ng direksyon ng kaniyang buhay bilang isang kolehiyala.

Lumipas ang ilang buwan at nagagamay na rin ni Andeng ang pagiging malayo sa pamilya. Sa tuwing may pagkakataon ay umuuwi siya sa bahay kung walang mga takdang aralin kapag sabado’t linggo. Ngunit dahil nalalapit na ang pagsusulit, napagpasiyahan ni Andeng na pumasyal sa museo ng kanilang paaralan.

Sa likod nito, naisip niyang magpahangin at kumuha ng ilang mga litrato. Hanggang sa nakita na lamang niya ang sariling nakatitig habang kinukuhanan ang kaaya-ayang nilalang na nasa harapan niya.

“Ehem!” biglang ubo ng lalaking nakaupo habang pinapakain ang dalawang pusa na naroon din.

Doon naman biglang bumalik sa kaniyang katinuan si Andeng at itinuon ang pokus ng kamera sa mga pusa. Ngayon lamang siya nakaramdam ng ganoong klaseng hiya. Hindi siya makapaniwalang tinitigan niya iyon ng halos ilang minuto rin at kinuhanan pa talaga ito ng litrato.

Advertisement

Inipon niya ang lahat ng lakas ng loob na makukuha niya at nagbigay ng isa sa mga pinakapilit na ngiti na naibigay niya sa buong buhay niya. Papikit-pikit pa ang dalawa niyang mga mata dahil hindi niya halos matingnan ng diretso ang lalaki.

“Andeng!” sigaw niya habang iniaabot ang kamay sa lalaking nakatingin lamang sa kaniya. Nang tingnan niya ang mukha ng lalaki, lalo siyang nakaramdam ng hiya at kumaripas ng takbo pauwi ng kaniyang dorm.

Buong gabi ay ang eksenang ito ang nasa isip ng dalaga. Hindi niya maiwasang huwag tumingin sa litrato ng napakaamong mukha ng lalaki habang pinapakain ang mga pusa. ‘Di siya makapaniwalang nangyayari iyon sa kaniya. Para bang isang eksena sa buhay ng mga bida sa isang telenobela, ‘ika nga niya. Ngunit sa laki nga naman ng kanilang campus, Malabo atang magtagpo silang muli.

Simula noon, palaging nagpupunta ng parehong lugar si Andeng, umaasang muli niyang masulyapan ang mukha ng lalaking hindi man lang niya alam ang pangalan. Ngunit bigo siyang makitang muli ang misteryosong lalaki na marahil ay nagpapatibok na ng kaniyang puso.

Dumaan ang dalawang buong taon na halos malimutan na ni Andeng ang kanilang pagtatagpo. Maayos ang mga grado ng dalaga at tuwang tuwa naman ang kaniyang mga magulang dahil dito. Subalit isang pagsubok ang kanilang pinagdaanan dahil nagkasakit sa bato ang kaniyang ama. Pinilit niya ang ina na magtrabaho muna siya subalit hindi iyon pumayag. Kaya naman, ang tanging pokus lamang ni Andeng ay ang makapagtapos. Wala nang iba.

Sa kaniyang ikatlong taon, ang Andeng na inosente at masayahin noong unang taon, ay seryoso na at doble kayod din sa tuwing may libreng oras siya. Humahanap siya ng mga raket kahit na tagahugas ng pinggan sa mga kainan doon ay pinapatos na niya. Nakakatulong din naman kasi dahil libre ang pagkain niya.

Sa unang araw, biglang gumulat sa kaniya nang pumasok ang lalaking matagal na niyang inaasam na masulyapan muli. Kumabog ang kaniyang damdamin lalo na nang malaman niyang isa pala iyong guro sa paaralan na iyon.

“Tulad pa rin siya ng nakaraan… Napakaamo ng mukha, ang lumanay ng boses… Grabe!” isip-isip ng dalaga habang naglalakad papunta sa kaniyang raket na restaurant.

Advertisement

Nang marating niya iyon, muli na namang bumulaga sa kaniyang harapan nang makita na anak ng may-ari ang lalaking guro na si Jayson. Hindi naman siya pinangunahan ng hiya at nagpakatotoo sa kaniyang sarili. Ayaw niyang intindihin ang nararamdaman dahil isa lang naman ang nais niyang makamit, ang makatapos ng pag-aaral nang matiwasay.

Lumipas pa ang ilang mga araw, mas lalong lumiit ang mundo ng dalawa. Subalit mas lalo rin naging mahirap ang hamon sa buhay ni Andeng at ng pamilya nang pumanaw na nga ang kaniyang ama. Lugmok sa kalungkutan ang dalaga dahil hindi man lang niya nasuklian ang paghihirap sa kaniya ng ama.

Lingid sa kaniyang kaalaman ang kaunting sulyap din sa kaniya ng guro. Isang hapon, habang nakaupo si Andeng sa likod ng museo, kung saan una silang nagkakilala, hindi niya mapigilan ang umiyak. Isang malumanay na tapik ang kaniyang natanggap mula sa lalaking hindi niya inaasahan, si Jayson.

Ikinuwento ni Andeng ang buong pangyayari sa lalaki. Hindi na niya pinansin pa ang katayuan nito at inilabas na lahat ng sama ng loob niya sa guro na tahimik namang nakikinig sa mga bwelta ng dalaga. Inabot sila ng magdidilim na at dumating sa punto na puro masasayang pangyayari na lamang ang kanilang napag-uusapan. Dito nagpasiya ang dalawa na maging magkaibigan kung nasa labas ng paaralan.

Lumipas ang ilang buwan na lagi nang nagkikita at nag-uusap ang dalawa. Hanggang sa inamin na nila ang kanilang nararamdaman sa isa’t isa. Unti-unting nakalimot si Andeng ng mga sakit na dulot ng pagpanaw ng kaniyang ama. Subalit isang umaga, bumulaga ang balita sa buong campus na sinisiraan ang pagkatao ni Andeng dahil nakikipagrelasyon umano ito sa kaniyang guro!

Hindi kaya ng dalaga ang pangyayari at minabuti muna na ipagpaliban ng ilang araw ang klase. Umuwi siya sa kanila at kumayod kasama ng ina. Hanggang sa isang gabi, habang nag-uusap sila ng ina, bigla na lamang humagulgol ng iyak si Andeng. Wala man siyang ikinukwento sa ina, isang mainit na yakap naman ang nagbigay ng kapayapaan sa kaniyang isip at damdamin.

Simula noon, hindi na muling nakita ni Andeng si Jayson sa paaralan. Umalis na raw ito doon dahil sa pumutok na isyu nilang dalawa. Hindi na siya nakarinig ng kahit ano sa binata. Subalit nagpakatatag siya’t umabot ng huling taon sa kolehiyo.

Sa araw ng kaniyang pagtatapos, mangiyakngiyak niyang inakap ang ina. Bigla na lamang nakita niya sa ‘di kalayuan… si Jayson. May dalang bulaklak at nakangiti nang tuwid sa kaniya. Alam niya ng mga oras na iyon na hindi dito nagtatapos ang lahat, kundi isa lamang simula ng panibagong kabanata ng kaniyang buhay.

Advertisement

Tunay ngang marunong maghintay ang taong tunay na umiibig.