Patuloy na Pinaikot ng Babae ang Seaman Para Makahingi ng Sustento; Matinding Bawi ang Ginawa ng Lalaki nang Malaman Niya ang Katotohanan

Bata pa lamang si Ysabel ay wala na siyang pinangarap kung hindi magkaroon ng masaganang buhay. Laki kasi siya sa hirap at matindi ang inggit na kaniyang nararamdaman sa mga ka-edad na madaling nakukuha ang kanilang mga gusto.

Hindi na nakapagtapos ng pag-aaral ang dalaga dahil sa katayuan nila sa buhay. Kung anu-ano na ring trabaho ang kaniyang pinasok ngunit ni sa hinagap ay hindi pa rin umaangat ang antas ng kanilang pamumuhay.

“Mas madali sana kung makakapangasawa na lamang ako ng mayaman. Matatapos na ang lahat ng nararanasan kong paghihirap,” saad ni Ysabel sa kaniyang sarili.

Kaya nang makilala ni Ysabel si James ay nakakita siya ng isang malaking oportunidad. Isang seaman kasi ang binata. Hind man niya gusto si James sapagkat hindi ito ka-gwapuhan ay alam niyang maibibigay nito ang lahat ng kaniyang pangangailangan. Kung ito ang kaniyang mapapangasawa ay mahihiga siya sa salapi. Ngunit kailangan lamang niyang indahin na makisama rito. 

Pilit niyang inakit ang binata. Madali rin namang nahulog si James kay Ysabel dahil sa kagandahan nito at malambing na pakikitungo sa kaniya.

“James, may inuman ang barkada. Baka gusto mong sumama sa amin,” paanyaya ni Ysabel sa binata. Agad naman itong pinaunlakan ni James.

Nang gabing iyon ay walang mapagsidlan ang kaligayahan ni James sapagkat sinagot na siya ni Ysabel. Naparami ang kaniyang inom. Kinaumagahan ay nagulat na lamang siya nang magising siya sa isang silid. Katabi niya sa kama ang hubad na katawan ng dalaga.

“Sobra akong nalasing kagabi, Ysabel. Patawarin mo ako sa kung ano man ang nagawa ko sa iyo,” sambit ni James. “H’wag kang mag-alala, pananagutan ko kung ano man ang magiging resulta nito. Mahal na mahal kita, Ysabel,” dagdag pa ng binata.

Advertisement

Doon na napagtanto ni Ysabel na tuluyan na niyang hawak sa leeg ang binata.

“Ysabel, kailangan ko na ulit sumampa ng barko. Balitaan mo ako sa kung ano ang magiging resulta. Tandaan mo na handa akong panagutan ang lahat,” wika ni James.

“Mas magiging masaya ako kung magkakaroon na nga tayo ng anak. Matagal ko na rin kasing gustong magkaroon ng sariling pamilya,” sambit pa nito.

Ngunit ang katotohanan ay wala talagang nangayari sa pagitan nilang dalawa. Isa pa ay hindi pa talaga kaya ni Ysabel ang maging isang ina dahil hindi pa ito tapos sa kaniyang pagkadalaga. Nais niyang mabuhay muna sa luho bago lumagay sa tahimik. 

Sa pagnanais niyang mapaikot sa kamay ang binata at patuloy ang pagdadala nito ng sustento ay sinabi niya na siya ay buntis at ang binata ang ama. Lubusan ang saya ni James. Nagpatuloy ang pagpapanggap ng dalaga at patuloy din ang pagpapadala ni James ng pera para sa kanilang pangangailangan. Ginawa ni Ysabel ang lahat ng paraan upang hindi siya mahalata ng lalaki.

“Ilang buwan na lamang ay makakauwi na ako, Ysabel. Makakasama ko na kayo ng anak natin,” saad ng binata.

Kinabahan si Ysabel sapagkat ayaw niyang mabuko na hindi talaga siya nagbuntis. Kaya ang ginawa niya ay hiniram niya ang sanggol ng kanilang kapitbahay sa pangako na ibabalik niya ito makalipas ng isang linggo at saka niya ito babayaran. Dahil sa hirap ng buhay ay pumayag na rin ang magulang ng sanggol. 

Nagtungo sila sa probinsya at doon niya pinapunta si James. Walang mapaglagyan ang kaligayan ng binata sapagkat nakita na niya ang bunga nang kanilang pagmamahalan ni Ysabel kahit na wala siyang maalala sa lahat ng naganap.

Advertisement

“Tutal may anak naman na tayo, magpakasal na tayo, Ysabel,” wika ni James.

Ngunit hindi talaga masikmura ni Ysabel na makisama kay James. Tanging ang pera lamang nito kasi ang habol ng dalaga.

Hindi akalain ni Ysabel na hindi lamang pala isang linggo ang ilalagi ni James. Balak na nitong tumigil na sa pagsampa sa barko at magnegosyo na lamang kasama ang kaniyang tinuturing na mag-ina. Lubusan itong ikinagulat ni Ysabel.

Dahil nga may usapan sila ng kaniyang kapitbahay ay hindi niya alam kung paano ang gagawin upang maibalik ang bata. Sa kabilang banda naman ay lubusan na ang pag-aalala ng mga magulang ng sanggol dahil hindi pa rin ito ibinabalik ni Ysabel.

Napansin si James ang mga kakaibang kinikilos ng dalaga. Nararamdaman niyang may tinatago ito sa kaniya ngunit tuwing tatanungin ay pilit itong tumatanggi.

“Kailangan na namin talagang lumuwas pa-Maynila ni baby, James. Babalik na lamang kami dito. Kailangan ko kasing samahan ang nanay ko,” pagpapaalam ni Ysabel.

“Sige, sasama ako,” pagpupumilit ni James. “Hindi ko hahayaan na kayo lang ang ba-biyahe ng anak natin. Gusto ko na rin sila makilala. Saka mas mainam na kasama mo ako,” pilit ng binata. 

Todo pag-iwas si Ysabel. Maraming dahilan siyang sinasabi sa binata hanggang sa bigla na lamang may kumatok sa pintuan ng kanilang tinutuluyan. Nagulat si James nang pagbukas niya ng pinto ay mga pulis na ang kaniyang kaharap.

Advertisement

“A-anong ibig sabihin nito?” pagtataka ni James. “Anong kailangan ninyo sa amin?”

“Hinahanap po namin si Ysabel. Hiniram po niya ang anak ng kanilang kapitbahay upang ipasyal daw ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ibinabalik. Maaari na po siyang sampahan ng kidnapping,” paliwanag ng pulis.

Agad na lumapit ang mga magulang ng sanggol sa kanilang anak at niyakap ito.

“Bitawan ninyo ang anak ko!” sambit ni James. 

“A-anong anak mo? Anak namin ang batang ito. Hiniram lang siya ni Ysabel sa amin!” sambit ng tunay na magulang ng bata.

Gulung-gulo na si James sa pangyayari. Doon ay inamin na ni Ysabel ang lahat.

“Hindi natin talaga anak ang batang iyan, James. Tama sila, kanilang anak ‘yan,” pag-amin ng dalaga.

“Niloko mo ako! Paano mo nagawa sa akin ang ganitong bagay, Ysabel? Naging tapat ako sa’yo at lahat ng gusto mo ay ibinibigay ko!” sambit ng binata. 

Advertisement

Hindi akalain ni James na nangyayari ang lahat ng ito sa kanila. Lubusan din niyang ikinalungkot ang sinabi ni Ysabel na hindi talaga siya mahal nito at tanging ang pera lamang ang habol niya sa binata. Lalo pa siyang nagalit nang malamang wala talagang nangayari sa pagitan nilang dalawa. Ito ang sagot sa lahat ng kakaibang ikinikilos ng dalaga.

Dahil sa galit ay nakalimutan ni James ang pagmamahal niya sa dalaga. Kahit anong pagmamaakaawa ni Ysabel ay tila walang naririnig ang binata.

“Sige na po, mamang pulis, isama niyo na po ang babaeng iyan! Maging ako ay magsasampa rin ng kaso sa panlolokong ginawa niya!” masakit man kay James dahil tunay niyang minahal ang dalaga ay ito na lamang ang kaniyang nasabi.

Matinding pagsisisi ang naramdaman ni Ysabel. Hindi rin niya lubos akalain na magagawa niya ang lahat ng ito dahil lamang sa paghahangad niya ng maginhawang buhay. Ngunit kahit anong nais niyang magbago ay tila huli na ang lahat sapagkat pagkasuklam na lamang ang nararamdaman para sa kaniya ni James.