Inday TrendingInday Trending
Matinding Problema ang Kinakaharap ng Ginoo Dahil sa Paglubog ng Kaniyang Kumpanya; Isang Tseke Mula sa Matanda Pala ang Tatapos Nito

Matinding Problema ang Kinakaharap ng Ginoo Dahil sa Paglubog ng Kaniyang Kumpanya; Isang Tseke Mula sa Matanda Pala ang Tatapos Nito

Hindi na alam ni William ang gagawin sapagkat nakikita na niyang gumuguho sa kaniyang harapan ang kumpanyang kaniyang pinaghirapan. Naloko kasi siya ng isang investor at doon na nagsimulang malugi ang kaniyang kumpanya.

Alam niyang nakasalalay sa kaniya ang buhay ng marami niyang manggagawa ngunit ano ang magagawa niya — maging siya ay hindi na rin alam kung saan kukuha ng ipangbubuno sa lahat ng pagkakautang ng kaniyang negosyo.

Dahil nagugulumihanan ay agad siyang nagmaneho ng hindi alam kung saan siya tutungo. Napatitig siya sa isang parke na punumpuno ng tao. Lahat nang narito ay masayang inaaliw ang kanilang mga sarili kasama ang kanilang minamahal o hindi naman kaya’y pamilya.

“Nakakainggit. Parang wala silang iniindang problema,” sambit ni William sa kaniyang sarili.

Agad niyang ipinarada ang kaniyang sasakyan at saka naglakad patungo sa nasabing parke. Nang makakita siya ng isang upuan ay agad siyang nagpahinga doon habang nakatitig sa mga taong nasa parke.

“Ano ba ang kailangan kong gawin? Saang kamay ng Diyos ako kukuha ng ganoong kalaking pera para maisalba ang kumpanya? Tuluyan ko na lang kaya itong isara at tanggapin ko na lamang ang pagkalugi nito? Pero paano ang mga tauhan ko?” sunod-sunod na tanong ni William sa sarili.

Lubusan na siyang nagugulumihanan hanggang isang matandang lalaki ang bigla na lamang nagsalita sa kaniyang tabi.

“Alam ko malaki ang problema mo,” sambit ng matanda.

“Kung ano man ang pinagdadaanan mo ngayon ay alam kong malalampasan mo iyan,” dagdag pa nito.

“Sana nga po ay ganoon lang ito kadali. Pero alam niyo ba ang pakiramdam na parang tila pasan mo ang daigdig sa mga balikat mo?” tugon ni William.

“Tama kayo, malaki ang problemang dinadala ko. Maraming salamat sa mga payo niyo pero hindi ‘yan ang kailangan ko ngayon,” masungit nitong sambit sa matanda.

Hindi ininda ng matanda ang pakikitungo sa kaniya ni William. Bagkus ay binuksan nito ang kaniyang bag at tila may kinukuha. Habang si William ay nakayuko lamang at bahagyang nakasabunot sa kaniyang buhok sa bigat ng iniisip.

“Ito ang cheke. Sa tingin ko ay ito ang tulong na hinahanap mo,” saad ng matanda.

“Sa’yo na kung ano man ang halagang nariyan. Pero mangako ka na sa loob ng isang taon ay makikipagkita ka sa akin sa lugar na ito para mabayaran ako,” dagdag pa ng matanda.

Agad napatingin si William sa sa tsekeng inaabot ng matanda. Nagulat siya nang makita ang tumataginting na tatlong milyong piso na nakasulat dito.

Pagtingin niya sa matanda ay nagpakilala ito.

“Ako si Benjamin Gonzales, ang pinakamayamang tao dito sa bansa. Kunin mo na ang halaga na iyan at tumupad sa ating kasunduan,” sambit ng matanda at agad itong umalis.

Tangan ang tseke ay hindi inaakala ni William na sa ganito lamang matatapos ang kaniyang problema. Hindi niya akalain na sa parkeng ito niya makakatabi ang pinakamayamang tao sa bansa.

Madami na siyang narinig tungkol sa ginoong si Benjamin Gonzales. Galing ito sa hirap ngunit dahil sa pagsisikap ay nakarating ito sa kaniyang kinakalagyan ngayon. Hindi naging biro ang pinagdadanan ng ginoo. Pumasok ito sa mga negosyo at ilang beses na nalugi ngunit naibangon niya ang kaniyang sarili at sa bawat pagbangon na ito ay lalo siyang gumagaling.

“Sa tingin ko ay isang hamon ang nais niyang mangyari sa amin,” saad ni William sa sarili.

“Kung kaya niyang pagtagumpayan ang lahat ng nangyari sa kaniya ay kaya ko rin!” wika pa ng ginoo.

Kaya ang ginawa ni William ay hindi pinapalit ang tseke at gumawa siya ng paraan para maisalba ang kaniyang kumpanya. Kinaharap niya ang lahat ng kailangan niyang harapin at nagsimula ulit sa maliit.

Palagi niyang tinitingnan ang tsekeng binigay ng matanda. At nangako siya na gagamitin lamang iyon sa pagkakataon na gipit na gipit na siya. Pero mas nangingibabaw ang kaniyang pagnanais na ibalik sa matandang mayaman ang tseke nito at patunayang kaya rin niya ang ginawang pagbangon ng ginoo.

Makalipas ang isang taon ay nakabangon muli ang kumpanya ni William. Sa pagkakataong ito ay mas wais na siya sa pagharap ng mga pagsubok.

Agad niyang kinuha ang tseke na matagal na niyang pinakatatago-tago at saka muling pumunta sa parke upang ibalik ito sa matanda.

Agad niyang natanaw ang matanda na nakaupo sa dating lugar kung saan sila nagtagpo.

“Ito na po tulad ng ipinangako ko. Ibinabalik ko na po sa inyo ang tsekeng ibinigay ninyo sa akin,” wika ni William ng buong pagmamalaki.

Ngunit hindi man lamang tumitingin sa kaniya ang nasabing matanda.

Maya-maya ay may isang nars na lumapit sa kanila.

“Pasensiya na ginoo, ginugulo po ba kayo ng amo ko?” wika ng nars.

Nang makita ng nars ang tsekeng tangan ni William ay agad itong humingi ng paumanhin.

“Patawad sa tsekeng iyan. Pero may sakit kasi sa pag-iisip itong amo ko. Siguro dala na rin ng kaniyang katandaan ay palagi niyang pinagkakalat na siya si Ginoong Benjamin Gonzales, ang pinakamayang tao sa bansa. Wala talagang halaga ang tseke na iyan,” sambit ng babae.

Hindi lubusang makapaniwala si William sa narinig niyang katotohanan. Buong panahon na iyon ay naniwala siya sa halaga ng tseke. Ngunit hindi rin niya maiwasan ang ngumiti sapagkat sa loob ng isang taon na iyon ay nagawa niyang bawiin ang kaniyang negosyo sa pamamagitan lamang ng pagtitiwala niya sa kaniyang sarili.

Hindi makakalimutan ni William ang araw na umupo siya sa parke na lubusang problemado. Kung hindi siguro dahil sa matandang iyon ay nasasadlak pa rin siya ngayon sa problema at hindi na sumubok na bumangon pa.

Advertisement