Palaging Natatanaw ng Dalaga ang Umiiyak na Matandang Kapitbahay; Hindi Niya Inaakala ang Dahilan ng mga Luha Nito

Palaging Natatanaw ng Dalaga ang Umiiyak na Matandang Kapitbahay; Hindi Niya Inaakala ang Dahilan ng mga Luha Nito

HeartbreakingInspiringStories

Bagong lipat sa isang komunidad sina Marie at ang kaniyang pamilya. Sa wakas kasi pagkatapos ng mahabang taong pagtatrabaho ng kaniyang ama sa ibang bansa ay tuluyan na rin silang nakabili ng sarili nilang bahay. 

Habang naglilipat ang mag-anak ay napukaw ang atensyon ni Marie sa isang matanda babae sa kalapit na bahay. Umiiyak ito habang nagwawalis ng bakuran. Gusto sana niya itong lapitan ngunit wala naman siyang karapatan para makialam — lalo pa at kakalipat lamang nila. 

Masayang-masaya ang pamilya ni Marie sa bago nilang tahanan. Malaki ito at nasa loob ng isang magandang komunidad. 

“Ang balita ko may grupo ng kabataan na nagtitipun-tipon sa clubhouse, Marie. Puwede kang pumunta doon upang makipagkaibigan,” saad ng kaniyang ama. 

“Maganda ang komunidad na ito para sa mga kabataang kagaya mo. Kaya dito namin napili ng mama mo na bumili ng bahay,” pahayag pa niya. 

Kinabukasan ay maagang gumising si Marie upang tingnan ang mga grupo ng kabataan na sinasabi ng kaniyang ama. Tutal ay bakasyon pa’t marami siyang panahon para makipagkaibigan. Paglabas ng tahanan ay nakita niyang muli ang matandang babae na nakatitig sa kaniyang mga anak at apo. Bakas ang magkahalong lungkot at saya sa mukha nito. 

Pagkatapos niyang puntahan ang nasabing clubhouse ay agad din siyang umuwi. Sa pagkakataon na ito ay nakita na naman niya na ang kapitbahay niya ay paalis sakay ng kotse at naiwan ang matanda na kumakaway lamang sa kanila. Malungkot itong pumasok sa kanilang tahanan. 

Sa araw-araw na lumalabas si Marie o kaya naman ay dumudungaw sa labas ng bintana ay palagi niyang natatanaw ang matandang babae. Kung hindi ito nagwawalis sa bakuran ay lagi itong mag-isa sa kanilang bahay. Madalas ay makita rin niya itong tumititig sa kawalan at minsan ay lumuluha. 

“Kumusta ang pakikipagkaibigan mo, Marie? Marami ka na bang nakilala dito sa village?” tanong ng ina niya habang sila ay naghahapunan. 

“Kay babait ng mga tao rito. Ang sarap ng ganitong komunidad, mahal. Malayung-malayo sa dati nating tinitirhan,” sambit ng ginang sa kaniyang asawa. 

“Hindi siguro lahat ng tao dito mabait, ma,” sabat ni Marie. 

‘A-anong ibig mong sabihin?” pagtataka ng kaniyang ina. 

“Hindi niyo ba napapansin ang kapitbahay natin d’yan sa tapat? Palagi nilang iniiwan ang nanay nilang matanda. ‘Yung matanda halata sa mukha niya ang lungkot. Anong klaseng anak kaya ang kayang gawin iyon sa kanilang mga magulang?” pahayag ni Marie. 

“Anak, hindi pa naman natin lubusang kilala ang mga kapitbahay natin. Baka mamaya ay may dahilan sila. Kaya huwag kang basta huhusga ng kapwa mo,” pangaral ng ama. 

Bilang respeto sa magulang ay hindi na lamang sumagot pa si Marie at humingi na lang ito ng paumanhin. Ngunit balak niyang alamin ang katotohanan kung bakit ganoon ang matanda.

Isang araw, habang nakadungaw si Marie sa bintana ng kaniyang silid ay nakita niyang lumabas muli ang matandang babae. Sa pagkakataong ito ay alam niyang siya lamang ang naiwan sa tahanan. Agad siyang lumabas ng bahay upang makipagkilala. 

“Magandang umaga po! Ako po pala si Marie,” saad niya sa matanda. 

Magiliw ding tumugon ang matanda sa pagbati ng dalaga. 

“Hindi ba anak ka ng bagong lipat sa bahay na iyan?” wika ng matanda. “Sana ay magustuhan ninyo dito sa komunidad natin. Malinis dito at higit sa lahat, maayos ang lahat ng mga nakatira dito,” dagdag pa ng matanda. 

“Matagal na po ba kayong nakatira dito?” tanong ni Marie. 

Tumango naman ang matanda. 

“Napansin ko po na lagi kayong naiiwan ng mga anak niyo dito sa bahay. Ayos lang po ba kayong nag-iisa dito?” saad pa niya. 

“Naku, hindi ako nag-iisa dito. May mga kasambahay sa loob ng bahay. Siguro ay hindi mo lang nakikita kasi madalang din sila lumabas. Ako kasi gusto ko palaging lumalanghap ng sariwang hangin,” tugon ng matanda. 

“Tuwing nasa labas din ako ng bahay ay nailalabas ko ang lahat ng dalahin sa dibdib ko,” saad pa niya. 

“Dahil po ba hindi kayo palaging sinasama ng anak ninyo sa tuwing aalis silang pamilya, ganoon po ba?” usisa ni Marie. 

Hindi agad nakaimik ang matanda. 

“Naku, pasensiya na po kayo kung ano man ang nasabi ko. H-hindi ko po sinasadya na makialam sa buhay ninyo,” paumanhin ng dalaga. “Madalas ko po kasi kayong makita na nalulumbay. Hindi ko na po matiis kaya sadya ko po kayong nilapitan. Kung gusto ninyo sa tuwing iniiwan kayo ng anak niyo ay pumunta muna kayo sa amin kasi–” 

Hindi pa tapos sa pagpapaliwanag si Marie nang biglang nagsalita ang matanda. 

“Hindi ko anak ang mag-asawang iyon,” sambit ng matanda. “Sa totoo lang ay wala akong kamag-anak sa kanila.”

“Malaki ang utang na loob ko sa mag-asawa na iyon. Kinupkop nila ako nang walang hinihinging kapalit. Sa totoo lang hindi naman nila ako iniiwan. Ako lang ang ayaw sumama,” paliwanag nito. 

“Isang taon na ang nakakalipas nang namayapa ang aking asawa. Ang nag-iisa kong anak ay nasa ibang bansa na at nang malaman niya ang nangyari sa kaniyang ama ay agad niyang binenta ang bahay at pinilit niya akong sumama sa kaniya doon upang manirahan. Habang nasa paliparan kami, sabi ng anak ko ay magbabanyo lamang siya at babalikan ako. Ngunit ilang oras na ay wala pa rin siya,” kwento ng naluluhang matanda. 

“Nagtanong ako sa mga tauhan doon at napag-alaman kong umalis na ang eroplanong dapat sasakyan namin. Doon ko napagtanto na nais ng sarili kong anak na iligaw lamang ako at kamkamin ang lahat ng naipundar namin ng kaniyang ama. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko noon.”

“Sa kabutihang loob ay inihatid ako ng mga tauhan dito sa bahay. Ngunit mayroon nang bagong naninirahan. Dahil wala akong mapuntahan ng araw na iyon ay nakiusap ako sa mag-asawa na bigyan ako ng kahit maliit na matutulugan lamang sa bahay namin na ito at gagawin ko ang lahat upang makabayad. Ngunit pinatuloy nila ako ng walang hinihinging kapalit. Dahil wala parehas silang wala ng magulang ay ako ang tumatayong magulang nila. Mababait sila!” pagpapatuloy ng matanda. 

“Madalas lamang akong malungkot sapagkat naaalala ko kung paano namin ipinundar ang bahay na ito. Kung paano namin pinagsaluhan ng asawa ko ang masasayang sandali. Masaya ako na hanggang ngayon ay narito pa rin ako,” pagtatapos ng matanda. 

Hindi makapaniwala si Marie sa naging pahayag ng nasabing matanda. Ang pamilyang akala niyang nag-aabandona sa matanda ay siya palang tunay na nagkupkop dito. 

Tunay ngang hindi dapat tayo mabilis humusga ng tao. Simula noon ay imbis na makisalamuha si Marie sa ibang kabataan ay sinasamahan na lamang niya ang matanda at nakikipagkwentuhan dito. 

More Stories