Pinagtawanan Nila ang Guro Dahil Hirap Ito sa Online Class; Nanlumo Sila nang Aksidenteng Malaman ang Kalagayan Nito

Pinagtawanan Nila ang Guro Dahil Hirap Ito sa Online Class; Nanlumo Sila nang Aksidenteng Malaman ang Kalagayan Nito

HeartbreakingInspiringStories

Dahil sa pandemya, ang Kagawaran ng Edukasyon ay mahigpit na pinagbawal ang pagpasok ng mga estudyante sa paaralan.

Ito ang unang araw ng kanilang online class. Bagaman kinakabahan, ang lahat ay excited dahil si Sir Ronald ang kanilang guro, na kilala dahil bukod sa mabait ito, isa din itong magaling na guro.

Iyon nga lang, hindi ito maalam sa paggamit ng computer. Matanda na kasi ito.

Natatawang binasa ni Adele ang chat ng kaklaseng si Cali. “Nakakatawa si Sir, litong-lito sa online class, hindi mo alam kung anong gusto ipagawa!”

Nakangising nagtipa siya sa ng sagot sa chat nito.

“Oo nga! Matanda na kasi si Sir Ronald, alam mo na, outdated na at hindi na maalam sa mga computer,” sagot niya sa kaklase. 

Muling sumagot ito sa kanyang chat. “Sabagay, mas ok nga ‘yun. At least hindi niya tayo mahuhuli kahit may iba tayong ginagawa.” 

Narinig nilang nagsalita ang guro.

“Naririnig niyo ba ako, class?” Medyo mahinang tanong ng guro.

Isa isa namang nagsisagutan ang mga estudyante. 

“Opo, Sir!”

“Yes po, pero medyo mahina po yung boses niyo, Sir!” Komento ni RJ.

“Oo nga po, Sir, lakasan niyo po ‘yung volume,” suhestiyon ni Leslie sa guro.

“Naku, hindi ko alam, paano ba ito, turuan niyo ako mga anak,” naguguluhan na hingi ng tulong ng maedad nilang guro.

Ilang estudyante naman ang sabay sabay na nagpatay ng camera upang humalakhak sa guro na tila hindi malaman ang gagawin sa harapan ng camera.

Matapos ang mahigit kumulang sampung minuto nilang pagtuturo sa guro ay sa wakas, nagawa din nitong lakasan ang volume ng mic nito. 

Ilang sandali pa ay abala na ang klase sa diskusyon. Dahil beterano sa pagtuturo at likas na may angking galing ang guro, masaya ang naging klase ng mga bata.

Ngunit maya-maya tila nagkaroon na naman ng problema nang mawala ang guro sa kanilang miting. 

Nang masiguro ng mga bata na na-disconnect ang kanilang guro, isa-isa silang naghimutok dahil sa kakulangan ng kaalaman ng kanilang guro sa mga online system na ginagamit nila.

“Sayang, interesado pa naman ako sa takbo ng discussion natin kaso nawala naman bigla si Sir,” reklamo ni Sally sa mga kaklase.

“Saka grabe naman, lalakasan lang yung volume hindi pa alam ni Sir,” naiiling na komento naman ni RJ. 

Naunawaan naman nila ang himutok ni RJ. Maalam kasi ito sa magkukutingting ng computer. Magaling din ito sa online games. 

Naputol ang pagrereklamo nila nang makitang online na ulit ang kanilang guro.

“Class, pasensiya na ha, nakiki-connect lang kasi ako sa internet ng kapitbahay. Nawala bigla ang internet nila, kaya kailangan kong magpa-load.” May matamlay na ngiti sa mga mata ng kanilang guro nang bumalik ito.

Nagpatuloy sila sa pagkaklase subalit hindi pa tumatagal ng kinse minutos ang diskusyon ay binulabog na naman sila ng maingay na pagtawag ng isang babae.

“Mang Ronald, Mang Ronald!” 

Huminto si Sir Ronald sa pagsasalita at hiyang hiyang humingi ng dispensa sa kanyang mga estudyante.

“Naku, ano na naman ang dahilan kaya hindi tayo makapagklase ng tuloy tuloy. Saglit lang, mga anak, haharapin ko lang si Aling Carmen, siya kasi ang may-ari ng apartment na tinitirhan ko, baka may importante siyang sasabihin.” 

“Aalis muna ako saglit sa klase at babalik ako agad agad,” pagpapaalam nito.

May iilan na nakadama na ng pagkainis sa paulit ulit na pagkakaputol ng kanilang online class dahil sa guro.

Maya-maya ay nawala ang camera ni Sir Ronald. Ngunit napansin nila na hindi nito na-off ang mikropono ng headset nito.

Gusto nilang sabihn sa guro na i-off nito ang mikropono para maging pribado ang pag-uusap nito at ng bisita ngunit narinig na nila itong nagsalita.

“Aling Carmen, ano ho’ng atin?” Magalang na tanong nito sa kausap.

“Mang Ronald, ilang buwan na ho kasi kayong hindi nakakabayad ng renta. Pero nakita ko na bumili kayo ng bagong computer. Hindi naman ho pwede ‘yun!” Matalas agad ang bwelta ni Aling Carmen sa guro.

Tahimik naman ang lahat. Tila hinihintay ang mga susunod na mangyayari.

Narinig nila ang paghingi ng paumanhin ng guro. “Aling Carmen, pasensiya na ho, kung hindi niyo lang ho alam ay halos mabaon din ako sa utang dahil inutang ko lang din ho ang pambili ng computer na ‘yan. Hindi din kasi kami pinasweldo ng paaralan mula noong nagsimula ang pamdemya tatlong buwan na ang nakakaraan.”

Ramdam na ramdam ng bawat isa ang panlulumo sa tinig ng kanilang guro. 

Hindi nila alam na matinding paghihirap ang kinakaharap ng guro.

“Mahirap man ho magpatuloy sa pagtuturo dahil matanda na ako at hindi ako magaling sa computer na ‘yan, pero mahal ko ang pagtuturo. Pasasaan ba’t makakabangon din ako muli, Aling Carmen. Pangako na kayo ho ang unang-una kong babayaran,” mahabang paliwanag ng guro.

Ang mga estudyanteng aksidenteng nakakarinig ng pag-uusap ay naantig ang damdamin. Nakaramdam ng matinding simpatya sa kanilang guro.

Naunawaan naman ni Aing Carmen ang matanda. Maayos naman kasi ito magbayad, talaga lamang siguro na naapektuhan ito ng pandemya. 

“Sige ho, Mang Ronald.” Maikli nitong sagot sa matanda.

Paalis na ang babae nang magsalita muli si Ronald. 

“Aling Carmen, kakapalan ko na ho talaga ang mukha ko. Baka ho pwede akong patuloy na maki-connect muna ako sa internet ninyo? Madami ho kasi masyadong binabayaran para makabitan.” Nahihiyang tanong ng matanda.

Bumuntong hininga ang babae. Ngunit kalaunan naman ay pumayag din.

Nakahinga ng maliwag ang guro. “Maraming salamat ho, Aling Carmen. Babawi ho ako, pangako.”

Maaliwalas ang mukha ng guro nang bumalik ito sa klase. 

Ang mga estudyante naman ay hindi ipinahalata sa kanilang guro na narinig ng mga ito ang pag-uusap nila ni Aling Carmen.

Bawat isa ay masayang nagpukol ng atensiyon sa klase ngunit nag-iisip nang malalim kung sa paanong paraan nila matutulungan ang butihing guro.

Matapos ang klase nang araw na ‘yun ang nagkaroon ng pagpupulong ang mga estudyante ni Sir Ronald.

Napagkasunduan nila na tutulungan nila ang guro na magpakabit ng libreng internet. Buwan buwan nilang pag-aambagan ito hanggang sa bumalik na ang klase sa normal.

Si RJ naman, bilang maalam sa computer, ay nag-boluntaryo na turuan ang guro ng pasikot-sikot sa pag-ayos ng computer.

Kaya kinabukasan, nasorpresa ang guro sa libreng internet na ipinagkaloob ng kanyang mga estudyante.

Lalo naman siyang natuwa dahil tutulungan na siya ni RJ na pag-aralan ang epektibong paggamit na computer.

Maluha luha ang guro na nagpasalamat sa kanyang pinakamamahal na estudyante.

“Hindi ko makakalimutan ang pang-unawa at pagtulong niyo sa akin.”

Kinuha naman nila ang pagkakataong iyon upang pasalamatan ang kanilang guro sa mga sakripisyo nito.

“Maraming maraming salamat po Sir Ronald sa inyong dedikasyon sa paguturo. Marami pa po kayong estudyante na mabibigyang inspirasyon.”

Mahirap man ang estado ng edukasyon dahil sa pandemya, masaya si Sir Ronald na makatagpo ng mga estudyanteng tunay na nagmalasakit sa kanya. 

Masaya din ang mga estudyante dahil sa katulad ni Sir Ronald, na pilit gumagawa ng paraan upang patuloy na magturo sa mga kabataan. 

More Stories