Inday TrendingInday Trending
Itinataboy ng Dalaga ang Isang Batang Kalyeng Nais Magpaturo, Ito Pala ang Makapagpapakilala sa Kaniya sa Misyon Niya sa Buhay

Itinataboy ng Dalaga ang Isang Batang Kalyeng Nais Magpaturo, Ito Pala ang Makapagpapakilala sa Kaniya sa Misyon Niya sa Buhay

“Hoy, ang hapon na naman! And’yan na naman kayo sa harapan ng bahay namin! Ang ingay-ingay niyo! Hindi niyo ba alam na may nag-aaral dito?” bulyaw ni Raya, isang hapon nang mag-ingay na naman ang mga batang kalye sa tapat ng kanilang bahay habang siya’y nag-aaral para sa kaniyang pagsusulit.

“Ah, ayaw niyo pang umalis, ha!” sambit niya nang hindi siya pakinggan ng mga ito saka siya tumayo’t lumabas ng bahay, “Hindi ka ba natatakot sa’kin, bata? Lahat ng kasama mo tumakbo na palayo, bakit andito ka pa? Alis na!” sigaw nito sa batang nanatili sa tapat ng kanilang bahay, may dala-dalang lapis at maruming papel.

“Pakiramdaman ko po kasi, kayo ang makakapagturo sa akin. Sabi po ng iba, nag-aaral daw po kayong maging guro, kaya dito ko palagi dinadala ang mga kaibigan ko. Gusto ko pong turuan mo kami,” nakangiting sambit nito, halatang uhaw sa edukasyon.

“Ayoko, hindi naman porket ‘yon ang pinag-aaralan ko sa kolehiyo, ‘yon na ang gusto kong maging trabaho. Pinilit lang ako ng magulang ko, gusto ko talaga maging flight attendant! Ayokong magturo sa mga batang katulad mo, matigas ang ulo! Alis na!” sagot niya sa bata saka tuluyan itong itinaboy.

Nasa ikaapat na niyang taon sa kolehiyo ang dalagang si Raya. Buong akala ng iba, ipagpapatuloy niya ang pagiging isang guro pagkatapos niya sa kolehiyo gaya ng pangarap para sa kaniya ng kaniyang mga magulang, ngunit dahil nga malayo sa kaniyang loob ang propesyong ito, kahit pa siya’y nag-aaral ng kursong pang-guro, hindi niya pa rin ito itutuloy dahil nais niyang maging isang flight attendant na kaniyang pangarap na trabaho.

Palagi niyang kinukumbinsi ang ama’t ina na payagan na siyang ituloy ang kaniyang panagarap. Ika niya, “Sinunod ko na nga po yung kagustuhan niyong mag-aral ako ng kursong pag-guguro, eh, sana naman po hayaan niyo na akong sundin ‘yong pangarap ko. Bukod sa makakapunta ako sa iba’t-ibang bansa, mataas pa ang sahod ko, mama, papa. Ayoko po talagang magturo sa bata.”

Bukod sa inaalala niyang maliit ang kaniyang sasahurin sa pagtuturo, ayaw niya ring magturo sa mga bata. Maikli lang kasi ang kaniyang pasensya at wala talaga siyang hilig sa mga bata. Sa katunayan pa nga, kapag siya’y may nakakasalamuhang batang makulit, pinandidilatan niya ito ng mata’t binubulungang, “Magkulit ka pa, kakainin kita ng buo,” dahilan upang katakutan siya ng mga bata sa kanilang barangay.

Kaya laking gulat niya noong araw na ‘yon na hindi nagpatinag sa kaniyang paninindak ang isang batang kalye ngunit kagaya ng kaniyang ginagawa sa ibang bata, tinaboy niya pa rin ito sa abot ng kaniyang makakaya at payapang nag-aral para sa kaniyang pagsusulit.

Kinabukasan, pagkauwi niya galing paaralan, nakita na naman niya ang batang ‘yon sa tapat ng kanilang bahay at tila sinisipat-sipat siya sa bintana ng kaniyang kwarto.

“Hindi ka ba talaga natatakot sa akin?” tanong niya dito saka pinandilatan ng mata ang naturang bata.

“Hindi po, mas natatakot po akong lumaking mangmang,” tipid na sagot nito na talaga nga namang kaniyang ikinagulat, “Turuan niyo na po ako, kayo na lang po ang pag-asa naming mga batang kalye,” dagdag pa nito, bigla naman siya nakaramdam ng awa dahilan upang agad siyang pumasok sa kanilang bahay at magkulong.

Doon siya bahagyang napaisip, tila tinamaan kasi siya ng mga katagang sinabi ng naturang bata. Pasimple niyang sinilip ang bata at andoon pa rin iyon sa tapat ng kanilang bahay, nakatungo’t naghihintay.

Mayamaya pa, lumabas siyang muli sa kanilang bahay, bitbit-bitbit ang isang lamesa’t dalawang upuan.

“Halika, simulan natin sa pagsusulat ng mga letra,” nakangiti niyang ika dahilan upang bahagyang mapaluha sa saya ang bata.

Habang tinuturuan niya ito, doon niya napagtantong, “Siguro, kaya gusto ng mga magulang ko na magguro ako ay para matulungan ko ang mga batang katulad nila. Maliit man ang sweldo, mababago ko naman ang buhay nila, siguro iyon ang misyon ko sa mundong ito.”

Ang pagtuturo niyang iyon sa naturang bata ay nagtuloy-tuloy hanggang siya’y makapagtapos at maging isang guro.

Nabawasan ang mga batang kalye dahil lahat sila’y dinala niya sa paaralan sa tulong ng kaniyang mga kapwa guro’t mga taong naantig sa kwento ng batang nagpamulat sa iniiwasan niyang misyon.

Wala nang mas sasaya pa sa dalagang dati’y ayaw sa mga bata na ngayo’y masayang nakikihalubilo sa mga musmos na pag-iisip na uhaw sa edukasyon.

Madalas, inililihis ng Diyos ang ating tadhana sa ating pangarap. Hindi upang pahirapan tayo, kung hindi para matugunan natin ang misyong nakaatas sa atin dito sa mundong ibabaw.

Advertisement