
Pinaulanan ng mga Pang-aalipusta ang Binatang Ito Dahil sa Kaniyang Hindi Magandang Guhit, Ito Pala ang Maghahatid sa Kaniya sa Inaasam na Tagumpay
“Eugene! Ano na namang ginagawa mo d’yan, ha? Nagdidiskusyon tayo, tapos ikaw guhit nang guhit d’yan?” sermon ng isang guro sa binatang hindi nakikinig sa klase.
“Ah, eh, nakikinig naman po ako, ma’am, habang nagguguhit,” depensa ni Patrick saka pasimpleng itinago ang papel na kaniyang pinagguguhitan na agad namang hinablot ng kaniyang guro upang tignan.
“Ano ‘tong ginuhit mo?” sambit nito habang masinsing tinitignan ang kaniyang guhit.
“Ikaw po ‘yan, ma’am,” nakatungong sagot niya dahilan upang humalakhak nang malakas ang kaniyang guro.
“Ako? Eh, mukhang alien, ‘to! Sigurado ka ba talaga?” biro nito dahilan upang magtawanan ang iba niya pang kamag-aral.
“Mukhang pinya nga, ma’am, eh!” sambit pa ng isa niyang kamag-aral na labis niyang ikinapahiya.
Nasa ikatlong taon na ng hayskul ang binatang si Patrick. Nasa elementarya pa lamang siya, nakahiligan na niya ang pagguguhit ng mga tanawin na labis na ikinatuwa ng kaniyang mga magulang.
Ika pa ng kaniyang ama, “Pagpatuloy mo lang ‘yan anak, tiyak magiging isa kang sikat na mangguguhit balang araw,” dahilan upang ipagpatuloy niya ang pagsasanay sa pagguhit.
Iniipon niya ang kaniyang mga baon upang makabili ng lapis na gagamitin niya sa pangguhit, papel at mga pinturang ipapangkulay niya sa mga ito na labis pa ring hinangaan ng kaniyang mga magulang.
Hanggang sa tumuntong siya sa hayskul dala niya ang hilig niyang ito. Kaya nga lang, madalas siyang pagalitan dahil kahit pa nagdidiskusyon, siya’y nagguguhit pa rin dahilan upang lagi siyang mapansin ng kaniyang mga guro. Ngunit lagi naman niyang rason, “Nakikinig naman po ako habang nagguguhit,” na palagi niyang napapatunayan sa tuwing pagsusulit.
Simula nang mapansin siya ng kaniyang mga guro na palaging nagguguhit sa klase, palagi na siyang pinapaulanan ng tukso ng mga kaklase. Ika pa ng iba, “Guhit ka nang guhit d’yan, eh, mukha namang basura ‘yang mga ‘yan!” na labis niyang dinamdam.
Noong araw na ‘yon, nais na niyang lumubog sa upuang kinauupuan dahil sa labis na pagkahiya. Pilit niyang inagaw ang papel na pinagguhitan ngunit agad na itong hinablot ng iba niyang mga kamag-aral at pinaulanan ng iba’t-ibang pamamaliit. Ang iba pa’y kinuhanan ito ng litrato at agad na inilagay sa social media dahilan upang piliin na niya lang na umalis sa silid na ‘yon habang pinagkakatuwaan ng iba ang kaniyang guhit. Tinawag man siya ng kaniyang guro, hindi niya ito pinansin at dali-daling tumakbo pauwi sa kanilang bahay.
Nadatnan niya ang kaniyang ina na naglalaba, agad niya itong niyakap mula sa likod saka humagulgol.
“Niloko na naman nila ang gawa mo?” tanong ng kaniyang ina, tumango-tango lang siya bilang sagot, “Balang-araw anak, iiyak naman sila dahil sa tagumpay na ikaw lang ang makakatamasa,” dagdag pa nito saka siya niyakap.
Hindi muna siya pinapasok ng kaniyang ina ng dalawang araw upang bahagyang makaiwas sa mga panunukso. Ngunit isang araw, bigla na lang may nagpuntang isang lalaki sa kanilang bahay at siya’y hinahanap.
“Gusto ko pong tulungan si Patrick. Nagtapos po ako ng kursong fine arts at isa na po ako ngayong propesor sa isang sikat na unibersidad sa Maynila,” pagpapakilala nito dahilan upang agad siyang mapabangon sa hinihigaan. Doon niya nalamang nakita pala nito ang kaniyang guhit sa social media.
Marami man ang nang maliit sa kaniya doon, ika ng naturang lalaki, “Marami kaming nakakita ng potensyal mo, at lahat kami, handang tumulong sa’yo,” na labis niyang ikinatuwa.
Halos mangiyakngiyak siya nang bigla na lang siyang binigyan ng mga mamahaling lapis, papel at pangkulay ng naturang lalaki.
Bukod pa doon, tinuruan pa siya nitong magguhit. Dumami pa ang mga nagbigay ng tulong sa kaniya noong mga nagdaang araw na talaga nga namang ikinataba ng kaniyang puso.
Ginawa niya nga ang lahat ng makakaya upang mapaganda ang kaniyang mga guhit at ilang buwan lang ang nagdaan, dahil sa angkin niyang kagalingan, sumikat ang kaniyang buhay mangguguhit at kaniyang mga likha na talaga nga namang nakatulong sa mga gastusin ng kanilang pamilya.
Ang dating mga kamag-aral na nang-aalipusta sa kaniya, ay sila nang kaniyang mga tagahanga.
“Sabi sa’yo, anak, eh. Mawalan man sila ng tiwala sa’yo, magtiwala ka pa rin sa sarili mo dahil tiyak, tagumpay ang matatamasa mo,” nakangiting sambit ng kaniyang ina, isang araw habang nasa isa silang museo kung saan niya ibinahagi ang ilan niyang mga likha.
Bago talaga makamit ang tagumpay, dadaan ka muna sa matinding pagsubok, kaya huwag mawalan ng pag-asa kung dumating sa punto na lahat ng tao’y walang tiwala sa’yo dahil ang Diyos ay palaging nasa tabi mo.