Nais Kumain sa Mamahaling Restawran ng Isang Bata, Nagbanat ng Buto si Lola Upang Ito’y Matupad

Nais Kumain sa Mamahaling Restawran ng Isang Bata, Nagbanat ng Buto si Lola Upang Ito’y Matupad

FamilyInspiringStories

“Lola, ang sarap sigurong kumain d’yan sa restawran na ‘yan, ano?” tanong ng batang si Emely, isang araw nang mapadaan sila sa isang masarap na kainan matapos nilang magsimba. 

“Hindi ko lang alam, apo, hindi pa ako nakakakain d’yan, eh. Gusto mo bang makakain d’yan?” nakangiting tanong ni Aling Jopay habang nakamasid sa naturang restawran.

“Opo, lola! Matagal ko na pong pinapangarap kumain d’yan, eh,” masiglang sagot ng bata. 

“O, sige, mag-iipon ang lola para makakain ka d’yan sa kaarawan mo. Tamang-tama, marami akong labada sa mga araw na dadating,” sambit niya dahilan upang magsisisigaw ang kaniyang apo. 

“Talaga po, lola? Marami pong salamat!” masayang sagot nito habang tatalon-talon, “Sakto po, kaarawan ko na sa isang linggo!” dagdag pa nito saka siya mahigpit na niyakap. 

“Basta ipangako mo sa akin, mag-aaral kang maigi, ha? Para hindi ka matulad sa nanay mo,” sabi niya sa apo saka niya ito ginantihan ng niyakap. 

“Opo, lola! Makakaasa po kayo sa’kin. Magiging isa akong doktor, pangako!” sagot pa ng bata, itinaas pa nito ang kanang kamay, tanda ng pangangako dahilan upang mapangiti siya’t muling yakapin ang apo. 

Simula nang nangibang-bansa ang nag-iisang anak ni Aling Jopay, siya na ang nag-alaga sa anak nito sa pagkadalaga. Dahil nga siya na lang ang maaasahan ng anak, hindi siya nagdalawang-isip na alagaan ang anak nito na ngayo’y mag-lalabing isang taon na. 

Noong mga unang buwan ng anak sa abroad, palagi siya nitong pinapadalhan ng pera pangsustento sa anak nito. Ngunit nang tumuntong ang bata sa ikatatlong taon nito sa elementarya, hindi na ito nagparamdam sa kaniya. Sabi ng iba, nakapangasawa na raw ang kaniyang anak ng ibang lahi. 

Simula noon, siya na ang nagtaguyod sa kawawang batang walang kinalakihang pamilya. Kahit pa may edad na siya, lahat ng trabaho’y kaniya na niyang pinasok. Mapalabada man o paglalako ng balot at penoy sa gabi, kaniya na niyang ginawa para lamang mapakain at mapaaral ang apo. 

Ngunit dahil nga sapat lang ang kaniyang kita para sa pagkain nilang mag-lola at pangbayad ng mga proyekto ng apo sa eskwelahan, ni hindi niya ito mabigyan ng kahit anong regalo tuwing kaarawan nito dahilan upang naisin niya ngayong mapakain ang apo sa pangarap nitong restawran sa darating nitong kaarawan. 

Pagkauwing-pagkauwi nila galing simbahan, agad na siyang pumunta sa kaniyang kumare para maglaba ng mga damit. Pagsapit naman ng hapon, agad na siyang nagpunta sa isang tindahan at doon kumuha ng mga panindang kaniyang ilalako sa gabi. 

Kahit pa masakit na ang likod dahil sa paglalaba, hindi niya ito ininda. Ika niya, “Para ito sa apo ko, kaya lahat, kaya ko. Ayokong mawala ako sa mundong ito nang hindi man lang siya napapatikim ng masarap na pagkain,” saka siya muling nag-alok ng paninda, “Balot, penoy, balot penoy kayo d’yan!” 

Sa buong linggong ‘yon, bukod sa pangkain nila sa araw-araw at pangbayad sa proyekto ng apo, nakaipon siya ng tatlong daang piso para sa kaarawan nito na labis niyang ikinasaya. 

Pagsapit ng linggo, agad niyang binati ng maligayang kaarawan ang apo saka niya ito pinagbihis. Agad silang nagsimba’t dumiretso sa naturang restawran pagkatapos ng misa. 

“Lola, sigurado po ba kayong ayos lang sa inyo ito? Ayos lang naman po sa’kin kahit tinapay lang po ang ibili niyo, masyado pong mahal dito,” pag-aalinlangan ng kaniyang apo. 

“Huwag kang mag-alala, may tatlong daan ako dito,” nakangiti niyang sagot. 

Agad silang nilapitan ng isang serbidor at binigyan ng menu. Tila lumuwa naman ang kaniyang sa mata sa mahal ng mga pagkain dito. 

“Sabi ko po sa’yo, lola, mahal dito, eh,” sambit ng kaniyang apo ngunit hindi niya ito inintindi at sinabing, “Isang order nito, hijo,” saka tinuro ang isang putaheng nagkakahalaga ng tatlong daan piso, “Bigyan mo rin ako ng tubig, ha?” dagdag niya pa dito. 

“Paano ka po, lola?” tanong ng apo.

“Sa bahay na lang ako kakain, may kaning lamig pa doon saka itlog, hindi ba? Ayos na kay lola ‘yon, kumain ka lang d’yan,” sambit niya sa apo saka nakangiting pinagmamasdan ang apong masayang naghihintay ng pangarap niyang pagkain.

Inuunti-unti niya lang ang malamig na tubig sa kaniyang harapan habang masayang pinagmamasdan ang apo niyang sarap na sarap sa binili niyang pagkain. 

Marami sa mga kumakain doon ang naantig sa pagmamahal na kaniyang pinakita dahilan upang bigyan siya ng mga ito ng pagkain na agad naman niyang tinanggihan. 

“Naku, lola, kung ayaw niyo po itong tanggapin, pwede ko po bang malaman kung saan kayo nakatira? Handa po namin kayong tulungan ng mga kaibigan ko,” nakangiting sambit ng isang binata. 

Doon na nga nag-iba ang ikot ng mundo ni Aling Jopay. Simula noon, palagi na siyang dinadalaw ng binatang ‘yon. Bukod sa binibigyan siya ng pagkain at iba pa nilang pangangailangan, pinag-aral pa ng mga ito ang kaniyang apo na labis niyang ikinapasalamat. 

Umingay din ang kaniyang kwento sa social media dahilan upang dumami pa ang sumuporta sa kaniya at tuluyan nang makaipon. 

“Maraming salamat, Diyos ko, lahat nang ito’y dahil sa’yo,” mangiyakngiyak niyang sambit. 

Kapag talaga puro pagmamahal ang iyong pinakita, mahirapan ka man, tiyak papaulanan ka ng biyaya ng Panginoon. 

More Stories