Barado ang Palikuran sa Bahay ng Binatang Napapagod na sa Kaniyang Trabaho Kaya Pinakumpi Niya Ito; Hindi Niya Akalaing may Aral Siyang Mapupulot sa mga Trabahador ng Poso Negro

Barado ang Palikuran sa Bahay ng Binatang Napapagod na sa Kaniyang Trabaho Kaya Pinakumpi Niya Ito; Hindi Niya Akalaing may Aral Siyang Mapupulot sa mga Trabahador ng Poso Negro

InspiringStoriesSuccess

Pagkapasok na pagkapasok sa kaniyang tinutuluyang apartment ay inihagis ni Rupert ang kaniyang bag sa sofa. Dali-dali niyang tinanggal ang kaniyang kurbata, inihagis ang dalawang sapatos, at pabalagbag na umupo. Nakakapagod magtrabaho sa kanilang opisina.

Senior Manager na si Rupert sa gulang na 27 taong gulang. Sadya naman kasing mahusay ang binata sa advertising. Hindi kataka-takang dalawang taon pa lamang siya sa advertising company na kaniyang pinaglilingkuran ay na-promote na kaagad siya sa pagka-Junior Manager. Hanggang sa nagtuloy-tuloy na nga at naging Senior Manager na siya. Naungusan pa niya ang mga kasamahang matatagal na sa naturang kompanya.

Man sat on sofa, holding his head to illustrate article on team ...

Subalit sabi nga ni Spiderman, ang kapangyarihan ay may kaakibat na responsibilidad. Minsan, parang gusto na lamang mag-resign ni Rupert at humanap ng ibang trabaho. O kaya naman, magnegosyo na lamang. Kaya nga lamang, hindi niya alam kung anong negosyo ba ang papasukin niya kung sakali. Hindi pa rin sapat ang kaniyang ipon. Marami siyang bills na kailangang bayaran.

Isa pa sa mga hindi matanggap ni Rupert ay ang kawalan na niya ng oras para sa kaniyang sarili. Masyado kasi siyang workaholic. Nagugugol niya ang oras sa pagtatrabaho. Kahit nasa bahay na siya, trabaho pa rin ang hinaharap niya. Kung hindi laptop ang kaharap niya, mga papeles na kailangang pag-aralan. Mabuti na lamang at maunawain ang kaniyang girlfriend na si Megan. Sa video call na lamang sila nakakapag-usap.

“Nakasimangot ka na naman, babe. Sayang ang guwapo mong mukha sige ka, mahipan ng hangin iyan,” biro sa kaniya ni Megan. Kusa na itong tumatawag sa kaniya kapag gabi upang kumustahin siya.

“May problema lang babe sa isa naming kliyente. Gusto niyang ipabago yung nagawa na naming commercial sa kaniya. Ayaw niya kasi sa tagline na ‘Settle for the best.’ Gusto niya kasi, ‘Why settle for second best?’ Hindi ko maisip bakit iyon ang ini-insist niya,” sabi ni Rupert.

“Sundin mo na lang kung anong gusto ng kliyente. Ikaw talaga. Sa huli, sila naman masusunod eh. By the way, kita tayo bukas?” tanong ni Megan.

“May pasok ako bukas babe, baka nakakalimutan mo…” tugon ni Rupert.

“Saturday bukas, babe? Nakalimutan mo na?”

Napatingin si Rupert sa nakasabit na kalendaryo sa kaniyang dingding. Napabuntong-hininga siya. Wala na rin siyang sense of date.

“Oo nga pala. Sorry, babe. Sige, kita tayo bukas. Miss na kita,” pag-alo ni Rupert.

Tumagal pa ng ilang minuto ang kanilang pag-uusap bago sila nagpaalamanan upang kumain ng hapunan.

Ipinasya ni Rupert na maligo, subalit napansin niyang bumabaha ang sahig ng kaniyang palikuran. Mukhang barado na ang drainage o ang poso negro nito. Agad siyang humanap ng maaaring gumawa nito. Suwerteng nakahanap siya sa Facebook. Nagkakahalagang 3,000 piso ang pagpapagawa, depende pa raw sa kailangang ayusin.

Kinabukasan, dumating na rin ang traktora na magkukumpuni sa baradong poso negro. Limang lalaki ang nakatakdang gumawa rito.

“Sir, isang poso negro lang po kasi ang palikuran at lababo kaya mabilis na napuno. Gagawin na po namin,” sabi ng isang lalaki.

Mabilis na kumilos ang mga lalaki. Agad nilang tinalunton ang kinalalagyan ng lokasyon ng poso negro. Sa isang iglap lang, nabungkal nila ito. Nagulat si Rupert nang pumasok sa loob nito ang apat na lalaki upang suriin kung ano ang problema.

BAILEN CAVITE MALABANAN SIPHONING SIPSIP POZO NEGRO SERVICES ...

“Buti natitiis ninyo ang trabaho ninyo? Hindi ba nakakadiring maglinis ng dumi ng iba?” tanong ni Rupert sa isa sa mga lalaki. Ngumiti ito sa kaniya.

“Noong una sir, parang nakaka-kuwan, nakakadiri. Pero ito na rin ang nakasanayan naming trabaho. Sanayan lang po sir. Hindi pa naman kami namamatay,” biro ng lalaki.

“Wala ba kayong ibang puwedeng pasukan? Yung mas malinis-linis naman,” untag ni Rupert.

“Dati po akong embalsamador, sir. Sanay na po ako sa mga pinandidirihan at kinatatakutang pagkakakitaan. Malaki naman po ang kita sa ganito eh. Para lang ho kaming embalsamador. Minsan, hindi pinapansing mga trabaho pero kung tutuusin, mahalaga at hindi dapat maliitin. Isipin po ninyo sir ah, paano kung walang gustong mag-ayos ng mga bangkay para sa lamay? O kaya, paano kung walang gustong maglinis ng mga baradong poso negro?” nakangiti at natatawang sabi ng lalaki.

Napangiti si Rupert. Tatang-tango siya sa sinabi ng lalaki. Oo nga naman. May punto ito.

Makalipas ang ilang minuto, naayos na rin ang poso negro ni Rupert. Binigyan niya ng tip ang mga ito kaya masayang-masaya sila. Nawala na ang bara sa palikuran niya.

Kinagabihan, masaya niyang kinita si Megan. Susulitin niya ang mga sandaling kasama niya ang girlfriend dahil sa Lunes, muli siyang sasabak sa kaniyang trabaho at tungkulin. Hindi niya alam kung paano nangyari, ngunit tila may napagtanto siya sa mga lalaking gumawa ng kaniyang baradong poso negro.

Walang maliit o malaking trabaho: lahat ay may silbi at mahalaga. Kung tutuusin, mapalad siya sa kinalalagyan niya ngayon. Maaaring ang iba ay walang trabaho at pinapangarap ang kaniyang trabaho. Naisip niya, hindi siya dapat panghinaan ng loob sa trabahong pinangarap din naman niya noon pa man.

More Stories