Inday TrendingInday Trending
Nagpayaman ng Husto ang Bunsong Ito Upang sa Wakas ay Makuha ang Atensyon ng Ina Ngunit Hindi Pala Pera ang Kailangan Nito Mula sa Kaniya

Nagpayaman ng Husto ang Bunsong Ito Upang sa Wakas ay Makuha ang Atensyon ng Ina Ngunit Hindi Pala Pera ang Kailangan Nito Mula sa Kaniya

“Noong maliit pa tayo’y halos ayaw nating ipahawak o ipayakap siya sa ibang tao. Pero ngayong matanda na tayo at nakikipaghabulan sa mundo. Nasaan na yung mga katagang ‘Akin lang mama ko’.” Umiiyak na sinusulat ni Joana sa kanyang notebook.

Isang writer ang dalaga. Sikat ito sa larangan ng tula, kanta at maiikling kwento. Nakilala rin siya sa kanyang mga spoken poetry na trending sa social media. Ngunit sa dami ng kanyang nasulat ay hindi niya nagawan o naipagmalaki ang ina sa kanyang mga akda dahil galit siya rito.

Mahirap lamang sila Joana. Bunso siyang anak ni Aling Marta. Si Gina ang panganay nito at nag-asawa sa edad na 26, samantalang si Yvet naman ang pangalawa nag-asawa narin sa edad na 24. Sa magkakapatid, si Joana lamang ang nakapagtapos ng kolehiyo at ngayon ay kumikita ng maayos.

Mag-isang itinaguyod ni Aling Marta ang mga anak niya sa pamamagitan ng pagiging kusinera, mayroon itong maliit na canteen. Wala na kasi ang ama nito, sumakabilang buhay na limang taon pa lang si Joana gawa ng sakit sa bato.

Lumaking matigas ang loob ng dalaga. Parati itong ilag na magpakita ng kalungkutan o emosyon sa pamilya. Ayaw na kasi niyang mahirapan pa ang kanyang ina kung pati siya ay magiging marupok katulad ng dalawang kapatid.

“Bunso, buntis raw ang kapatid mong si Yvet.” Lumuhang pahayag ni Aling Marta.

“E hindi nakikinig yang anak niyong yan sa inyo e. Boypren ng boypren ohh di yan, buntis.” Matigas na sagot ni Joana. Tsaka ito umalis para pumasok noon sa eskwela at doon ito umiyak.

“Dear Diary, Ngayon alam na ni mama na buntis si ate Yvet. Lalo lang mahihirapan si mama kung hindi papanindigan si ate.” Sulat ni Joana sa kanyang notebook.

Nanganak ang kapatid nito at katulad nga ng inaasahan ay ang nanay parin niya ang bumuhay rito.

“Dear Diary, Isinusumpa ko, magtatapos ako at magtratrabaho tapos kukuhanin ko si mama kila ate at bibigyan ng maganda buhay.” Sulat ng dalaga.

Nakapagtapos na ang dalaga ng pag-aaral. Nakahanap na rin ng trabaho sa Makati bilang isang Assistant Marketing Manager at nagpapart time writer sa mga diyaryo.

“Ma, magpapadala ako ng 5k sa ‘yo. Ibili mo ng gusto mo ha.” Saad ng dalaga sa telepono habang kausap ang ina.

“Anak, kahit hindi na muna. Umuwi ka na lang dito sa atin mas gusto kitang makasama, bunso.” Sagot ng ina.

“Busy ako ma, eh. Pag free na lang po ako.” Mabilis na sagot ng dalaga at binaba na ang telepono.

Umalis sa Antipolo at nag-dorm sa Makati si Joana dahil hirap na hirap ang puso niyang nakikita ang ina. Pakiramdam niya ay mas makakatulong siya kung lalayo. Natutunan niyang manirahan sa isang maliit na kwarto kung saan higaan lang ang gamit niya at ang study table nito’t mga libro.

Parating nagpapadala ang dalaga ng pera sa kanyang ina, halos sakto lang itinitira nito sa sarili.

“Nak, baka naman wala ng matira sayo, ba’t laging malalaki ang padala mo e may pera pa naman ako at nagluluto pa naman ako sa canteen.” Wika ng ina nito sa telepono.

“Ipunin mo na lang, ma. O di kaya’y bumili ka po ng gusto mo. Magpa-salon ka, bumili ka ng panty, wag ka nang kumuha sa Avon para di ka na laging sinisingil ng mga bumbay. Magpa-foot and hand spa ka dahil kahit kailan ay hindi mo pa iyon nagagawa. Bumili ka ng damit sa mall at hindi yung longsleeves na ukay-ukay kay Aling Berta ang lagi mong suot. Basta ma, para sa ‘yo yan.”

“Ito namang anak ko, ano ba akala mo sa nanay mo? Maluho? Anak, yung makita ko lang kayo na okay masaya na ako. Nga pala, yung mga binibigay mong pera e pinangbibili ko ng mga gatas at diaper ng pamangkin mo tsaka pangbakuna na rin. Hindi naman kasi lahat eh mayroon sa health center. End of contract na kasi yung mga kapatid mo. Sakto na nagkasabay kaya medyo gipit sila. Pero nagtabi pa rin naman ako ng kaunti, baka hanapin mo eh.” Sagot muli ng kanyang ina.

“Bakit ba lagi na lang sila ate ang inaasikaso mo? Bakit palaging sila kahit noong bata pa ako? Bakit ako hindi niyo ginanyan kahit minsan, bakit ako hinayaan niyong lumayo? Bakit sa ‘kin hindi ganyan ang turing ninyo? Bakit kahit may pera na ako at kaya ko na kayong buhayin ay hindi niyo pa rin pinababayaan sila ate para naman matuto sila sa buhay? Bakit ‘di ko naramdamang ako yung bunso ninyo, mama?” Umiiyak na saad ni Joana habang nakikipag-usap sa telepono.

“Anak, hindi. Hindi totoo ‘yan. Lahat kayo pantay-pantay sa ‘kin. Lahat kayo mahal ko, lahat kayo inaasikaso ko. Nagkakataon lang na mas mahina ang mga personalidad ng kapatid mo kumpara sa ‘yo.” Nabasag ang boses ng kanyang ina at tuluyan narin itong umiyak.

“Hindi kita inaalala masyado dahil alam kong malakas ka, alam kong kaya mo kahit na hindi kita tutukan, anak. Kasi may tiwala ako sa’yo. Hinayaan kita sa lahat ng desisyon mo dahil gusto kong matuto ka at kung magkamali ka man, gusto kong marinig ko naman sa’yo na sabihin mo ring ‘Ma, kailangan kita’.”

Ibinaba ng dalaga ang telepono at umiyak ito ng umiyak. Napagtanto niyang hindi pera ang kailangan ng kanyang ina. Kundi siya mismo. Baka kaya nga siya hindi inaasikaso nito ay dahil siya mismo ang lumalayo. Miss na miss na niya ang kanyang ina.

Inilabas ng dalaga ang kanyang notebook at nagsimula siyang magsulat muli.

“MAMA, WAG KANG MAWAWALA. KAILANGAN KITA, MAMA.”

Lumipas ang ilang araw at nagpakasubsob na lamang sa trabaho ang dalaga. Ni kumain ay hindi niya magawa sa dami ng tinanggap na proyekto. Kaya’t isang araw ay bigla na lamang itong bumagsak at nawalan ng malay sa isang coffee shop.

“Anak, lumaban ka. Pagtutulungan natin ito. Nandito lang kami ng mga ate mo sa tabi mo.” Nagising si Joana sa matinis na boses ng kaniyang ina. Tila namaos na ito sa kakaiyak.

Naulinigan niya ring umiiyak ang kaniyang mga kapatid sa tabi ng kaniyang kama sa ospital.

“Joana, nabasa ko ang diary mo. Patawarin mo ako sa lahat ng pagkukulang ko, anak. Alam mo bang isang linggo ka nang walang malay at inakala ng mga doktor na hindi ka na magigising pa? Narito ang mga ate mo, nag-donate ng dugo sa iyo. Naubos na nga ang ipon mo sa bangko kaya’t binenta nila ang ilan sa kanilang mga gamit upang makadagdag sa pambayad ng bills mo dito sa ospital. At ang mga ibinibigay mong pera sa akin, itinabi ko ang mga sobra. Sapat na ang mga nalikom naming pera hanggang sa maka-recover ka, anak.”

Sa pagkakataong iyon, naramdaman ni Joana na mahal na mahal siya ng ina at mga kapatid. Sa pagkakataong kailangan niya ang mga ito upang maging lakas niya habang siya’y mahinang-mahina…

Naroon sila…

Naroon ang kaniyang ina…

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement