Inday TrendingInday Trending
Saksi ang Dalagang ito sa Lahat ng Paghihirap ng Ina Kaya’t Pinarangalan Niya Ito sa Pamamagitan ng Isang Talumpati

Saksi ang Dalagang ito sa Lahat ng Paghihirap ng Ina Kaya’t Pinarangalan Niya Ito sa Pamamagitan ng Isang Talumpati

Galing sa probinsya ng Davao ang pamilya Mendoza. Nanirahan sila sa Maynila mula noong pumanaw ang asawa ni Aling Virgie na si Mang Simeon, isang pintor na di umano’y kinainggitan at kinulam na siya nitong ikinasawi.

Kasama ni Aling Virgie ang dalawa nitong anak na sina Rose at Simon na nakipagsapalaran sa Maynila. Wala kahit ni isang kamag-anak na matatakbuhan at ang tanging bitbit ay sampung libong pera at lakas ng loob na magiging maayos ang kalagayan nila.

Dinala ni Aling Virgie ang kanyang mga anak sa may parteng Bulacan at doon nanirahan. Nangupahan ito ng maliit na kwarto, 700 lang ang kuha niya dito kada buwan. Kumuha rin siya ng pwesto sa talipapa at nagtinda ng gulay na siyang ikinabuhay ng kanyang pamilya.

Sa pagiging tindera niya itinawid ang pag-aaral ng mga anak. Laking pasasalamat rin nito sa bumbay na naging katuwang niya kahit pa mahigpit ito sa paniningil. Mag-isang itinaguyod ni Aling Virgie ang kanyang mga anak, may ilan-ilan na umaakyat ng ligaw sa kanya ngunit hindi na niya ito pinatulan pa. Dahil para sa kanya, sapat nang naranasan niyang umibig kahit pa ito’y wala na.

“Naku, Virgie! Swerte ka talaga diyan sa mga anak mo. Yan ang magbibigay yaman sa’yo.” Wika ni Aling Minda na katabing pwesto niya.

Paparating na ang mga anak nito na malayo pa lamang ay sumisigaw na ng “Mama, nandito na kami. Tutulong na kami sa the best mama namin!” Sabay na isinisigaw iyon ng magkapatid, tila umaawit at galak na galak ang mga ito.

Masayang-masaya si Aling Virgie sa sipag sa pag-aaral ng kanyang mga anak at pati na rin sa pagtulong nito sa kanya sa palengke.

Si Rose ay 4th year high school na. Parating number 1 sa klase ang batang ito. Nananalo sa ibat-ibang mga quiz bee at iba pang patimpalak na siyang nagparami sa medalya nitong naka-kuwadro sa kanilang bahay.

Laging sinasabi ng mga suki niya sa palengke na kilala raw ang anak niya sa eskwelahan dahil sa lubos nitong pagiging aktibo sa klase. Si Simon naman ay nasa 1st year high school, magaling rin sa eskwela pero pansin ng ina na mas mahilig ito sa sports.

“Ma, ako na po ang magtatali niyang kangkong at mag didisplay ng ibang gulay. Kain po muna kayo ng tanghalian.” Wika ni Rose sa ina.

Kailangan kasi na bago mag alas dos ay naka-display na ang mga gulay dahil marami nang bumibili ng mga oras na iyon.

“Sige, anak. Salamat.” Wika ng ina sabay halik sa noo ng kanyang anak.

Inihanda ni Simon ang pagkain ng ina at tsaka ito tumulong sa kapatid. Siya naman ang nagrepack ng siling labuyo, naghiwa ng pang pinakbet at pang chopsuey at ibilanot ito sa plastic na makinang tsaka sinulatan ng PHP10.00.

“Mga suki, bili na kayo! Sariwang gulay!” Sigaw ng dalawang kapatid. Halos ganoon ang araw-araw na pamumuhay ng mag-iina.

“Mga anak, salamat sa inyo ha. Hindi kayo nagsasawang tulungan ang mama.” Wika ng ina habang nag lalakad na sila pauwi.

“Naku mama, hayaan mo malapit na tayong umasenso, pag nakapagtapos ako ng pag-aaral, ako nang bahala sa’yo. Hindi ka na magtitinda pa, magsusukli ka na lang.” Nakangising sagot ni Rose sa kanyang ina.

“Ay ma, sa March 20 na nga po pala ang graduation namin, sa may simbahan po ito gaganapin. Tsaka valedictorian po ang anak niyong maganda, matalino at mana sa inyo.” Pahayag muli ng dalaga sa ina.

“Wow naman, ang galing-galing naman ng anak ko. Salamat sa Panginoon, anak. Ipagpasalamat natin lahat ng biyaya, talento at talino sa ating maylikha. Napakaswerte kong ipinahiram kayo ng Diyos sa akin.” Sagot ng ina.

At dumating na ang araw ng graduation ni Rose. Si Simon ay nag-volunteer sa eskwelahan na maging marshall.

“Ma, dito kayo uupo ha. Kasi valedictorian si ate.” Nakangiting sabi ni Simon sa ina. Sa unang hilera ng mga upuan pinaupo ang ina. Masayang-masaya ito.

“At ngayon para magbigay ng kanyang valedictorian speech. Let us give a round of applause for Ms. Rose Mendoza.” Wika ng host sa mikropono.

“Magandang umaga sa mga minamahal naming magulang, sa aking mga kamag-aral, sa mga guro na walang sawang humubog sa aming katalinuhan at sa mga minamahal naming bisita. Mapagpalang umaga po sa lahat.”

“Nais kong simulan ang talumpating ito para sa aking ina.”

“Mahal kong ina, nais kong pakingan mo ito.” Wika ni Rose sa mikropono sabay ngiti sa kanyang ina.

“Sa aking ina na gumigising ng maaga para magluto sa aming pamilya. Inihahanda ang lahat ng kailangan simula sa salawal hanggang sa pahina ng libro na bibitbitin ko sa eskwela. Sa lahat ng payo mo at paalala, lalo na ang edukasyon lamang ang iyong maipapamana na kailanma’y hindi sa amin makukuha. Aking ina, salamat sa tuwina.”

Pumunta si Rose kung saan nakaupo ang ina, itinayo ito at patuloy lamang na binibigkas ang kaniyang talumpati.

“Simula noong kami’y iyong isinilang, natutunan mo nang kalimutan sarili mong kapakanan. Kami kailanman ay di mo pinabayaan. Sa umaga o sa gabi pati sa pagdarasal mo’y kami pa rin iyong daing imbes na ang sarili. Sa pangangailangan at kagustuhan mong iyong ipinagliban, sa buhay mo mismo na iyong kinalimutan. Aking ina, dakila ka.”

Sa mga sakripisyo mong hindi namin nakikita. Sa mga luha at pawis na ginawa mong sandata. Sa puyat at pagod na iyong kinakaya. Aking ina, the best ka.” Wika ni Rose na naluluha na at inilakad niya sa gitna si Aling Virgie para iharap sa lahat.

“Sa pagkawala ng aming tatay, hindi ka bumigay. Ikaw ang nagsilbing haliging ilaw at marahas man ang mundong ito, ikaw ay naging matibay. Kaya aking ina, mabuhay ka.

Ang medalyang ito ay hindi lang sa’kin. Ang medalyang ito ay para sa’yo rin. Medalya mo ito sa lahat ng iyong sakripisyo. Medalya mo ito sa lahat ng nilabanan mong peligro. Medalya mo ito aking ina, sapagkat ako’y iniluwal, hinubog mo at buong puso mong binuhay sa mundo. Kaya sa aking ina, ikaw ang tunay na valedictorian ng buhay ko. “

At sinabit ni Rose ang medalya sa ina at itinaas nito ang kanyang mga kamay. Nagpalakpakan at nagtayuan ang lahat ng tao.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement