Hindi Na Ako Naniniwala sa Pag-Ibig
“Babe, let me explain!” Pilit na hinahabol ng lalaki ang kanyang kasintahan para magpaliwanag. Nahuli kasi siya nitong may kayakap na ibang babae.
Hindi pinansin ni Yssa ang kanyang taksil na nobyo at tuloy-tuloy lang sa paglalakad paalis. Hindi na siya mag-aabalang makinig pa. Maglolokohan na lang naman sila.
Gaya ng iba pa niyang mga naging nobyo, mangangako itong hindi na mauulit pa at sasabihing wala lang iyon at wala namang malisya, pero sa huli wala. Paulit-ulit na napapako lamang ang mga pangako. Paulit-ulit lamang siyang nagpapakatanga at nagpapaloko sa mga w*langhiyang mga lalaking yan!
“Alam mo ikaw, tantanan mo na ako! Nahuli ka na nga sa akto, magkakaila ka pa?! Kaya pwede ba, huwag mo na akong gawing t*nga!? Parang awa mo na, mawala ka nalang sa buhay ko! Sana hindi ko na ulit makita iyang pagmumukha mo,” hindi na siya nakapagtimpi at hinarap niya na ang taksil na kasintahan at dinuro-duro pa ito.
Puno ng suklam ang puso niya sa pagkakataong iyon. Galit, panghihinayang at paghihinagpis. Hindi niya alam kung bakit pero lahat ng kanyang nakakarelasyon ay parati na lamang siyang niloloko. May sumpa ba siya?
Maganda naman daw siya, mabait at matalino pa. Ano ba ang mali sa kanya? Bakit lahat na lamang ay niloloko siya?
Simula ng araw na iyon, nangako si Yssa na hindi na ulit siya iibig. Hindi na ulit siya magpapakatanga sa pag-ibig na yan! Pinapaasa lang daw tayo nyan. Lahat masaya lang sa umpisa, kalaunan hindi ka rin naman pala sapat para sa kanila. Kaya bakit pa susugal, di ba? Huwag nalang.
Bakit mo pa ibibigay ang buong puso mo, ang buong pagkatao mo sa taong sa huli ay dudurugin lang naman din ito. Oo masarap magmahal at masarap mahalin, ngunit kung paulit-ulit ka rin naman nitong wawasakin, pipiliin mo pa rin kayang sumugal kung alam mong durog na durog kana? Dahil si Yssa, hindi na niya kaya. Hindi na siya magpapakatanga. Yan ang pangako niya.
Lumipas ang ilang taon at pinanindigan ni Yssa ang kanyang pangako sa sarili na hindi na muling magmamahal pa. Wala siyang naging nobyo hanggang sa makapagtapos ng pag-aaral at nagsimula nang magtrabaho. May mga nanliligaw naman, pero ibinuhos ni Yssa ang lahat ng kanyang panahon at buong atensyon sa kanyang mithiin.
Masipag at matalino si Yssa kaya naman naging matagumpay siya sa propesyong kanyang napili. Mabilis din siyang na promote sa mataas na posisyon kahit na siya ay bata pa. Napaka career-oriented naman kasi talaga ng dalaga.
“Anak, kailan ka ba kasi magkaka nobyo ulit? Wala ka bang planong magpakasal at magkapamilya?” tanong na naman ng kanyang mommy. Ilang beses na natanong ng ina sa kanya ang tanong na iyan.
Dalawang taon nalang kasi at malapit na siyang magtrenta. Malapit na siyang mawala sa kalendaryo. Kaya labis na ring nag-aalala ang kanyang mga kaibigan at pamilya na baka nga tumanda na siyang dalaga.
“Mommy ano ba? Hindi na nga ako naniniwala sa pag-ibig na yan eh. Hindi naman totoo yan. Sa umpisa lang masaya, sa huli ikaw rin ang tao. Sinugal mo ang puso mo para lang lokohin ng iba.
Tingnan mo si Daddy niloko ka rin lang diba? Ang sabi niya mahal ka niya, mahal niya tayo, pero ano? Ayun… iniwan tayo at sumama sa iba. Kung ganun lang din naman, wag na, ma. Lahat naman ng lalaki, manloloko. Mas gugustuhin ko nalang tumandang dalaga,” puno ng pait na pahayag ng dalaga sa ina.
Wala namang nagawa ang ina kundi umiling na lamang. Naiintidihan niya naman ang nararamdaman ng anak. Pagkatapos kasing lokohin ang dalaga ng kanyang nobyo ay iniwan din sila ng kanyang asawa para sumama sa kerida nito. Kaya siguro ganun na lamang ang takot ng dalaga na wala na talagang seryosong lalaki at lahat ay manloloko. Ipinapanalangin niya na lamang ng ginang na sana makatagpo ng lalaking tutunaw sa yelong nakapalibot sa puso ng anak.
Sa paglipas ng panahon. Ang mga panalangin ng ginang ay tila ba nagkaroon ng kasagutan. Sa di inaasahang pagkakataon, isang pangyayari ang naganap.
“I do,” puno ng emosyong sagot ng babae sa pari.
“I do,” sagot rin ng lalaki habang nakatingin sa mata ng asawa na punong-puno ng pagmamahal.
Walang tigil ang luha ng ina ni Yssa habang nakatingin sa ikinakasal na anak. Sobra siyang nagpapasalamat sa lalaking tumunaw sa mala-yelong puso ng anak at pinaniwala ulit ito sa hiwaga ng pag-ibig.
Ilang linggo lamang magmula ng mag-usap sila ni Yssa ay bigla na lamang dumating sa bahay nila ang kanyang asawang iniwan sila. Humingi ito ng tawad sa ginawang pang-iiwan sa kanila at sa pagkakataong iyon ay bumawi ito sa lahat ng kanyang pagkukulang. Labis ang pagmamahal ng ginang sa lalaki kaya’t pinili niyang patawarin agad ito.aong
Noong una ay naging matigas pa si Yssa sa pagpapatawad, subalit hindi rin niya natiis ang ama. Ang lalaking nakapagkumbinsi sa ama ni Yssa na muling bumalik sa kanila ay wala palang iba kundi ang gwapo at matiyagang manliligaw ng dalaga noon, subalit hindi nabigyan ng pagkakataon dahil naging matigas ang puso nito sa usaping pag-ibig.
Lahat ng paraan ay ginawa ni Anthony, ang matiyagang manliligaw ni Yssa upang mapalambot ang puso ng dalaga. Isang malaking puntos naman na nagawa nitong pabalikin ang ama ng babae at muling nabuo ang kanilang pamilya.
Pinatunayan ni Anthony na seryoso siya at handa niyang gawin ang lahat upang makuha lamang ang matamis na “oo” ng dalaga. Hindi naman din nabigo dahil nakamit din naman niya ito matapos ang halos isang taong panunuyo.
“Mahal na mahal kita,” bulong ng lalaki kay Yssa.
“Mas mahal kita,” sagot naman ni Yssa sa asawa.