Hindi makapaniwala si Michelle na nasa harapan na niya ang pangarap niya. Pangarap ni Michelle ang maging isang artista at nasa labas siya ngayon ng network nais niyang pagtrabahuan. Labis na saya at pagkasabik ang kanyang nadarama. Sa wakas, masisimulan niya na ang pangarap niya.
“Okay miss, we’ll just call you. Thank you,” saad ng babae pagkatapos niyang mag audition para sa isang role sa isang ipapalabas na drama. Ngumiti na lamang si Michelle at nagpasalamat.
Naka-ilang audition pa si Michelle ngunit lahat daw ay tatawagan na lamang siya. Nagsisimula na siyang panghinaan ng loob.
“Ano ba yan, tatawagan na naman? Bakit ba hindi nalang nila sabihin na ayaw nila sa akin? Pinapaasa lang nila ako eh!” naiiinis na saad ng dalaga habang papalabas ng establisimento. May nakita naman siyang lalaking nakaupo sa gilid at binubura ang numerong nakasulat sa may palapulsuan nito.
“Hoy, bawal yan ah!” puna niya sa ginagawa ng lalaki.
“Bakit? Sabi nila try again diba? Oh edi ito, I will try again,” nakangising sagot ng lalaki kay Michelle.
Natawa na lamang ang dalaga at lumapit sa binata. Kinuha niya ang alcohol sa bag niya at ang hawak na panyo ng binata.
“Ayan. Dapat kasi dahan-dahan lang eh. Para hindi ka nasasaktan,” nakangiting saad ni Michelle sa binata.
“James,” sabay abot ng kanyang kamay sa dalaga habang nakatingin sa mga mata nito.
“Michelle,” sagot naman ng dalaga at kinuha ang kamay na nakalahad sa kanyang harapan.
Doon na nagsimula ang magandang samahan ng dalawa. Parati silang magkasama sa mga auditions. Parati rin silang nakasuporta sa isa’t isa sa lahat ng proyektong pinapalad na sila ay nakukuha. Di naman nagtagal, tuluyan nang nahulog ang kanilang loob sa isa’t isa.
Niligawan ni James si Michelle at sinagot naman siya ng dalaga matapos ang isang taong panliligaw. Umabot sa dalawang taon na ang kanilang relasyon at ganun pa rin ang kanilang ginagawa, paraket-raket at paekstra-ekstra sa mga pelikula at teleserye.
“Saan mo ba kasi ako dadalhin?” nasasabik na tanong ni Michelle sa nobyo. Nakatakip kasi ang mga kamay ng binata sa kanyang mga mata.
“Surprise! Happy 2nd Anniversary, Love!” Masiglang saad ng binata nang tanggalin ang kanyang mga kamay na nakatakip sa mga mata ng dalaga at saka siya hinalikan nito sa pisngi.
Sinasabi niya na nga ba at may surpresa sa kanya ang nobyo. Masaya silang nag celebrate ng kanilang anniversary ng maisipan ni Michelle na sabihin sa kasintahan ang matagal tagal na ring bumabagabag sa kanyang isipan.
“Love, wag kang magagalit ha? May sasabihin sana kasi ako sayo eh,” paumpisang pahiwatig nya sa binata.
“Sure, ano yun Love?” nakangiting sagot naman ni James sa nobya.
“Hindi naman sa hindi ako masaya kung ano tayo ngayon ha? Masaya ako. Kaso…” hinawakan muna ni Michelle ang kamay ni James bago magpatuloy sa kanyang sasabihin, “Ayoko na kasi ng paraket-raket lang. Gusto ko na ng matinong trabaho. Yung stable. Para na rin sa atin, Love.”
“Paano yung pangarap natin maging bida sa sarili nating pelikula?” tanong naman ni James kay Michelle.
“Ako lang yung susuko, Love. Pero ikaw, hindi. Nakikita ko kasi sayo na ito talaga ang pangarap mo. Kaso, hindi na ganun para sa akin eh. Iba na ang gusto kong gawin. Pero hindi naman ibig sabihin nito ay iiwan na kita.
Nandito pa rin ako, susuportahan ka. Magkaiba nga lang tayo ng pangarap na aabutin na. Pwede ba?” tinitigan ng mabuti ni James ang mga mata ni Michelle bago nagsalita.
“Ikaw ang bahala. Kung saan ka masaya, dun na din ako,” bigla namang nagliwanag ang mukha ng dalaga at saka niyakap ang nobyo.
“Thank you! Thank you! Thank you, Love!” hindi niya akalaing papayagan siya ng nobyo.
Nagsimula na ngang tahakin ni Michelle ang bagong landas na kanyang napili. Hindi rin iyon naging madali para sa kanya, pero para sa kanila, para na rin masuportahan ang nobyo sa pangarap nila, hindi siya sumuko at nagpatuloy sa pagpupursigi. Hanggang sa unti-unting umayos ang lahat at sa wakas ay naging matagumpay rin siya. May narating na rin ang paghihirap niya.
Samantalang si James ay ganun pa rin, paekstra-ekstra at naghihintay ng kanyang big break. Halos hindi na nga sila magkasama o magkita ng kasintahan dahil sa sobrang abala ng dalaga sa trabaho. Kaya pati rin siya ay nagsusumikap talaga para naman Hindi hiya mapahiya sa nobya.
Ganunpaman ay ginagawan nila ng paraan na magkaroon ng oras pa rin sa isa’t isa. Tumagal ng ganun ang kanilang relasyon.
“Alam kong super stressed ka today, pero wag nating hayaang masira yung araw natin, okay?” masiglang saad ni Michelle sa binata habang nakapiring ang mga kamay niya sa mata ng kasintahan. Hindi naman umimik ang binata.
“Surprise! Happy 5th Anniversary, Love! Nagustuhan mo ba ang surpresa ko?” masiglang tanong ni Michelle sa nobyo.
“Love,” hindi makapaniwala ang binata sa ginawa ng nobya. Pakiramdam niya ay nanliit siya. Umupo siya ng walang emosyong makikita sa kanyang mukha.
“Love, kung tungkol ito sa trabaho mo, sinabi ko naman sayo di ba okay lang? Naiintindihan ko naman,” malumanay na pahayag ni Michelle kay James.
“Eh kasi Love, ako yung lalaki, ako dapat ang nagbibigay sayo ng mga pangangailangan mo. Ako dapat yung nagbibigay sayo hindi yung ikaw lang lagi ang bigay ng bigay! Ano ba, hindi ka ba nauubos?!” nag-uumpisa ng tumaas ang boses ng binata kaya naman agad hinawakan ng dalaga ang kamay nobyo para pakalmahin ito.
“Love, hindi importante sa akin yun. Ang importante ay mahal kita. At ang pagmamahal kung totoo, hindi talaga dapat nauubos, di ba?” Buong pusong pahayag ni Michelle sa nobyo.
“Hindi Love, ayoko na…” saad ng binata habang nakatingin sa kanyang mga mata.
“A-are you breaking up with me?” unti-unti ng namumuo ang luha sa gilid ng dalaga. Natigilan naman ang binata sa sinabi ng nobya.
“What? No! Ang ibig kong sabihin, ayoko na… Ititigil ko na itong pangarap ko. Baka hindi talaga para sa akin ang pag-aartista at sadyang ipinagpipilitan ko lang. Baka may iba talagang plano para sa akin ang Diyos,” hinawakan naman ng mahigpit ni James ang kamay ni Michelle. Tuluyan naman tumulo ang kanina pang pinipigilang luha ni Michelle.
“Nakakainis ka! Akala ko hihiwalayan mo na ako!” natawa naman silang pareho sa naging reaksyon ni Michelle.
“Ikaw bahala Love, kung ano man ang desisiyon mo, rerespetuhin ko. Susuportahan kita basta ba mapapabuti ka. Ano man ang maging desisyon mo, nandito lang ako at sasamahan ka. Hindi kita iiwan,” puno ng pagmamahal na tugon niya kay James.
“Maraming salamat Love. Maraming salamat at kahit kailan ay hindi mo ako iniwan. Kahit na malayo na ang narating mo at ako, heto wala pa rin. Mahal na mahal kita at sobrang proud ako sayo,” tumayo si James at nilapitan si Michelle para ikulong sa mga bisig niya.
“Mahal na mahal din kita James, at sobrang proud din ako sayo. Kasi you never gave up sa pangarap mo at patuloy na lumaban. Dun palang, proud na proud na ako sayo,” puno ng emosyong sagot ni Michelle sa nobyo.
Sinubukan muna ulit ni James ng isa pang beses bago niya tuluyang bitawan ang kanyang pangarap, at sino ba naman ang mag-aakala na kung kailan handa na siyang bumitaw ay kailan pa siya mabibigyan ng pinaka-iintay niyang big break. Ipinalabas ang pelikulang Puso Ko’y Sayo Lamang kung saan si James ang gumanap bilang leading man. Itong ang naging simula ng tagumpay ni James sa industriya.
Mas naging matatag din naman ang kanilang relasyon ni Michelle at nagpatuloy na magpursigi sa kanilang mga napiling career. Magkaibang landas man ang napili nilang tahakin, pinagbubuklod parin sila ng kanilang pag-ibig para sa isa’t isa at pinipiling manatili sa tabi ng bawat isa. Yan ang tunay na mahalaga.
Nawa’y tularan din sana natin si James na hindi sumuko sa kanyang pangarap kahit na gaano man ito kahirap, nagpatuloy pa ring lumaban. Maniwala lamang tayo sa nasa itaas at siguradong makakamit rin natin ito kung ito ay para sa atin talaga.