Nakakapagod maghanapbuhay sa Maynila, ito ang madalas na pumapasok sa isipan ni Noel sa pang-araw-araw na kayod niya sa klase. Siya’y nagtatrabaho sa isang pampublikong paaralan bilang isang guro sa araling panlipunan.
“Noel! na-submit mo na ba ‘yung monthly report for July?” tanong ni Tim, ang pinuno ng kagawaran sa kanyang pinagtatrabuhang eskwelahan.
“Sir, kaunting pagbabago na lang kailangan at maisusumite ko na ‘yung report,” tugon ni Noel.
“Hmm, sige. Kailangan na iyan bago matapos itong linggo. Bawal ma-leyt, Mr. Ragasa.”
“Opo sir Tim, matatapos ko po iyon nang agaran,” kinabahang sagot ni Noel.
‘Kay hirap nga naman maghanapbuhay sa isang pampublikong paaralan, lalo na’t bagong guro lamang si Noel. Kung hindi ka mapapagod sa dami ng mga papel at sulatin, mapapagod ka naman sa dami ng mga mag-aaral na hawak mo. Isama na rin dito ang mga katrabaho mong mahirap paki-usapan at makihalubilo.
“Oh Noel, gising! Bakit ang tamlay mo lagi?” biglang tapik ni Maia, isang guro na nagtuturo rin ng araling panlipunan sa eskwelahan.
“Ah haha ano, medyo natulala lang ako sa init ngayon. Napaka-init sa bansang ito.” sagot ni Noel.
“Aysus ito bigyan kita ng pamaypay. Mahirap ‘yan baka mahimatay ka sa init, mag-aalala ako niyan.”
“Oh, ‘diba sa’yo ito? Hindi mo ba gagamitin, Maia?”
“Nope! Okay lang ako kahit wala ‘yan. Tsaka ang baho mo kapag pinagpapawisan ka! Joke!” sabay tawa nang malakas si Maia.
“Hay, babatukan kita. Salamat na lang Maia ah, at papasok na ako sa klase, tapos na ang recess,” tugon ni Noel.
“Okay! Nasa faculty lang ako, nag-i-input ng grado ng mga bata. Good luck!”
Parehas na baguhang guro sina Noel at Maia. Masuwerte silang dalawa marahil natanggap sila parehas. Marami rin kasing pinagpipilian lagi doon sa eskwelahan na iyon, kaya malaking biyaya sa kanila na makapagturo agad, lalo na kay Noel. Hindi maginhawa ang estado ng buhay ni Noel at si Maia naman, namumuhay sa kasaganahan ang kanyang pamilya.
Natapos na ang klase at papauwi na ang mga kapwa guro at mag-aaral para sa evening shift. Mabilis na nag-ayos si Noel ng kanyang mga gamit dahil kailangan na niyang umuwi agad.
Sa bahay nila, siya, ang nanay at lolo niya ang nakatira. May sakit ang lolo niya na emphysema at liver failure, kaya isa ito sa mga rason ng pagpupursige niya sa trabaho.
“Noel! sandali lang, pamaypay ko! Magnanakaw!” sabay tawa ulit nang malakas ni Maia.
“Ay oo nga pala! Sorry! Ito, muntik ko na makalimutan,” at natawa rin si Noel sa kanyang sarili.
“Kahit kailan talaga, ulyaning lolo ka eh no? Dami mo na kasing puting buhok,” sabay hinawakan nang mahigpit ni Maia ang patilya ni Noel.
“Aray! Hoy, buhok ko!”
“Hoy kayong dalawa! Umuwi na kayo! Mga haliparot na kabataan nga naman!” sigaw ni Sir Tim sa dalawa.
“Opo sir, uuwi na po,” sabay na sagot nina Noel at Maia.
Simula noong ika-apat na baitang ay nagkakilala na si Noel at Maia. Madalas silang nagdadaldalan sa klase marahil naging matalik na magkaibigan sila dahil magkalapit lang sila ng bahay. Parehas sila ng kurso na kinuha sa kolehiyo at nagtapos na may karangalan. Cum Laude si Maia at Leadership Awardee naman si Noel.
Lagi ring magkasabay umuwi ang dalawa. Kung babasahin ang kanilang mga isipan, mahal ni Maia si Noel, matagal na. Ma-prinsipiyo at mabuting tao si Noel. Palagi lang na nag-aalala si Noel sa lolo niya, kaya wala siyang kaide-ideyang may damdamin si Maia sa kanya.
“Kumusta na si Lolo Itang?” tanong ni Maia kay Noel.
“May katahimikan bago nakasagot si Noel.
“Ayun, mukhang babalik na naman sa ospital,” malungkot na sagot ng lalaki.
“Hmm, malala na ba ang kalagayan ni lolo?”
“Oo.” Sa ganoong sagot ay nahalata na ni Maia ang bumabagabag kay Noel.
“Alam mo, ginagawa sa akin lagi si mommy kapag malungkot ako?”
“Ano?”
Umupo nang maayos si Maia sa loob ng dyip, nilagay niya ang braso niya sa bandang batok ni Noel at hinila niya ang ulo nito papunta sa kanyang kanang balikat.
“Ganito, at sasabihin ni mommy sa akin na, ‘Maymay, okay lang ‘yan. nandito si mommy lagi para sa iyo,” sabi ng babae sabay inihiga ang pisngi sa bumbunan ni Noel.
Nabigla si Noel sa galaw ni Maia. Wala siyang nagawa kung hindi ang mamula at pumikit. Hindi lang dahil sa malakas ang tibok ng kanyang puso, dahil na rin sa lahat ng sakit sa kalooban niya tuwing naaalala ang sinasapit niya at ng kanyang lolo.
“Nandito na tayo Noel. Naku, baka makatulog ka at tumulo ang laway mo sa uniform ko ah!” sabay tawa ulit nang malakas ni Maia.
“Hindi ah! Hay naku!”
Dali-daling nagpaalam si Noel kay Maia at naghiwalay muli ang dalawang magkaibigan.
Pag-uwi ay sinalubong naman si Noel ng kanyang lolo sa pintuan. “Buti nakauwi ka na, El. Kumusta ang mga jablu?” tanong ni Lolo Itang.
“Lo! Mababait ang mga estudyante ko!” napatawa naman si Noel sa kanyang lolo.
“At Lo, pumasok ka na sa bahay, baka malamigan ka sa labas.”
“Okay lang ‘yun apo, nasa finish line naman na ako eh.”
“Lo, huwag ganyan,” sabay simangot ni Noel sa kanyang Lolo.
“Pero Noel, kahit na malubha na ang sakit ko at mahirap na ang paghinga ko, lilipas ako nang mapayapa.”
Wala nang maisagot si Noel kung hindi ang maghanda ng hapunan para sa pamilya.
“Mapayapa na rin ako dahil alam kong may mag-aalaga sa inyo, lalo na sa iyo Noel.”
“Kaya ko naman po sarili ko Lolo.” sabay pinagmayabang ni Noel ang kanyang braso.
“Huwag mo balewalain si Maia, Noel.”
“Bakit naman po napunta kay Maia ang usapan, Lo?” biglang namula ang mukha ni Noel dahil natandaan niya ang ginawa ni Maia kanina.
“Oh ho, bakit parang nangamatis ang mukha mo? May maganda sigurong nangyari no? Mga kabataan nga naman.” sabay tawa at ubo ni Lolo Itang.
“Lo!”
“Biro lang anak. Pero, huwag mo babalewalain ang kay bait na batang ‘yun. Dumadalaw lagi siya dito tuwing linggo at bumibili ng bibingka at leche flan para sa amin ng nanay mo. Lagi ka rin niyang kinukumusta.”
Biglang nalungkot si Noel.
“Alam mo Noel, marami na ang nagawa mo para sa akin. Sobra-sobra na nga. Kung tutuusin, alam kong hindi na rin naman ako magtatagal sa mundo. Kaya apo, anak, El, ito na lang siguro huli kong hihilingin sa iyo, huwag na huwag mong papaiyakin si Maia.”
Halatang seryoso ang mga mata ng kanyang lolo.
“Natatandaan ko pa dati noong nasa elementarya pa lang kayo, lagi mong dinadala si Maia dito at maglalaro kayo ng baril-barilan. Akala ko lalaking tibo ang prinsesang iyon,” wika ng matanda sabay ngiti.
“Kaya apo, masdan mong maigi kung gaano mo napapasaya ang mga tao, kami, lalo na si Maia.”
“Lo talaga…sige, pero ngayon kumain muna tayo, alam kong gutom ka na Lo…” mabagal na tugon ni Noel.
Matapos kumain ay buong gabing gising ang diwa ni Noel. Ngayong napansin niya ang mga nagdaang taon, kasama ang pinakamatalik niyang kaibigan na si Maia, parang isang trak na bumangga sa kanyang dibdib ang lahat ng tuwa at siglang naidulot ni Maia sa kanya, at madalas itong natatabunan mula noon hanggang ngayon ng lungkot dahil sa sakit ng lolo niya.
“Tanga-tanga mo, Noel. Tanga-tanga mo!” sabay kinuha niya ang phone niya at chinat niya si Maia.
“May, papatulong ako sa visual aid ko bukas. Sulat lang naman, ako na bahala sa kulay at drawing.”
“Sige ba El, see you tomorrow! Magdadala ako ng tsokolate, iyong paborito mo,” reply ni Maia.
“Sige, haha!” reply naman niya.
“Iwawasto ko na. Para sa hiling mo lolo, at para sa tagal ng panahon mong paghihintay Maia. Kasi ngayong wala na ako gaanong pangamba, malinaw ka na sa akin at walang makakapalit na sa lahat ng nagawa mo para sa akin,” bulong ni Noel sa sarili.
“Mahal na ata kita, Maia.”
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!