Inday TrendingInday Trending
Tuwing Papatak ang Ika-Apat

Tuwing Papatak ang Ika-Apat

“Alas-kwatro na ng hapon at ako’y uuwi na sa amin,” wika ni Matilda, isang internal auditor ng isang kumpanya sa Blumentritt.

Hindi kalayuan ang kasalukuyang tinutuluyan na dorm ni Matilda. Ito’y matatagpuan sa Lacson Avenue. Sa Kyoto, Japan naman naghahanapbuhay ang kanyang mga magulang at mag-isang anak lamang siya, kaya siya’y mag-isa na naninirahan sa dorm. Kahit na mag-isa siya, kasama naman niya ang alaga niyang aso na si Belle.

“Oh ito Belle, paborito mong pagkain. Kain ka na ha?” malambing na sabi ni Matilda sa alaga.

Makikita naman sa aso ang ngiti at tuwa sa tuwing pinapakain at pinapansin siya ng kanyang amo.

“Tulog ka muna diyan Belle, papahinga lang si mommy mo, pagod dahil sa trabaho at kulang pa ako sa tulog,” aniya at tuluyang humiga at nagpahinga na.

Hindi kasikipan ang nirerentang silid ni Matilda. Sapat na ito para sa dalawang tao, kaya marami-raming espasyo upang maglibot at maglaro si Belle. Si Belle na rin ang nagbibigay ng tuwa at lambing para hindi maramdaman ni Matilda na mag-isa lang siya.

“Belle! Halika, may nakita akong magandang damit at gusto kong isuot sa ‘yo!”

Masiglang binuhat ni Matilda si Belle at isa-isang isinuot ang sapatos, damit, at ribbon para sa aso.

“Aww, ang cute -cute mo talaga! Hihi pipiktyuran kita lagi.”

Si Belle naman ay walang ginawa kung hindi ang sundan kung saan pumupunta si Matilda at laging nakangiti sa kanya.

“Alam mo, buti na lang kasama kita sa buhay ko. Sa tuwing pagod ako galing sa trabaho at stressed ako sa boyfriend ko, nandiyan ka, laging magana at nakangiti sa akin. I love you so much!” aniya at hinalikan ang bumbunan ng alaga at pinalitan naman nito ng maraming pagdila sa pisngi ng amo.

Mayamaya ay may nagtext kay Matilda.

“Babe, saan ka? Sorry na, bilhan kita ng pagkain. Anong gusto mo?” text ni Rico, boyfriend ni Matilda.

“Wala babe, wala ako sa mood. Next time na lang,” reply niya.

“Bakit? Sorry na, please! I’ll make it up for you.”

“Ano?”

“Pupunta ako diyan, bibilhan kita ng paborito mong ice cream, tapos usap tayo, please!” pagmamakaawa ng nobyo.

“Okay. Agahan mo at may pasok pa ako bukas,” reply ni Matilda.

Laging magka-away ang magkasintahang si Rico at Matilda. Madalas kasing nahuhuli ni Matilda na nag-iinom kung saan-saan si Rico dahil nagsusumbong ang mga kaibigan nito kay Matilda. May isang beses na rin na nahuli ng girlfriend na may kausap na babae sa phone si Rico sa dis oras ng gabi. Tatlong taon na rin ang relasyon ng dalawa, pero habang tumatagal sila’y nagkakalayuan ng damdamin.

“Alam mo Belle, kung pwede lang talagang gupitin iyang pagkalalaki ni Rico para matuto siya, aba matagal ko nang ginawa! O kaya, sana magkaroon na lang ako ng lakas ng loob na umalis na sa relasyong ito. Kaso, wala eh. Mahal ko siya, at kahit pa paano, minahal niya rin ako pabalik. Sana talaga, umayos na siya. Kaka-stress iyang putotoy mo na ‘yan!” sabay tawa si Matilda, ngunit may bahid pa rin ng lungkot sa mga mata.

Isang oras mahigit ang tinagal bago nakarating si Rico sa dorm ni Matilda. may dala-dala itong ice cream, isang rosas at nakaporma pa.

“Babe, nandito na ako. Buksan mo ‘yung pinto.”, habang kumakatok ni Rico.

“Ang tagal mo ha, alas-otso y medya na. Pasok ka na!” tugon ni Matilda.

“Ito babe, bulaklak para sa’yo,” sabay ngiti ng nobyo.

“Para sa akin ba talaga? O para doon sa palagi mong kausap sa messenger?”

“Para sa’yo babe, ikaw lang naman lagi kong ka-chat eh,” wika ng nobyo.

“Tigilan mo ako Rico, huling-huli ka na noong isang araw pa!” pagalit na sabi ni Matilda kay Rico.

Wala nang nagawa ang nobyo kung hindi ang umupo sa kama ni Matilda. Nagtatago si Belle sa ilalim ng kama, tila masama ang tingin sa paa at binti ni Rico. Umuungol din si Belle kay Rico, na para bang gusto nitong kagatin ang lalaki.

“Kita mo, pati ‘yung aso ramdam ang mga kalokohan mo, Rico!” pagalit na sabi ni Matilda.

“Babe, sorry na kasi. Wala namang akong kausap na iba sa messenger eh,” mahinang tugon ni Rico.

“Eh bakit ka nagso-sorry ngayon? Kung wala kang kasalanan, bakit ganyan ka ngayon?

“Eh galit ka babe, kaya nagso-sorry ako.”

“Wow, nagso-sorry nang hindi alam kung ano ang kasalanan niya. Galing mo rin eh no!”

“Babe…”

“Bitawan mo ako Rico.”

“Sorry na…”

“Bitawan mo ako sabi! Anog gagawin mo!?” sabay tinulak ni Rico si Matilda sa kama.

Napasigaw si Matilda ngunit halos walang makarinig sa kanya sa loob ng silid niya. Nang marinig ang hiyaw at pagkatakot ni Matilda ay kinahulan at kinagat ni Belle ang paa ni Rico.

Dahil sa nasaktan ang lalaki ay sinipa ni Rico ang aso hanggang sa tumilapon ito sa may pinto. Matapos makita ni Matilda ang ginawa ng nobyo sa kanyang aso, ay sinipa niya si Rico sa bandang singit niya at tumiklop sa sakit ang lalaki.

Agad-agad na pumunta si Matilda kay Belle. Mabuti na lamang ay buhay pa ang aso ngunit hindi ito makalakad o makatayo man lang.

“Walang-hiya ka! Hindi pa sapat sa’yo ang pagtangka mo ng pagmomolestiya sa akin, dinamay mo pa ang pinakamamahal kong aso?” pasigaw at pagalit na sabi ni Matilda.

“Kinagat ako, anong gusto mong gawin ko, Matilda ha?”

“Lumayas ka…lumayas ka sa kwarto ko! Huwag na huwag ka nang babalik dito! Wala ka nang babalikan pa dito!” habang hawak ni Matilda ang kinuhang kutsilyo sa kusina.

Dahil sa sobrang inis ay umalis si Rico. Kahit kailan ay hindi na bumalik pa sa dorm ang lalaki. Matapos ang lahat ay nakadapang umiiyak ang dalaga. Yakap-yakap niya si Belle. Mayamaya ay pumunta siya sa beterinaryo at pina-check-up ang alaga..

Mabuti na lamang ay walang natamong nakakamatay na sugat si Belle, ngunit hindi na maayos ang paglalakad nito. Paika-ika kung maglakad ang mahinang aso, ngunit ngumingiti pa rin si Belle sa imahe ng kanyang amo. Wala nang nagawa ang amo kung hindi ang umiyak at yakapin na lang ang kanyang pinakamamahal na alaga.

“Alas-kwatro na naman ng hapon, kailangan ko nang umuwi,” pabulong na sabi ni Matilda.

At pag-uwi ni Matilda ay nadatnan niya agad si Belle, malaki ang ngiti sa mukha at paika-ika kung maglakad. Tatlong buwan na rin ang nakalipas simula noong nangyari ang pagmaltrato sa kanila ng isang lalaki, hindi pa rin natatanggal ang pait sa puso ni Matilda tuwing nakikita niya si Belle sa kalagayan nito. Ngunit, masaya na rin si Matilda, marahil kung hindi dahil kay Belle ay baka kung ano pa ang nangyari sa kanya sa kamay ni Rico.

“Mahal na mahal kita, Belle, lagi mong tatandaan ‘yan! Ito, paborito mong pagkain!” masayang wika ni Matilda sa alaga.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement