Inday TrendingInday Trending
Gusto Ko ng Anak

Gusto Ko ng Anak

“Hon, gusto ko na talagang magkaanak,” paglalambing ni Myrna sa kanyang mister na si Oscar. Magtatatlong taon na kasi silang kasal ngunit hindi pa rin sila nagkaka-anak ng kaniyang mister. Ayaw pa kasi ng lalaki.

“Ano ka ba, sinabi ko naman sa’yong ayokong magkaanak!” galit na sagot ng kaniyang asawa at lumabas ito ng kanilang kwarto.

Hindi niya maintindihan kung bakit ayaw ng asawa niya na magka-anak sila. Gaya ng halos lahat ng babae sa mundo, pangarap niya ang maging isang nanay. Pangarap niya ang magsilang ng isang sanggol sa mundo na labis niyang mamahalin at pag-aalayan ng kaniyang buong puso at pagkatao, pero hindi iyon maibigay sa kaniya ng kaniyang asawang si Oscar.

Labis na mahal niya ang kaniyang asawa kaya naman kahit na hindi nito maibigay ang kanyang pangarap ay hindi niya ito iniiwan. Hindi na lang siya sumusuko na baka sakaling isang araw ay magbago ang isipan nito at gustuhin ng magka-anak.

“Bes, hindi ko na talaga alam ang gagawin ko,” umiiyak na tugon kay Myrna ng matalik niyang kaibigang si Jessa. Walang tigil ito sa kaiiyak simula ng pagbuksan niya ito ng pinto, agad siya nitong niyakap at magang-maga ang mga mata dahil sa walang hinto sa pag-iyak.

“Bakit, ano ba talaga ang nangyari sa’yo Jess?” puno ng pag-aalalang tanong niya sa kaibigan. Tiningnan siya nito sa mga mata at tumulo na naman ang mga luha ni Jessa.

“Buntis ako,” umiiyak na sagot nito sa kanya na ikinabigla niya.

Dalaga si Jessa at wala itong nakwekwentong nobyo sa kanya kaya hindi niya alam kung sino nga ba ang ama ng ipinagbubuntis ng kaibigan. Niyakap niya ang kaibigan para iparamdam rito na ayos lang iyon dahil isang biyaya ang lahat ng sanggol, kahit ba nabuo ito ng dahil sa pagkakamali.

“Ayos lang iyan. Tutulungan ka namin ng asawa kong palakihin ‘yang anak mo. Hindi mo kailangang matakot. Alam ko rin namang magiging isang mabuti kang ina eh,” pagpapagaan niya sa loob ng kaibigan.

Simula ng araw na iyon ay naging madalas na si Jessa sa bahay nila Myrna. Habang tumatagal ay hindi niya maiwasang mapansin na tila ba nagiging mas malapit ang kanyang asawa sa kanyang matalik na kaibigan at grabe ito kung makapag-alaga kay Jessa, aakalain mong si Jessa ang asawa at hindi siya.

Dahil ayaw niya namang pag-isipan ng masama ang kanyang asawa at matalik na kaibigan ay pilit niya na lamang itong hindi pinapansin at binibigyan ng malisya.

Hanggang sa nanganak si Jessa at madalas na iwan ang anak nito sa kanila ng kaniyang asawa. Noong una ay sadya siyang natutuwa sa bata dahil nga gusto niyang maging isang ina. Kahit papaano ay napupunan ang kanyang kagustuhan na maging isang nanay dahil sa anak ni Jessa.

Pero taliwas sa kanyang inaasahan at labis niyang ipinagtataka ay ang pagtanggap ng kanyang asawa sa bata. Madalas itong laruin at alagaan ni Oscar na para bang anak niya ito. Mukha namang handa na itong maging isang ama.

Mas tumindi ang kanyang hinala nang tanungin niya ang matalik niyang kaibigang si Jessa kung sino nga ba ang ama ng anak nito.

“Hanggang ngayon ba naman Jessa ay hindi mo pa rin kayang sabihin sa akin kung sino ang ama ng inaanak ko?” tanong niya sa kaibigan. Hindi naman ito makatingin sa kanya ng diretso at halatang umiiwas.

“Ano kasi bes, may asawa na kasi siya kaya nahihiya akong aminin sa’yo kung sino ang ama ng anak ko,” nahihirapang sagot sa kanya ni Jessa. Hindi niya na pinilit ang kaibigan dahil nakikita niyang ayaw talaga nitong pag-usapan ang ama ng bata.

Kinagabihan ay muli niyang tinanong ang asawa niya tungkol sa pagkakaroon nila ng anak, “Hon, mukha namang natutuwa ka sa anak ni Jessa, parang handa ka naman na maging isang ama. Panahon na siguro para magkaroon tayo ng sariling anak natin, ano sa tingin mo?”

Agad naman na nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Oscar sa kanyang narinig, “Ayoko ngang magkaanak! Hindi mo ba talaga naiintidihan iyon?” marahas na sagot nito sa kanya. Hindi na napigilan pa ni Myrna ang kanyang sarili dahil sa naging reaksyon at asta ng kaniyang asawa.

“Eh bakit sa anak ni Jessa ay ayos lang naman sa’yo? Para mo nga siyang anak kung ituring mo eh!” hindi niya na napigilang sumigaw dahil sa sama ng kaniyang loob.

“Dahil anak ko siya!” malakas na sigaw ng kanyang asawa. Gulat na gulat siya sa kanyang narinig.

“A-anong sabi mo?” hindi makapaniwalang tanong niya kay Oscar.

“Anak ko ang batang iyon. Ako ang ama ng anak ni Jessa,” pag-amin sa kanya ng kanyang asawa. Mabilis na nasilaglagan sa kanyang mga mata ang kanyang mga luha. Bagama’t may pagdududa ay hindi niya pa rin inaasahang ang asawa nga niya ang ama ng anak ng matalik niyang kaibigan.

Napag-alaman niyang una pa lamang ay si Jessa na pala ang mahal ng kanyang asawa, ang kaso ay hindi ito pinapansin ng matalik niyang kaibigan kaya naman ginamit siya nito para pagselosin sana ang babae. Pero hindi talaga ito gusto ni Jessa kaya naman siya ang pinakasalanan. Ito rin ang dahilan kung bakit ayaw magkaanak ng kaniyang asawa sa kanya.

Hindi sinasadyang may nangyari kay Jessa at sa kaniyang asawa nung minsang nagkita ng hindi sinasadya ang dalawa sa isang bar. Lasing ang dalaga at pinagsamantalahan naman ng kaniyang asawa ang kalasingan nito. Nagbunga ang minsang pagkakamaling iyon at nabuo ang kanyang inaanak.

Umiiyak na humihingi ng kapatawaran sa kanya si Jessa dahil hindi naman talaga nito mahal ang kanyang asawa at isang malaking pagkakamali lang talaga ang nangyari. Alam niyang labis siyang nagpapakatanga pero mas pinili ni Myrna na patawarin na lamang si Jessa at ang kaniyang asawa.

Umalis ng bansa si Jessa kasama ang bago nitong nobyo at iniwan sa kanila ang anak nito. Itinuring niya namang sariling anak ang bata at muli silang nagsimula ng kanyang asawang si Oscar. Dahil sa kaniyang ginawang pagpapatawad sa kanyang asawa ay napagtanto ni Oscar na sobrang swerte niya sa kanyang misis, nagawa niya ng mahalin si Myrna ng buo at makalipas lamang ang isang taon ay binigyan na nila ng kapatid ang panganay nilang anak.

Advertisement