
Tiwalang Nasira
“Babe, si Jeanie nga pala, bagong hire,” pagpapakilala ni Andrew sa bagong empleyado sa kanilang kompanya sa nobya niyang si Klarissa.
“Hi, ako nga pala si Klarissa, girlfriend ni Andrew,” nakangiting bati ng dalaga sa ipinakilala sa kaniya ng nobyo.
“Hello, Jeanie po. Bagong hire pa lang po ako rito, sana po turuan niyo po ako ng mga dapat kong malaman para magawa ko ng maayos ang trabaho ko,” nakangiting sagot naman ng dalaga kay Klarissa.
Parehong nasa Accounting Department ng kanilang kompanya ang magkasintahang Andrew at Klarissa, parehong kilala ang magkasintahan dahil sa taglay nilang galing sa kanilang trabaho. Dalawang taon pa lamang ang nakalilipas simula ng mag-umpisa silang magtrabaho sa kompanyang pinagtratrabahuan.
Parehong fresh graduate sina Andrew at Klarissa ng mag-apply, dahil parehong baguhan ay silang dalawa parati ang magkasama sa araw-araw sa trabaho. Naging malapit sila sa isa’t-isa hanggang sa nauwi sa pagkakamabutihan ng dalawa. Niligawan ni Andrew si Klarissa ng ilang buwan bago ito sinagot ng dalaga.
“Ako na ang magtuturo sa kanya ng mga trabahong gagawin niya ayon na rin sa utos ni Ma’am Ramirez,” paliwanag ni Andrew sa nobya. Tumango naman ang dalaga at ngumiti.
“Sige, pero kung may iba kang mga tanong at wala rito si Sir Andrew mo, pwede ka ring magtanong sa’kin,” pahayag ni Klarissa kay Jeanie. Mukha namang nakahinga ng maluwag ang dalaga dahil sa kabaitang ipinakita ng dalawa. Kinakabahan kasi si Jeanie kasi ito ang unang trabahong pinasukan niya. Isang buwan palang din kasi simula ng makapagtapos siya ng kaniyang pag-aaral.
“Naku, maraming salamat po ma’am!” masiglang pasasalamat ng dalaga kay Klarissa.
Mabilis na lumipas ang mga araw at mahigit dalawang buwan na sa trabaho si Jeanie. Medyo may pagkamali-mali ang dalaga kaya naman madalas itong mapag-initan sa trabaho ng kanilang boss.
Si Andrew ang madalas na kasama ng dalaga kaya naman ito ang parating nagpapagaan ng loob ng dalaga. Mapapansin din ang pagiging malapit ng dalawa sa isa’t-isa. Nagsisimula na ring may mapansin ang kanilang mga ka-opisina, may mga oras kasi na nagiging sweet na sa isa’t-isa si Andrew at Jeanie.
“Girl, hindi ka ba nababahala dyan sa bagong hire natin?” tanong kay Klarissa ng isa sa mga ka-opisina nila.
“Hmm… hindi naman. May tiwala naman ako sa nobyo ko tsaka hindi naman siguro ganun si Jeanie. Mukha naman siyang mabait,” sagot niya rito.
Likas talagang mabait si Klarissa at hindi niya ugaling mag-isip ng masama sa kaniyang kapwa hanggang sa hindi siya sigurado ay ayaw niyang pinag-iisipan ng masama ang kahit na sino.
Isang araw ay narinig ni Klarissa na tinutukso si Jeanie ng isa nilang ka-opisina. Lumapit naman siya para batiin sana sila at makisama ngunit nang makalapit na siya ay biglang tumigil ang dalawa na para bang nakakita ng multo. Nagtaka man si Klarissa ay hindi niya na lang ito binigyang pansin.
“Good Morning, girls,” masayang bati niya sa dalawa.
“Good morning ma’am,” sabay na sagot naman ng dalawang dalaga.
Maghahating-gabi na nang umuwi si Klarissa. Nag-overtime kasi siya dahil sa dami ng kailangan niyang tapusin na trabaho. Paglabas niya ng building ay nakita niya naman sa labas si Jeanie na mukhang nag-aabang din ng masasakyan pauwi.
“Jeanie, gabi na ah. Nag-overtime ka rin ba?” tanong niya sa dalaga. Nagulat naman ang dalaga ng bigla siyang magsalita.
“Ah opo ma’am,” agad na sagot ni Jeanie.
“Ang sipag mo naman. Saan ka ba umuuwi?” komento at tanong niya sa dalaga.
“Sa may bandang Blumentritt po, ma’am,” sagot ni Jeanie sa tanong niya.
“Ay, sa may España lang din ako, tara at sabay na tayo,” aya niya sa dalaga.
Kumuha sila ng taxi at nagsabay nang umuwi. Medyo malayo-layo ang kanilang destinasyon kaya naman marami silang naging oras para makapag-usap.
Dahil na rin sa natanong ni Jeanie ay naikwento ni Klarissa ang naging love story nila ni Andrew. Kitang-kita sa mga mata ni Klarissa na mahal na mahal nito ang nobyo. Tahimik naman na nakikinig lang si Jeanie hanggang sa nakarating na si Klarissa sa kaniyang bahay at nauna nang bumaba ng taxi.
“Sige Jeanie, mauna na ako ha? Mag-iingat ka,” paalam niya sa dalaga at bumababa na siya ng sasakyan at pumasok ng bahay.
Natuwa naman si Klarissa sa naging gabi niya. Hindi niya alam kung bakit sinasabihan siya ng mga ka-opisina nila na mag-ingat sa dalaga, mukhang mabait naman ito at magaan ang loob niya sa dalaga.
Pero parang gumuho ang kanyang mundo ng pagkalipas lamang ng dalawang linggo ay hindi na pumasok si Jeanie sa kanilang opisina. Napag-alaman na lamang nila na buntis na pala ang dalaga at ang ama ay walang iba kundi ang kaniyang nobyong si Andrew.
May nangyari pala sa dalawa. Nagmakaawa si Andrew kay Klarissa na patawarin niya pero labis na nasaktan ang dalaga kaya hindi niya magawang patawarin ito. Ayaw niya ring mawalan ng ama ang magiging anak nila ni Jeanie.
“Sa ngayon ay hindi ko pa maibibigay sa inyo ang kapatawarang hinihingi mo, pero balang araw, ‘pag wala na ang sakit, siguradong mapapatawad ko rin kayo. Kung talagang nagsisisi ka at minahal mo ako ng kahit konti, sana ay maging mabuti kang ama sa iyong magiging anak,” lumuluhang saad ni Klarissa sa nakaluhod na si Andrew. Binitawan niya ang kamay ng binata na nakahawak sa kaniyang kamay at dahan-dahan umalis at iniwan ang binata sa labas ng kanilang bahay.
Umalis din sa kompanya nila si Andrew. Nabalitaan niya na lamang na nagpakasal na ang dalawa bago pa manganak si Jeanie. Labis mang nasaktan si Klarissa ay pinili niya na lamang na maging masaya para sa kanila. Naniniwala naman siyang may darating din na para sa kaniya.